‏ Exodus 39

Ang mga Damit ng mga Pari

(Exo. 28:1-14)

1Tumahi rin sina Bezalel ng banal na mga damit para sa mga pari ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises. Ang telang ginamit nila ay lanang kulay asul, ube at pula. Ito rin ang telang ginamit nila sa pagtahi ng damit ni Aaron.

Ang Espesyal na Damit ng mga Pari

(Exo. 28:6-14)

2Nagtahi rin sila ng espesyal na damit
espesyal na damit: sa Hebreo, efod.
ng mga pari. Ang telang ginamit nila ay pinong linen na binurdahan gamit ang lanang kulay asul, ube at pula.
3Gumawa sila ng sinulid na ginto sa pamamagitan ng pagpitpit sa ginto at paghahati-hati rito nang manipis. Pagkatapos, ibinurda nila ito sa pinong telang linen, kasama ng lanang kulay asul, ube at pula. Napakaganda ng pagkakaburda nito. 4May dalawang parte ang damit na ito, sa likod at harap, at pinagdudugtong ito ng dalawang tirante sa may balikat. 5Ang sinturon nito ay gawa sa pinong telang linen na binurdahan ng gintong sinulid at lanang kulay asul, ube at pula. Ginawa nila itong lahat ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.

6Ikinabit nila ang mga batong onix sa balangkas na ginto. Inukitan nila ito ng pangalan ng mga anak ni Jacob
Jacob: sa Hebreo, Israel.
gaya ng pagkakaukit sa pantatak.
7Ikinabit nila ito sa mga tirante ng espesyal na damit bilang mga alaalang bato para sa lahi ng Israel. Ginawa nila itong lahat ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.

Ang Bulsa na Nasa Dibdib

(Exo. 28:15-30)

8Gumawa rin sila ng bulsa na nasa dibdib at napakaganda ng pagkakagawa nito. Ang tela nitoʼy katulad din ng tela ng espesyal na damit: pinong telang linen na binurdahan gamit ang gintong sinulid, lanang kulay asul, ube at pula. 9Ang bulsa na nasa dibdib ay nakatupi ng doble at parisukat – siyam na pulgada ang haba at siyam na pulgada rin ang lapad. 10Inilagay nila rito ang apat na hanay ng mamahaling mga bato. Sa unang hanay nakalagay ang rubi, topaz, at beril; 11sa ikalawang hanay, esmeralda, safiro at turkois; 12sa ikatlong hanay, hasinto, agata at ametista; 13at sa ikaapat na hanay, krisolito, onix at jasper. Inilagay nila ito sa balangkas na ginto. 14Ang bawat bato ay may pangalan ng isa sa mga anak ni Jacob bilang kinatawan sa 12 lahi ng Israel. Ang pagkakaukit ng pangalan ay gaya ng pagkakaukit sa pantatak.

15Nilagyan nila ng mala-kwintas na tali na purong ginto ang bulsa na nasa dibdib. 16Gumawa rin sila ng dalawang balangkas na ginto at dalawang parang singsing na ginto sa ibabaw ng mga sulok ng bulsa sa dibdib. 17Isinuot nila ang dalawang mala-kwintas na taling ginto sa dalawang parang singsing sa bulsa na nasa dibdib, 18at ang dalawang dulo naman ng mala-kwintas na tali ay isinuot sa dalawang balangkas na ginto na nakakabit sa tirante ng espesyal na damit.

19Gumawa rin sila ng dalawa pang parang mga singsing na ginto at isinuot ito sa ilalim ng mga gilid ng bulsa na nasa dibdib na nakapatong sa espesyal na damit. 20Gumawa pa rin sila ng dalawa pang parang singsing na ginto at ikabit nila ito sa espesyal na damit sa may bandang sinturon. 21Pagkatapos, tinahi nila ng asul na panali ang ilalim ng mga parang singsing sa bulsa sa dibdib at ang mga parang singsing sa espesyal na damit. Sa pamamagitan nito, mapapagdugtong nang maayos ang mga parang singsing sa bulsa sa dibdib at sa espesyal na damit, sa itaas ng sinturon. Ginawa nila itong lahat ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.

