Exodus 21
Ang Pagtrato sa mga Alipin
(Deu. 15:12-18)
1 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Ito ang mga tuntuning ipapatupad mo sa mga Israelita:2“Kung bibili kayo ng mga aliping Hebreo, maglilingkod siya sa inyo sa loob ng anim na taon. Pero sa ikapitong taon, lalaya siya sa pagkaalipin niya na walang babayaran. 3Kung binili nʼyo siya na wala pang asawa at sa katagalan ay nakapag-asawa, siya lang ang lalaya sa ikapitong taon. Pero kung may asawa siya nang bilhin ninyo, lalaya rin ang kanyang asawa kasama niya. 4Kung binigyan siya ng amo niya ng mapapangasawa at nagkaanak sila, lalaya siya sa ikapitong taon, pero ang asawa at ang mga anak niya ay maiiwan sa kanyang amo.
5“Pero kung sasabihin ng alipin na minamahal niya ang kanyang amo, ang asawaʼt mga anak niya, at hindi niya gustong lumaya, 6dadalhin siya ng amo niya sa presensya ng Dios ▼
▼Dios: o, mga pinuno.
doon sa may pintuan o hamba ng lugar na pinagsasambahan. Bubutasan ng amo niya ang isa sa tainga niya at magiging alipin siya ng amo niya magpakailanman. 7“Kung ipagbibili ng isang tao ang anak niyang babae para gawing alipin, hindi siya lalaya sa ikapitong taon kagaya ng lalaking alipin. 8Kung hindi masisiyahan ang amo niyang bumili sa kanya, pwede siyang tubusin ng pamilya niya dahil hindi pananagutan ng amo niya ang responsibilidad sa kanya. Pero hindi siya pwedeng ipagbili ng amo niya sa mga dayuhan. 9Kung ibibigay ng amo niya ang aliping ito sa kanyang anak bilang asawa, kailangan niyang ituring siya na anak niyang babae. 10Kung gagawin niyang asawa ang alipin, at mag-aasawa pa siya ng iba pang babae, kailangang ipagpatuloy niya ang pagbibigay sa kanya ng mga pagkain at damit, at ang pagsiping sa kanya. 11Kung hindi niya masusunod ang tatlong bagay na ito, papayagan niyang lumaya ang babae nang walang bayad.
Mga Kautusan Tungkol sa mga Krimen
12“Ang sinumang makakasakit ng tao at mapatay ito, papatayin din siya. 13Pero kung hindi niya ito sinadya at pinayagan ko itong mangyari, makakatakas siya sa lugar na ituturo ko sa kanya. 14Pero kung sinadya niya at plinano ang pagpatay, patayin nʼyo siya kahit na lumapit pa siya sa altar ko.15“Ang sinumang mananakit ▼
▼mananakit: o, papatay.
sa kanyang ama o ina ay papatayin. 16“Ang sinumang dudukot sa isang tao ay papatayin kahit na ipinagbili na niya o hindi ang kanyang dinukot.
17“Ang sinumang lumapastangan sa kanyang ama at ina ay papatayin.
18“Halimbawang nag-away ang dalawang tao, sinuntok o binato ang kanyang kaaway at siyaʼy nabalda at hindi na makabangon pero hindi namatay, 19ngunit kung sa bandang huliʼy makabangon at makalakad ang napilay, kahit na nakabaston pa siya, ang taong nanakit sa kanyaʼy hindi dapat parusahan. Pero kailangang magbayad ang tao sa kanya sa nasayang na panahon, at kailangan siyang alagaan ng taong nanakit hanggang sa gumaling siya.
20“Kapag hinagupit ng tungkod ng sinuman ang kanyang alipin, lalaki man o babae, at agad itong namatay, parurusahan siya. 21Pero kung makakabangon ang alipin pagkalipas ng isa o dalawang araw, hindi siya parurusahan dahil pagmamay-ari niya ang alipin.
22“Kung may nag-aaway at nasaktan ang isang buntis, at napaanak ito nang wala pa sa oras, ▼
▼napaanak ito nang wala pa sa oras: o, nalaglag.
pero walang masamang nangyari sa kanya, pagbabayarin ang nakasakit ayon sa halagang hinihingi ng asawa at pinayagan ng hukom. 23Pero kung malubha ang nangyari sa babae, parurusahan ang responsable katulad ng nangyari sa babae. Kung namatay ang babae, papatayin din siya. 24Kung mabulag ang babae, bubulagin din siya. Kung mabungi ang ngipin nito, bubungiin din siya. Kung nabali ang kamay o paa, babaliin din ang kanyang kamay o paa. 25Kung napaso, papasuin din siya. Kung nasugatan, susugatan din siya. Kung nagalusan, gagalusan din siya. 26“Kung sinuntok ng amo ang kanyang aliping lalaki o babae sa mata at nabulag ito, palalayain niya ito sa pagkaalipin bilang bayad sa mata na binulag niya. 27Kung nabungi niya ang ngipin ng kanyang aliping lalaki o babae, palalayain din niya ito sa pagkaalipin bilang bayad sa ngiping nabungi.
28“Kung ang toro ay nakasuwag ng lalaki o babae at namatay siya, kailangang batuhin ang toro hanggang sa mamatay, at huwag kakainin ang karne nito, pero walang pananagutan dito ang may-ari ng toro. 29Pero kung nasanay nang manuwag ng tao ang toro at binigyan na ng babala ang may-ari tungkol dito, pero hindi niya ito ikinulong at nakapatay ito ng tao, kailangang batuhin ito hanggang sa mamatay at papatayin din ang may-ari. 30Pero kung pagbabayarin ang may-ari para mabuhay siya, kailangang bayaran niya nang buo ang halagang hinihingi sa kanya. 31Ganito rin ang tuntunin kung nakasuwag ang toro ng bata, lalaki man o babae. 32Kung nakasuwag ang toro ng alipin, lalaki man o babae, kailangang magbayad ang may-ari nito ng 30 pirasong pilak sa amo ng alipin, at kailangang batuhin ang toro.
33“Kung may taong nagtanggal ng takip ng balon o taong naghukay ng balon at hindi niya ito tinakpan, at may nahulog na baka o asno sa balong iyon, 34dapat magbayad ang may-ari ng balon sa may-ari ng hayop, at magiging kanya na ang hayop.
35“Kung makapatay ang toro ng kapwa toro, ipagbibili ng parehong may-ari ang buhay na toro at hahatiin ang pinagbilhan nito. Hahatiin din nila ang karne ng namatay na toro. 36Pero kung nasanay nang manuwag ang torong nakapatay at hindi ito ikinulong ng may-ari, magbabayad ang may-ari ng isang toro kapalit ng namatay, at magiging kanya na ang namatay na toro.
Copyright information for
TglASD