‏ Exodus 36

1“Sina Bezalel, Oholiab at ang iba pang binigyan ng Panginoon ng kaalaman at kakayahan sa ibaʼt ibang gawain ang siyang gagawa ng Tolda ayon sa utos ng Panginoon.”

2Kaya ipinatawag ni Moises sina Bezalel, Oholiab at ang iba pang binigyan ng Panginoon ng kaalaman at kakayahan sa ibaʼt ibang gawain na desididong tumulong sa pagtatrabaho. 3Ibinigay ni Moises sa kanila ang lahat ng inihandog ng mga Israelita para sa pagpapatayo ng Tolda. At patuloy pa rin ang kusang-loob na pagdadala ng mga tao ng mga handog nila tuwing umaga. 4Kaya pumunta kay Moises ang mga nagtatrabaho sa Tolda at nagsabi, 5“Sobra na sa kinakailangan ang dinadala ng mga tao para sa gawaing iniutos ng Panginoon na gawin.”

6Kaya ipinadala ni Moises ang utos na ito sa buong kampo: “Huwag na kayong maghahandog para sa pagpapatayo ng Toldang Sambahan.” Kaya tumigil na ang mga tao sa pagdadala ng mga handog nila, 7dahil sobra-sobra na ang ibinigay nila para sa lahat ng gawain sa Tolda.

Ang Pagpapatayo ng Toldang Sambahan

(Exo. 26:1-37)

8Ang lahat ng mahuhusay magtrabaho ang gagawa ng Toldang Sambahan. Ang mga gagamitin sa paggawa nito ay sampung piraso ng pinong telang linen na may lanang kulay asul, ube at pula. At paburdahan ito ng kerubin sa mahuhusay na mambuburda. 9Ang bawat tela ay may haba na 42 talampakan at may lapad na anim na talampakan. 10Pagtatahi-tahiin nila ito ng tiglilima. 11Gumawa sila ng parang singsing na telang asul at inihanay sa bawat gilid ng pinagdugtong na mga tela; 12tig-50 ang ikinabit sa bawat dulo at magkaharap ito. 13Gumawa rin sila ng 50 kawit na ginto para mapagsama ang mga parang singsing ng gilid ng pinagdugtong na mga tela. Sa pamamagitan nito, magagawa ang Toldang Sambahan.

14Kaya gumawa silang talukbong ang Tolda. Labing-isang pirasong tela na gawa sa balahibo ng kambing ang gagamitin sa paggawa nito. 15May haba na 45 talampakan ang bawat tela at may anim na talampakan ang lapad. 16Pinagdugtong-dugtong nila ang limang tela, at ganoon din ang ginawa nila sa natirang anim. 17Nilagyan nila ng 50 parang singsing ang bawat gilid ng pinagdugtong na mga tela, 18at ikinabit nila ang 50 tansong kawit.

19Ang ibabaw ng talukbong nito ay papatungan ng balat ng lalaking tupa na kinulayan ng pula, at papatungan din ng magandang klase ng balat.

20Pagkatapos, gumawa sila ng balangkas ng Tolda. Ang ginamit nila ay tabla ng akasya. 21Ang haba ng bawat tabla ay 15 talampakan at dalawang talampakan ang lapad. 22Ang bawat tabla ay nilagyan ng dalawang mitsa
mitsa: sa Ingles, “tenon.”
para maidugtong ito sa isa pang tabla. Ganito ang ginawa nila sa bawat tabla.
23Ang 20 sa tablang ito ay ginamit nila na pangbalangkas sa timog na bahagi ng Tolda. 24Ang mga tabla ay isinuksok nila sa 40 pundasyong pilak – dalawang pundasyon sa bawat tabla. 25Ang hilagang bahagi ng Tolda ay ginamitan din ng 20 tabla, 26at isinuksok din sa 40 pundasyong pilak – dalawang pundasyon bawat tabla. 27Ang kanlurang bahagi ng Tolda ay ginamitan nila ng anim na tabla, 28at dalawang tabla sa mga gilid nito. 29Ang mga tabla sa sulok ay naikabit nang maayos mula sa ilalim hanggang sa itaas sa pamamagitan ng isang argolya. Ganito rin ang ginawa nila sa dalawang tabla sa mga sulok. 30Kaya may walong tabla sa bahaging ito ng Tolda, at nakasuksok ito sa 16 na pundasyong pilak – dalawang pundasyon sa bawat tabla.

31Gumawa rin sila ng mga akasyang biga – lima para sa bahaging hilaga ng Tolda, 32lima rin sa bahaging timog, at lima pa rin sa bahaging kanluran, sa likod ng Tolda. 33Ang biga sa gitna ng balangkas ay inilagay nila mula sa dulo ng Tolda papunta sa kabilang dulo nito. 34Binalutan nila ng ginto ang mga tabla at nilagyan ng argolyang
argolya: korteng singsing. Ito rin ang nasa 37:3.
ginto na siyang humahawak sa mga tabla. Binalutan din nila ng ginto ang mga biga.

35Gumawa rin sila ng kurtina na mula sa pinong telang linen na binurdahan gamit ang lanang kulay asul, ube at pula. At maayos na nabuburdahan ng larawan ng kerubin. 36Gumawa rin sila ng apat na haligi ng akasya na may mga kawit na ginto, at ikinabit nila roon ang kurtina. Ang apat na haligi ay nakasuksok sa apat na pundasyong pilak. 37Gumawa sila ng isa pang kurtina para sa pintuan ng Toldang Sambahan. Pinong telang linen rin ito na binurdahan gamit ang lanang kulay asul, ube at pula. At napakaganda ng pagkakaburda nito. 38Gumawa rin sila ng limang haligi na may mga kawit, at ikinabit nila rito ang kurtina. Ang mga haliging itoʼy nababalutan ng ginto pati na ang mga ulo at baras nito, at nakasuksok ito sa limang pundasyong tanso.

Copyright information for TglASD