‏ Exodus 30

Ang Altar na Pagsusunugan ng Insenso

(Exo. 37:25-28)

1“Magpagawa ka ng altar na akasya na pagsusunugan ng insenso. 2Kailangang kwadrado ito-18 pulgada ang haba at ang lapad, at tatlong talampakan ang taas. Kailangang mayroon itong parang sungay sa mga sulok na kasamang ginawa nang gawin ang altar. 3Balutin mo ng purong ginto ang ibabaw nito, ang apat na gilid, at ang parang sungay sa mga sulok nito. At lagyan mo ito ng hinulmang ginto sa palibot. 4Palagyan ng dalawang argolyang ginto sa ilalim ng hinulmang ginto sa magkabilang gilid ng altar, para pagsuksukan ng mga tukod na pambuhat dito. 5Gumawa ka ng tukod na gawa sa kahoy ng akasya at balutan ito ng ginto. 6Ilagay ito sa harap ng altar sa telang tumatabing sa Kahon ng Kasunduan. Doon ako makikipagkita sa inyo.

7“Tuwing umaga, kapag mag-aasikaso si Aaron ng mga ilaw, magsusunog siya ng mabangong insenso sa nasabing altar. 8At sa hapon, kapag magsisindi siya ng ilaw, magsusunog siyang muli ng insenso. Dapat itong gawin araw-araw sa aking presensya ng susunod pang mga henerasyon. 9Huwag kayong mag-aalay sa altar na ito ng ibang insenso, o kahit anong handog na sinusunog, o handog para sa mabuting relasyon, o handog na inumin. 10Isang beses sa bawat taon, kailangang linisin ni Aaron ang altar sa pamamagitan ng pagpapahid ng dugo sa parang mga sungay na sulok nito. Ang dugong ipapahid ay galing sa handog sa paglilinis. Dapat itong gawin bawat taon ng susunod pang mga henerasyon, dahil ang altar na ito ay napakabanal para sa akin.”

11Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Moises, 12“Kapag isesensus mo ang mga mamamayan ng Israel, ang bawat mabibilang ay magbabayad sa akin para sa buhay niya, para walang kapahamakang dumating sa kanya habang binibilang mo sila. 13Ang ibabayad ng bawat isang mabibilang mo ay anim na gramong pilak ayon sa bigat ng pilak sa timbangang ginagamit ng mga pari. Ibibigay nila ito bilang handog sa akin. 14Ang lahat ng may edad na 20 pataas ang maghahandog nito sa akin. 15Hindi magbabayad ng sobra ang mga mayayaman, at hindi magbabayad ng kulang ang mga mahihirap. 16Gamitin mo ang pera para sa mga pangangailangan sa Toldang Tipanan. Bayad ito ng mga Israelita para sa kanilang buhay, at sa pamamagitan nitoʼy aalalahanin ko sila.”

Ang Plangganang Hugasan

(Exo. 38:8)

17Sinabi ng Panginoon kay Moises, 18“Gumawa ka ng tansong planggana na tanso rin ang patungan, para gamiting hugasan. Ilagay mo ito sa gitna ng Toldang Tipanan at ng altar, at lagyan ito ng tubig. 19Ito ang gagamitin ni Aaron at ng mga anak niya sa paghuhugas ng mga kamay at paa nila, 20 21bago sila pumasok sa Toldang Tipanan, at bago sila lumapit sa altar para mag-alay sa akin ng mga handog sa pamamagitan ng apoy. Kailangan nilang hugasan ang mga kamay at paa nila para hindi sila mamatay. Dapat sundin ni Aaron at ng mga angkan niya ang mga tuntuning ito hanggang sa susunod pang mga henerasyon.”

Ang Langis na Pamahid

22Sinabi ng Panginoon kay Moises, 23“Kumuha ka ng pinakamainam na mga sangkap: anim na kilong mira, tatlong kilo ng mabangong sinamon, tatlong kilong asukal, 24anim na kilong kasia (kailangan ang bigat nitoʼy ayon sa timbangang ginagamit ng mga pari) at isang galong langis ng olibo. 25Sa pamamagitan nito, makakagawa ka ng banal na mabangong langis na pamahid. 26 27 28
The text of verses 26-Exo 30:28 has been merged.
Pahiran mo ng langis na ito ang Toldang Tipanan, ang Kahon ng Kasunduan, ang mesa at ang lahat ng kagamitan nito, ang lalagyan ng ilaw at ang lahat ng kagamitan nito, ang altar na pagsusunugan ng insenso, ang altar na pinagsusunugan ng mga handog na sinusunog at ang lahat ng kagamitan nito, at ang planggana at ang patungan nito.
29Italaga mo ang mga bagay na ito para maging napakabanal nito. Ibubukod ang sinumang makakahawak nito.
Ibubukod … makakahawak nito: Tingnan ang Lev. 6:18 at ang “footnote” nito.


30“Pahiran mo rin ng langis si Aaron at ang mga anak niya bilang pag-oordina sa kanila, para makapaglingkod sila sa akin bilang mga pari. 31Sabihin mo sa mga Israelita na ito ang banal kong langis ang dapat gamiting pamahid hanggang sa mga susunod pang mga henerasyon. 32Huwag nʼyo itong ipapahid sa ordinaryong mga tao, at huwag nʼyo rin itong gawin para sa mga sarili nʼyo lang. Banal ito, kaya ituring nʼyo rin itong banal. 33Ang sinumang gagawa ng langis na ito o gagamit nito sa sinumang hindi pari ay huwag na ninyong ituring na kababayan.”

Ang Insenso

34Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Kumuha ka ng pare-parehong dami ng mababangong sangkap: estakte, onika, galbano at purong kamangyan. 35Sa pamamagitan ng mga ito, gumawa ka ng napakabangong insenso. Pagkatapos, lagyan mo ng asin para maging puro ito at banal. 36Dikdikin nang pino ang iba sa mga ito at iwisik sa harap ng Kahon ng Kasunduan na nasa Toldang Tipanan, kung saan ako makikipagkita sa iyo. Dapat mo itong ituring na pinakabanal. 37Huwag kayong gagawa ng mga insensong ito para sa inyong sarili. Ituring nʼyo itong banal para sa Panginoon. 38Ang sinumang gagawa nito para gagamiting pabango ay huwag na ninyong ituring na kababayan.”

Copyright information for TglASD