Ang Iba pang Damit ng mga Pari

(Exo. 28:31-43)

22Tumahi rin sila ng damit-panlabas ng mga pari. Ang mga ito ay napapatungan ng espesyal na damit. Ang telang ginamit nila sa pagtahi ng damit-panlabas ay lana na purong asul. 23Ang mga damit na itoʼy may butas sa gitna para sa ulo at may parang kwelyo para hindi ito mapunit. 24Nilagyan nila ang palibot ng laylayan ng damit ng mga palamuting korteng prutas na pomegranata, na gawa sa pinong telang linen na binurdahan gamit ang lanang kulay asul, ube at pula. 25 26Nilagyan nila ng mga gintong kampanilya ang laylayan ng damit sa pagitan ng palamuting hugis pomegranata. Ang damit na ito ang isusuot ni Aaron kapag naglilingkod na siya sa Panginoon. Ginawa nila itong lahat ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.

27Gumawa rin sila ng panloob na mga damit para kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki. Pinong linen ang tela na kanilang ginamit. 28Ganito rin ang tela na ginamit nila sa paggawa ng mga turban, mga panali sa ulo at panloob na mga damit. 29Ang mga sinturon ay gawa rin sa pinong telang linen na binurdahan gamit ang lanang kulay asul, ube at pula. At napakaganda ng pagkakaburda nito. Ginawa nila itong lahat ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.

30Gumawa sila ng parang medalya na purong ginto at inukit nila ang mga salitang ito, “Ibinukod para sa Panginoon,” katulad ng pagkakaukit sa pantatak. 31Itinali nila ito sa harap ng turban sa pamamagitan ng asul na panali. Ginawa nila itong lahat ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.

Ang Pagsusuri ni Moises sa Natapos na Gawain

(Exo. 35:10-19)

32Natapos ang lahat ng gawain sa Toldang Sambahan na tinatawag ding Toldang Tipanan. Ginawa ng mga Israelita ang lahat ng iniutos ng Panginoon kay Moises. 33Ipinakita nila kay Moises ang Toldang Sambahan at ang lahat ng kagamitan nito: ang mga kawit, balangkas, biga, haligi, pundasyon, 34ang pantaklob na gawa sa balat ng lalaking tupa na kinulayan ng pula, ang pantaklob na gawa sa magandang klase ng balat, ang mga kurtina; 35ang Kahon ng Kasunduan, ang takip nito at pambuhat; 36ang mesa at ang lahat ng kagamitan nito, ang tinapay na inihahandog sa presensya ng Dios; 37ang lalagyan ng ilaw na purong ginto at ang mga ilaw at kagamitan nito, ang langis para sa ilaw; 38ang altar na ginto, ang langis na pamahid, ang mabangong insenso, ang kurtina sa pintuan ng Tolda; 39ang altar na tanso at ang parilyang tanso, ang pambuhat at ang lahat ng kagamitan nito, ang planggana at ang patungan nito; 40ang mga kurtina sa palibot ng bakuran at ang mga haligi at pundasyon nito, ang kurtina sa pintuan ng bakuran, ang mga panali at mga tulos para sa kurtina ng bakuran, ang lahat ng kagamitan sa Toldang Sambahan na tinatawag ding Toldang Tipanan; 41at ang banal na mga damit na isusuot ni Aaron at ng mga anak niya kapag naglilingkod na sila bilang mga pari sa Tolda.

42Ginawa ng mga Israelita ang lahat ng gawain ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises. 43Tiningnan ni Moises ang trabaho nila, at nakita niya na ginawa nilang lahat iyon ayon sa iniutos ng Panginoon. Kaya binasbasan sila ni Moises.

Copyright information for TglASD