‏ Ecclesiastes 1

Walang Kabuluhan ang Lahat

1Ito ang sinabi ng mangangaral
mangangaral: o, guro; o, isang matalinong tao.
na anak ni David na hari ng Jerusalem:

2Walang kabuluhan! Walang kabuluhan ang lahat! 3Ano ang pakinabang ng tao sa pagpapakahirap niyang magtrabaho sa mundong ito? 4Lumilipas ang isang henerasyon at napapalitan, pero ang mundo ay hindi nagbabago. 5Sumisikat ang araw at pagkatapos ay lumulubog; pabalik-balik lang sa kanyang pinanggalingan. 6Umiihip ang hangin sa timog at pagkatapos ay iihip naman sa hilaga. Paikot-ikot lang ito at pabalik-balik. 7Lahat ng ilog ay umaagos sa dagat, pero hindi naman napupuno ang dagat kahit na patuloy ang pag-agos ng ilog. 8Ang lahat ng itoʼy nakakabagot at ayaw na ngang pag-usapan. Hindi nagsasawa ang mga mata natin sa katitingin at ang mga tainga natin sa pakikinig. 9Ang mga nangyari noon, nangyayari ulit ngayon. Ang mga ginawa noon, ginagawa ulit ngayon. Walang nangyayaring bago sa mundo. 10May mga bagay pa ba na masasabi mong bago? Nariyan na iyan noon pa, kahit noong hindi pa tayo ipinapanganak. 11Hindi na natin naaalala ang mga nangyari noon; ganoon din sa hinaharap, hindi rin ito maaalala ng mga tao sa bandang huli.

Ang Karunungan ng Tao ay Walang Kabuluhan

12Ako na isang mangangaral ay naging hari ng Israel. Tumira ako sa Jerusalem. 13Sa aking karunungan, pinag-aralan kong mabuti ang lahat ng nangyayari rito sa mundo. At nakita kong napakahirap ng gawaing ibinigay ng Dios sa mga tao. 14Nakita kong walang kabuluhan ang lahat ng ginagawa ng tao rito sa mundo. Para kang humahabol sa hangin. 15Ang baluktot ay hindi mo maitutuwid at ang wala ay hindi mo maibibilang.

16Sinabi ko sa aking sarili, “Mas marunong ako kaysa sa lahat ng naging hari sa Jerusalem. Marami akong alam.” 17Pinag-aralan kong mabuti ang pagkakaiba ng karunungan at kamangmangan, pero nakita kong wala rin itong kabuluhan. Para kang humahabol sa hangin. 18Dahil habang nadadagdagan ang kaalaman ko, nadadagdagan din ang aking kalungkutan.

Copyright information for TglASD