‏ Ecclesiastes 10

1Kung paanong napapabaho ng isang patay na langaw ang isang boteng pabango, ganoon din ang kaunting kamangmangan, nakakasira ng karunungan at karangalan. 2Ang taong marunong ay gustong gumawa ng kabutihan, pero ang hangal ay gustong gumawa ng kasamaan. 3At kahit sa paglalakad ng hangal, nakikita ang kawalan niya ng karunungan at ipinapakita sa lahat ang kanyang kahangalan.

4Kung nagalit sa iyo ang iyong pinuno, huwag ka agad magbitiw sa tungkulin, dahil kapag nawala na ang galit niyaʼy baka patawarin ka niya gaano man kalaki ang iyong kasalanang nagawa. 5May isa pa akong nakitang hindi maganda rito sa mundo at itoʼy ginagawa ng mga pinuno: 6Ang mga mangmang ay binibigyan ng mataas na tungkulin, pero ang mga mayayaman
mayayaman: o, mga dakila.
ay binibigyan ng mababang tungkulin.
7Nakakita rin ako ng mga aliping nakasakay sa kabayo habang ang mga dakilang taoʼy naglalakad na parang alipin.

8Kapag ikaw ang naghukay, baka ikaw din ang mahulog doon. Kapag lumusot ka sa butas ng pader, baka tuklawin ka ng ahas doon. 9Kapag nagtibag ka ng bato, baka mabagsakan ka nito. Kapag nagsibak ka ng kahoy, baka masugatan ka nito. 10Kapag palakol moʼy mapurol at hindi mo hinahasa, buong lakas ang kailangan mo sa paggamit nito. Mas nakakahigit ka kung marunong ka, dahil sa pamamagitan nitoʼy magtatagumpay ka.

11Walang saysay ang kakayahan mong magpaamo ng ahas, kung tutuklawin ka lang naman nito. 12Ang sinasabi ng marunong ay magbibigay sa kanya ng kabutihan, pero ang sinasabi ng hangal ay magpapahamak sa kanya. 13Sa umpisa pa lang kamangmangan na ang sinasabi niya, at kinalaunan ay naging masamang-masama na, na parang nawawala na siya sa sarili. 14At wala siyang tigil sa kasasalita.

Walang nakakaalam tungkol sa mga mangyayari sa hinaharap, kaya walang makapagsasabi kung ano ang mangyayari kapag tayoʼy patay na.
15Napapagod ang mangmang sa kanyang trabaho, kaya naiisip niyang huwag nang pumunta sa bayan para magtrabaho.
naiisip … magtrabaho: o, hindi niya alam ang daan papunta sa bayan.


16Nakakaawa ang isang bansa na ang hari ay isip-bata at ang mga pinunoʼy puro handaan ang inaatupag. 17Pero mapalad ang bansa na ang hari ay ipinanganak sa marangal na pamilya at ang mga pinuno ay naghahanda lang sa tamang panahon para sa ikalalakas at hindi sa paglalasing.

18Pinapabayaan ng taong tamad na tumutulo ang bubong ng kanyang bahay hanggang sa mawasak na ang buong bahay niya. 19Makapagpapasaya sa tao ang handaan at inuman; at ang pera ay makapagbibigay ng lahat niyang pangangailangan. 20Huwag mong susumpain ang hari kahit sa isip mo lang o ang mayayaman kahit na palihim lang, dahil baka may magsabi sa kanila.
baka … kanila: sa literal, baka may munting ibon na magsabi sa kanila.


Copyright information for TglASD