‏ Deuteronomy 25

1“Halimbawa, may pinagtalunan ang dalawang tao at dinala nila ang kanilang kaso sa korte, at idineklara ng mga hukom kung sino sa kanila ang may kasalanan at walang kasalanan. 2Kung sinentensyahan ng hukom na hagupitin ang may kasalanan, padadapain siya sa harap ng hukom at hahagupitin ayon sa bigat ng kasalanan na kanyang ginawa. 3Ngunit hindi ito hihigit pa sa 40 hagupit dahil magiging kahiya-hiya na ito kung hihigit pa roon.

4“Huwag ninyong bubusalan ang baka habang gumigiik pa ito.

5“Kung may dalawang magkapatid na lalaking naninirahan sa iisang bayan, at namatay ang isa sa kanila nang hindi nagkaanak, hindi makapag-aasawa ang babae ng iba maliban lang sa pamilya ng kanyang asawa. Ang kapatid ng kanyang asawa ang dapat na maging asawa niya. Tungkulin niya ito sa kanyang hipag. 6Ang panganay nilang anak ay ituturing na anak ng namatay na kapatid para hindi mawala ang kanyang pangalan sa Israel.

7“Pero kung ayaw mapangasawa ng kapatid ng namatay ang biyuda, pupunta ang biyuda sa mga tagapamahala roon sa pintuan ng bayan at sasabihin, ‘Hindi pumayag ang aking hipag na bigyan ng lahi ang kanyang kapatid sa Israel. Ayaw niyang tuparin ang kanyang tungkulin sa akin bilang hipag.’ 8At ipapatawag siya ng mga tagapamahala ng bayan at makikipag-usap sila sa kanya. Kung talagang ayaw pa rin niyang pakasalan ang biyuda, 9lalapitan siya ng biyuda sa harap ng mga tagapamahala at kukunin niya ang sandalyas ng kanyang hipag at duduraan niya sa mukha at sasabihin, ‘Ganyan ang gagawin sa lalaking hindi pumapayag na bigyan ng lahi ang kanyang kapatid na namatay.’ 10Ang pamilya ng taong ito ay tatawagin sa Israel na pamilya ng taong kinuhanan ng sandalyas.

11“Kung may dalawang lalaking nag-aaway at lumapit ang asawa ng isa para tumulong sa kanyang asawa sa pamamagitan ng pagdakot sa ari ng kalaban, 12kailangang putulin ang kamay ng babae nang walang awa.

13 14“Huwag kayong mandaraya sa inyong pagtimbang at pagtakal. 15Gumamit kayo ng tamang timbangan at takalan, para mabuhay kayo nang matagal sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios. 16Sapagkat kasuklam-suklam sa Panginoon na inyong Dios ang taong mandaraya.

17“Alalahanin ninyo ang ginawa ng mga Amalekita sa inyo nang lumabas kayo sa Egipto. 18Sinalakay nila kayo noong pagod na pagod na kayo, at pinagpapatay nila ang inyong mga kasama na nasa hulihan. Wala silang takot sa Panginoon. 19Kaya patayin ninyo ang lahat ng mga Amalekita kapag binigyan na kayo ng Panginoon na inyong Dios ng kapayapaan doon sa lupaing ibinibigay niya sa inyo na inyong aangkinin. Huwag ninyo itong kalilimutan.

Copyright information for TglASD