‏ Exodus 35

Ang Tuntunin sa Araw ng Pamamahinga

1Tinipon ni Moises ang buong mamamayan ng Israel at sinabi sa kanila, “Ito ang iniutos ng Panginoon na gawin ninyo: 2Sa loob ng anim na araw, gawin ninyo ang mga gawain ninyo, pero sa ikapitong araw ay magpahinga kayo, dahil banal ang araw na ito at para ito sa Panginoon. Ang sinumang magtrabaho sa araw na ito ay papatayin. 3Kaya huwag na huwag kayong magtatrabaho, kahit na magsindi ng apoy sa bahay ninyo para magluto sa araw na iyon.”

Ang mga Handog para sa Toldang Sambahan

(Exo. 25:1-9)

4Sinabi ni Moises sa buong mamamayan ng Israel, “Ito ang iniutos ng Panginoon na gawin ninyo: 5Maghandog kayo sa Panginoon mula sa mga ari-arian ninyo. Maghandog nang maluwag sa inyong puso ng mga ginto, pilak, tanso, 6lanang kulay asul, ube at pula, pinong telang linen, telang gawa sa balahibo ng kambing, 7balat ng lalaking tupa na kinulayan ng pula, magandang klase ng balat, kahoy na akasya, 8langis ng olibo para sa ilaw, mga sangkap sa langis na pamahid at pabango sa insenso, 9batong onix at iba pang mamahaling bato na ilalagay sa espesyal na damit
espesyal na damit: sa Hebreo, “efod.”
ng punong pari at sa bulsa sa dibdib nito.

Mga Kagamitan para sa Toldang Sambahan

(Exo. 39:32-43)

10“Lumapit ang lahat ng may kakayahang magtrabaho sa inyo at tumulong sa paggawa ng lahat ng bagay na iniutos ng Panginoon na gawin ninyo: 11ang Toldang Sambahan at ang mga talukbong nito, mga kawit, mga tablang balangkas, mga biga, mga haligi at mga pundasyon; 12ang Kahon ng Kasunduan at ang mga tukod na pambuhat, takip at kurtina; 13ang mesa at ang mga tukod na pambuhat at ang lahat ng kagamitan nito, at ang tinapay na inihahandog sa presensya ng Dios; 14ang lalagyan ng ilaw at mga kagamitan nito, ang mga ilaw at ang langis para sa ilawan; 15ang altar na pagsusunugan ng insenso at ang mga tukod na pambuhat nito, ang langis na pamahid, ang mabangong insenso, ang kurtina ng pintuan ng Tolda; 16ang altar na pinagsusunugan ng mga handog na sinusunog at ang parilyang tanso, mga tukod na pambuhat at ang lahat ng kagamitan nito, ang tansong planggana at ang patungan nito; 17ang mga kurtina sa palibot ng bakuran ng Tolda at ang mga haligi at pundasyon nito, ang kurtina sa pintuan ng bakuran; 18ang mga tulos at mga lubid ng Tolda at ang mga kurtina sa palibot nito, 19at ang banal na mga damit ni Aaron na pari at mga anak niyang lalaki, na isusuot nila kapag naglilingkod na sila sa Banal na Lugar.”

20Pagkatapos, umalis ang buong mamamayan ng Israel sa harapan ni Moises. 21Ang lahat ng gustong maghandog sa Panginoon ay nagdala ng mga materyales na gagamitin sa paggawa ng Toldang Tipanan at ang lahat ng kagamitan nito, at mga materyales para sa mga damit ng mga pari. 22Ang lahat ng gustong maghandog, lalaki man o babae ay nagdala ng mamahaling mga alahas; mga hikaw, mga kwintas, mga pulseras at ibaʼt ibang klase ng gintong alahas. Dinala nila ang mga ginto nila bilang handog sa Panginoon. 23May mga naghandog din ng lanang kulay asul, ube at pula, pinong telang linen, tela na gawa sa balahibo ng kambing, balat ng lalaking tupa na kinulayan ng pula, at magandang klase ng balat. 24Nagdala ang iba ng pilak o kaya naman ay tanso, at mga kahoy na akasya bilang handog sa Panginoon. 25Nagdala naman ng mga lanang kulay asul, ube at pula, at pinong telang linen ang mga babaeng may kakayahang gumawa ng tela. 26At ang mga babae namang marunong gumawa ng tela mula sa balahibo ng kambing ay kusang-loob na ginawa nito. 27Nagdala ang mga pinuno ng mga batong onix at iba pang mamahaling bato para ilagay sa espesyal na damit ng punong pari at sa bulsa sa dibdib nito. 28Nagdala rin sila ng mga sangkap at langis ng olibo para sa ilaw, para sa langis na pamahid at pabango sa insenso. 29Kaya ang lahat ng mga Israelita, lalaki man o babae, na gustong tumulong sa lahat ng gawain na iniutos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises ay kusang-loob na nagdala ng mga handog sa Panginoon.

Ang mga Manggagawa ng Toldang Sambahan

(Exo. 31:1-11)

30Sinabi ni Moises sa mga Israelita, “Pinili ng Panginoon si Bezalel, na anak ni Uri at apo ni Hur, na mula sa lahi ni Juda. 31Pinuspos siya ng Espiritu ng Dios at binigyan ng kaalaman at kakayahan sa anumang gawain – 32sa paggawa ng magagandang bagay na ginto, pilak at tanso; 33sa paghuhugis ng mamahaling bato, sa paglililok ng kahoy, at lahat ng klase na gawang kamay. 34Binigyan din siya ng Dios, at si Oholiab na anak ni Ahisamac na mula sa lahi ni Dan, ng kakayahang magturo sa iba ng mga nalalaman nila. 35Binigyan sila ng Panginoon ng kakayahang gumawa ng lahat ng klase ng gawain: ang pagdidisenyo, ang paggawa ng tela, ang pagbuburda ng pinong telang linen at ng lanang kulay asul, ube at pula. Kaya nilang gawin ang kahit anong klase ng gawain, at napakahuhusay nilang gumawa.

Copyright information for TglASD