‏ Exodus 12

Ang Paglampas ng Anghel

1Sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron doon sa Egipto, 2“Mula ngayon, ang buwan na ito ang magiging unang buwan ng taon para sa inyo. 3Ipaalam ninyo sa buong kapulungan ng Israel na sa ikasampung araw ng buwan na ito, maghahanda ang bawat pamilya ng isang tupa o kambing. 4Kung maliit lang ang isang pamilya at hindi makakaubos ng isang tupa, maghati sila ng kapitbahay niya. Hatiin nila ito ayon sa dami nila at ayon sa makakain ng bawat tao. 5Kailangang piliin ninyo ang lalaking kambing o tupa na isang taon pa lang at walang kapintasan. 6Alagaan ninyo ito hanggang sa dapit-hapon nang ika-14 na araw ng buwan. Ito ang panahon na kakatayin ng buong kapulungan ng Israel ang mga hayop. 7Pagkatapos, kunin ninyo ang dugo nito at ipahid sa ibabaw at sa gilid ng hamba ng mga pintuan ng mga bahay na kakainan ninyo ng mga tupa. 8Sa gabing iyon, ang kakainin ninyoʼy ang nilitsong tupa, mapapait na gulay at tinapay na walang pampaalsa. 9Huwag ninyong kakainin nang hilaw o nilaga ang karne kundi litsunin ninyo ito nang buo kasama ang ulo, paa at mga lamang-loob. 10Ubusin ninyo ito, at kung may matira kinaumagahan, sunugin ninyo. 11Habang kumakain kayo, handa na dapat kayo sa pag-alis. Isuot ninyo ang inyong mga sandalyas at hawakan ang inyong mga baston, at magmadali kayong kumain. Ito ang Pista ng Paglampas ng Anghel na ipagdiriwang ninyo bilang pagpaparangal sa akin.

12“Sa gabing iyon, dadaan ako sa Egipto at papatayin ko ang lahat ng panganay na lalaki ng mga Egipcio pati na ang panganay ng kanilang mga hayop. Parurusahan ko ang lahat ng dios ng Egipto. Ako ang Panginoon. 13Ang dugong ipinahid ninyo sa hamba ng pintuan ninyo ang magiging tanda na nakatira kayo roon. Kapag nakita ko ang dugo, lalampasan ko ang bahay ninyo, at walang salot na sasapit sa inyo kapag pinarusahan ko ang Egipto.

14“Dapat ninyong tandaan ang araw na ito magpakailanman. Ipagdiwang ninyo ito taun-taon bilang pista ng pagpaparangal sa akin. Ang tuntuning itoʼy dapat ninyong sundin hanggang sa mga susunod pang henerasyon. 15Sa loob ng pitong araw, kakain kayo ng tinapay na walang pampaalsa. Sa unang araw, alisin ninyo ang lahat ng pampaalsa sa bahay ninyo, dahil ang sinumang kumain ng tinapay na may pampaalsa mula sa una hanggang sa ikapitong araw ay hindi ituturing na kabilang sa Israel. 16Sa una at sa ikapitong araw, magtipon kayo para sumamba sa akin. Huwag kayong magtatrabaho sa araw na iyon, maliban na lamang sa paghahanda ng pagkain na kakainin ninyo. Ito lang ang gagawin ninyo.

17“Ipagdiwang ninyo ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa, dahil magpapaalala ito sa inyo ng araw na inilabas ko ang bawat lahi ninyo mula sa Egipto. Ipagdiwang ninyo ito magpakailanman bilang tuntunin na dapat sundin hanggang sa mga susunod pang henerasyon. 18Simulan ninyong ipagdiwang ito sa dapit-hapon ng ika-14 na araw ng unang buwan hanggang sa dapit-hapon ng ika-21 araw. Kakain kayo ng tinapay na walang pampaalsa. 19Sa loob ng pitong araw, dapat walang makitang pampaalsa sa bahay ninyo. Ang sinumang kumain ng tinapay na may pampaalsa, katutubo na Israelita man o hindi ay ituturing na hindi na kabilang sa mamamayan ng Israel. 20Huwag na huwag kayong kakain ng tinapay na may pampaalsa sa panahon ng pista, saan man kayo nakatira.”

21Pagkatapos, ipinatawag ni Moises ang lahat ng tagapamahala ng Israel at sinabi, “Sabihin ninyo sa lahat ng pamilya ninyo na kumuha sila ng tupa o kambing at katayin nila para ipagdiwang ang Pista ng Paglampas ng Anghel. 22Patuluin ninyo ang dugo nito sa mangkok. Pagkatapos, kumuha kayo ng mga sanga ng isopo at isawsaw ito sa dugo, at ipahid sa ibabaw at gilid ng hamba ng pintuan ninyo. At walang lalabas sa mga bahay ninyo hanggang umaga. 23Dahil dadaan ang Panginoon sa Egipto para patayin ang mga panganay na lalaki ng mga Egipcio. Pero kapag nakita ng Panginoon ang dugo sa ibabaw at sa gilid ng hamba ng mga pintuan ninyo, lalampasan lang niya ang mga bahay ninyo at hindi niya papayagan ang Mamumuksa na pumasok sa mga bahay ninyo at patayin ang inyong mga panganay na lalaki.

