‏ Exodus 14

1Sinabi ng Panginoon kay Moises, 2“Sabihin mo sa mga Israelita na bumalik sila malapit sa Pi Hahirot, sa gitna ng Migdol at Dagat na Pula, at magkampo sila roon sa tabi ng dagat, sa harap ng Baal Zefon. 3Iisipin ng Faraon na nagkaligaw-ligaw kayo at hindi na makalabas ng disyerto. 4At patitigasin ko ang kanyang puso at hahabulin niya kayo. Pero papatayin ko siya at ang kanyang mga sundalo. Sa pamamagitan nitoʼy mapaparangalan ako, at malalaman ng mga Egipcio na ako ang Panginoon.” Kaya ginawa ito ng mga Israelita.

5Nang mabalitaan ng hari ng Egipto na tumakas ang mga Israelita, nagbago ang isip niya at ang lahat ng opisyal tungkol sa pag-alis ng mga Israelita. Sinabi nila, “Ano ba ang ginawa natin? Bakit natin pinaalis ang mga Israelita? Ngayon, wala na tayong mga alipin.” 6Kaya inihanda ng Faraon ang karwahe niya at ang kanyang mga sundalo. 7Dinala niya ang 600 na pinakamahuhusay na karwahe ng Egipto at ang iba pang mga karwahe. Bawat isaʼy pinamamahalaan ng opisyal. 8Pinatigas ng Panginoon ang puso ng Faraon na hari ng Egipto, kaya hinabol niya ang mga Israelita na naglalakbay na buo ang loob. 9Ang mga Egipcio na sumama sa paghabol ay ang mga sundalo ng hari, kasama ang mga mangangabayo niya sakay ng kanilang mga kabayo at karwahe. Naabutan nila ang mga Israelita sa pinagkakampuhan nila sa tabi ng Dagat na Pula malapit sa Pi Hahirot, sa harap ng Baal Zefon.

10Nang papalapit na ang Faraon at ang kanyang mga sundalo, nakita sila ng mga Israelita. Kaya lubha silang natakot at humingi ng tulong sa Panginoon. 11Sinabi nila kay Moises, “Bakit dito mo pa kami dinala sa disyerto para mamatay? Wala bang libingan doon sa Egipto? Bakit mo pa kami pinalabas sa Egipto? 12Hindi baʼt sinabi namin sa iyo sa Egipto na pabayaan mo na lang kaming magpaalipin sa mga Egipcio? Mas mabuti pang nanilbihan na lang kami sa mga Egipcio kaysa sa mamatay dito sa disyerto!”

13Sumagot si Moises sa mga tao, “Huwag kayong matakot. Magpakatatag kayo at makikita ninyo ang pagliligtas ng Panginoon sa inyo sa araw na ito. Ang mga Egipciong nakikita ninyo ngayon ay hindi na ninyo makikita pang muli. 14Ang Panginoon ang makikipaglaban para sa inyo. Hindi nʼyo na kailangang makipaglaban pa.”

15Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Moises, “Bakit patuloy ka pa ring humihingi ng tulong sa akin? Sabihin mo sa mga Israelita na magpatuloy sila sa paglalakbay. 16Pagkatapos, itaas mo ang iyong baston sa dagat para mahati ang tubig at makatawid ang mga Israelita sa tuyong lupa. 17Patitigasin ko ang puso ng mga Egipcio para habulin nila kayo. Pero lilipulin ko ang Faraon at ang kanyang mga sundalo, mangangabayo at mga karwahe. Sa pamamagitan nito, mapaparangalan ako. 18At kapag nalipol ko na sila, malalaman ng mga Egipcio na ako ang Panginoon.”

19Pagkatapos, lumipat sa hulihan ang anghel ng Dios na nangunguna sa mamamayan ng Israel, ganoon din ang makapal na ulap. 20Tumigil ito sa gitna ng mga Israelita at mga Egipcio. Sa buong gabi, nagbigay ng liwanag ang ulap sa mga Israelita at nagbigay ng kadiliman sa mga Egipcio. Kaya lumipas ang gabi na hindi nakalapit ang mga Egipcio sa mga Israelita.

21Pagkatapos, itinaas ni Moises ang kanyang kamay sa dagat, at nahati ang dagat sa pamamagitan ng malakas na hangin na ipinadala ng Panginoon mula sa silangan. Buong gabing umihip ang hangin hanggang ang gitna ng dagat ay naging tuyong lupa. 22At tumawid ang mga Israelita sa tuyong lupa, na ang tubig ay parang pader sa magkabilang gilid.

23Hinabol sila ng mga sundalo ng Egipto kasama ang kanilang mga mangangabayo, mga karwahe at mga kabayo. 24Nang mag-uumaga na, tiningnan ng Panginoon ang mga sundalo ng Egipto mula sa makapal na ulap at naglalagablab na apoy, at nilito niya sila. 25Tinanggal
Tinanggal: sa Samaritan Pentateuch, sa Septuagint, at sa Syriac ay Pinabaon.
niya ang mga gulong ng mga karwahe nila para mahirapan silang patakbuhin ito. Sinabi ng mga Egipcio, “Umatras na lang tayo sa mga Israelita, dahil ang Panginoon ang lumalaban sa atin para sa kanila.”

26 Nang nakatawid na ang mga Israelita, sinabi ng Panginoon kay Moises, “Itaas mo ang iyong kamay sa dagat para bumalik ang tubig at matabunan ang mga Egipcio at ang karwahe nila at mga mangangabayo.” 27Kaya itinaas ni Moises ang kanyang kamay sa dagat, at nang sumisikat na ang araw, bumalik ang tubig sa dati nitong lugar. Tinangkang tumakas ng mga Egipcio pero ipinaanod sila ng Panginoon sa dagat. 28Tinabunan ng tubig ang lahat ng sundalo ng Faraon na humabol sa mga Israelita pati na ang kanilang mga mangangabayo at karwahe. Wala ni isa mang nakaligtas sa kanila.

29Pero ang mga Israelitaʼy dumaan sa tuyong lupa sa gitna ng dagat, na parang pader ang tubig sa magkabilang gilid. 30Sa araw na iyon, iniligtas ng Panginoon ang mga Israelita sa kamay ng mga Egipcio. At nakita ng mga Israelita ang mga bangkay ng mga Egipcio na nakahandusay sa dalampasigan. 31Nakita ng mga Israelita ang dakilang kapangyarihan ng Panginoon na ginamit niya laban sa mga Egipcio. At dahil dito, iginalang nila ang Panginoon at siyaʼy pinagtiwalaan nila at ang lingkod niyang si Moises.

Copyright information for TglASD