24“Ang tuntuning itoʼy dapat ninyong sundin at ng inyong mga salinlahi magpakailanman. 25Ipagpatuloy pa rin ninyo ang seremonyang ito kapag nakapasok na kayo sa lupaing ipinangako ng Panginoon na ibibigay sa inyo. 26Kapag nagtanong ang mga anak ninyo kung ano ang ibig sabihin ng seremonyang ito, 27ito ang isasagot ninyo: Pista ito ng Paglampas ng Anghel bilang pagpaparangal sa Panginoon, dahil nilampasan lang niya ang mga bahay ng mga Israelita sa Egipto nang patayin niya ang mga Egipcio.”

Pagkatapos magsalita ni Moises, yumukod ang mga Israelita at sumamba sa Panginoon.
28At sinunod nila ang iniutos ng Panginoon kina Moises at Aaron.

29Nang hatinggabing iyon, pinatay ng Panginoon ang lahat ng panganay na lalaki sa Egipto mula sa panganay ng Faraon, na tagapagmana ng kanyang trono, hanggang sa panganay ng mga bilanggo na nasa bilangguan. Pinatay din niya ang lahat ng panganay ng hayop. 30Nang gabing iyon, nagising ang Faraon at ang kanyang mga opisyal, at ang lahat ng Egipcio. At narinig ang matinding iyakan sa Egipto, dahil walang bahay na hindi namatayan.

31Nang gabi ring iyon, ipinatawag ng Faraon sila Moises at Aaron at sinabi, “Umalis na kayo! Lisanin na ninyo ang aking bansa. Umalis na kayo at sumamba sa Panginoon, gaya ng ipinapakiusap ninyo. 32Dalhin ninyo ang mga hayop ninyo, gaya rin ng pakiusap ninyo at umalis kayo. Pero ipanalangin ninyo na kaawaan ako ng inyong Dios.”

33Pinagmadali ng mga Egipcio ang mga Israelita na umalis sa kanilang bansa, dahil sabi nila, “Kung hindi kayo aalis, mamamatay kaming lahat!” 34Kaya dinala ng mga Israelita ang mga minasa nilang harina na walang pampaalsa na nakalagay sa lalagyan. Ibinalot nila ito sa mga damit nila at pinasan. 35Sinunod ng mga Israelita ang sinabi sa kanila ni Moises na humingi sa mga Egipcio ng mga alahas na pilak at ginto, at mga damit. 36Niloob ng Panginoon na maging mabuti ang mga Egipcio sa mga Israelita, kaya ibinigay ng mga Egipcio ang mga hinihingi nila. Sa ganitong paraan, nasamsam nila ang mga ari-arian ng mga Egipcio.

37Naglakbay ang mga Israelita mula Rameses papuntang Sucot. Mga 600,000 lahat ang lalaki, hindi pa kabilang dito ang mga babae at mga bata. 38Marami ring mga dayuhan ang sumama sa kanila at marami silang dinalang hayop. 39Nang huminto sila para kumain, nagluto sila ng tinapay na walang pampaalsa mula sa minasang harina na dala nila galing sa Egipto. Hindi ito nalagyan ng pampaalsa dahil pinagmadali sila ng mga Egipcio na umalis at wala na silang panahong hintayin pa ang pag-alsa ng minasang harina.

40Nanirahan ang mga Israelita sa Egipto nang 430 taon. 41Sa huling araw ng 430 taon, umalis sa Egipto ang buong mamamayan ng Panginoon. 42Nang gabing umalis ang mga Israelita sa Egipto, binantayan sila ng Panginoon buong gabi. Kaya katulad ng gabing iyon taun-taon, magpupuyat ang lahat ng mga Israelita bilang pagpaparangal sa Panginoon at gagawin nila ito hanggang sa mga susunod pang henerasyon.

Ang mga Tuntunin tungkol sa Pista ng Paglampas ng Anghel

43Sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron, “Ito ang mga tuntunin tungkol sa Pista ng Paglampas ng Anghel:

“Hindi dapat kumain ang mga dayuhan ng mga pagkaing inihanda sa pistang ito.
44Makakakain ang lahat ng aliping binili kung natuli sila, 45pero hindi maaaring kumain ang mga upahang trabahador at ang mga dayuhan.

46“Dapat itong kainin sa loob ng bahay kung saan ito inihanda; hindi dapat ilabas ang karne sa bahay, at huwag babaliin ang buto nito. 47Dapat itong ipagdiwang ng buong mamamayan ng Israel.

48“Kung may dayuhan na naninirahang kasama ninyo na gustong makipagdiwang ng Pista ng Paglampas ng Anghel sa pagpaparangal sa Panginoon, kailangang tuliin ang lahat ng lalaki sa sambahayan niya. At maaari na siyang makasama sa pagdiriwang bilang isang katutubong Israelita. Pero hindi maaaring makipagdiwang ang taong hindi natuli. 49Ang tuntuning itoʼy para sa lahat – sa mga katutubong Israelita at sa mga dayuhang naninirahang kasama ninyo.”

50Sinunod ng lahat ng mga Israelita ang iniutos ng Panginoon kina Moises at Aaron. 51At nang araw na iyon, inilabas ng Panginoon ang bawat lahi ng Israel mula sa Egipto.

Copyright information for TglASD