‏ Deuteronomy 22

1“Kapag nakita ninyong nakawala ang baka o tupa ng inyong kapwa, huwag ninyo itong pababayaan, sa halip dalhin ito sa may-ari. 2Pero kung malayo ang tinitirhan ng may-ari o hindi ninyo alam kung kanino ito, iuwi muna ninyo ito. Kapag hinanap ito ng may-ari, saka ninyo ito ibigay sa kanya. 3Ganito rin ang gagawin ninyo sa asno o kasuotan o anumang bagay na nawala sa inyong kapwa. Huwag ninyo itong babalewalain.

4“Kung makita mo na ang asno o ang baka ng iyong kapwa ay nabuwal sa daan, huwag mo itong pabayaan. Tulungan mo ang may-ari para itayo ito.

5“Hindi dapat magsuot ng kasuotang panlalaki ang mga babae, o ang mga lalaki ng kasuotang pambabae, dahil kinasusuklaman ng Panginoon na inyong Dios ang gumagawa nito.

6“Kung may makita kayong mga pugad ng ibon sa tabi ng daan, sa punongkahoy, o sa lupa, at ang inahin ay nakaupo sa mga itlog o sa kanyang mga inakay, huwag ninyong kukunin ang inahing kasama ng mga itlog o mga inakay. 7Maaari ninyong kunin ang mga itlog o mga inakay, pero kailangang pakawalan ninyo ang inahin, para maging mabuti ang inyong kalagayan at mabuhay kayo nang matagal.

8“Kung magpapatayo kayo ng bahay, lagyan ninyo ng rehas ang palibot ng inyong patag na bubong para wala kayong pananagutan kung may mahulog mula sa bubong ninyo at mamatay.

9“Huwag kayong magtatanim ng ibang binhi sa ubasan. Kung gagawin ninyo ito, magiging pag-aari na ng templo ang bungang itinanim ninyo at pati na rin ang bunga ng inyong ubasan.

10“Huwag ninyong pagpaparisin ang baka at ang asno sa pag-aararo. 11Huwag kayong magsusuot ng damit na ginawa sa dalawang klase ng tela.

12“Lagyan ninyo ng palawit ang apat na gilid ng balabal na damit ninyo.

Ang Kautusan tungkol sa Dangal ng Babae

13“Kung napangasawa ng isang lalaki ang isang babae, at pagkatapos nilang magsiping ay inayawan ng lalaki ang kanyang asawa 14at pinagbintangan niya ito. At sinabi niya, ‘Natuklasan kong hindi na birhen ang aking asawa nang sumiping ako sa kanya.’ 15Pupunta ang magulang ng babae sa mga tagapamahala doon sa may pintuan ng bayan. Magdadala sila ng ebidensya na birhen ang anak nila. 16At sasabihin ng ama ng babae sa mga tagapamahala, ‘Ipinakasal ko ang anak ko sa taong ito at ngayoʼy nagagalit siya sa anak ko. 17Pinagbibintangan niya ang anak ko na hindi na siya birhen nang mapangasawa niya. Pero heto ang ebidensya na birhen ang aking anak.’ At ipapakita ng magulang sa mga tagapamahala ang sapin ng mag-asawa na may dugo. 18Pagkatapos nito, huhulihin ng mga tagapamahala ang lalaki at parurusahan. 19Pagmumultahin siya ng 100 pirasong pilak at ibibigay ito sa ama ng babae, dahil ipinahiya niya ang isang birheng Israelita. At dapat ay huwag niyang hihiwalayan ang babae habang nabubuhay siya.

20“Pero kung totoo ang bintang at walang makitang ebidensya na birhen ang babae, 21dadalhin ang babaeng iyon sa harap ng bahay ng kanyang ama at doon babatuhin siya ng mga lalaki ng bayan hanggang sa mamatay. Sa pamamagitan nito, mawawala ang masasamang gawa sa inyong bansa. Nakakahiya ang bagay na ginawa niya sa Israel sa pamamagitan ng pakikiapid habang nasa poder pa siya ng kanyang ama.

Ang Kautusan tungkol sa Pakikiapid

22“Kung nakiapid ang isang lalaki sa isang babaeng may asawa, dapat na patayin silang dalawa. Sa pamamagitan nito, mawawala ang masasamang gawa sa inyong bansa.

23“Kung ang isang lalaki ay nakiapid sa isang dalagang malapit nang ikasal, at nangyari ito sa isang bayan, 24dadalhin silang dalawa sa pintuan ng bayan at babatuhin hanggang sa mamatay. Papatayin ang babae dahil kahit na naroon siya sa bayan, hindi siya sumigaw para humingi ng tulong. Papatayin din ang lalaki dahil nakiapid siya sa babaeng ikakasal na. Sa pamamagitan nito, mawawala ang masasamang gawa sa inyong bansa.

25“Ngunit kung ang babaeng ikakasal na ay pinagsamantalahan ng lalaki sa labas ng bayan, ang lalaki lang ang papatayin. 26Huwag ninyong sasaktan ang babae; hindi siya nagkasala at hindi siya dapat parusahan ng kamatayan. Ang kasong ito ay katulad ng kaso ng tao na sumalakay sa kanyang kapwa at pinatay ito. 27Dahil sa labas ng bayan pinagsamantalahan ang babae, kahit na sumigaw siya para humingi ng tulong, walang makakarinig sa kanya para tumulong.

28“Kung nahuli ang isang lalaki na pinagsamantalahan ang isang dalaga na walang nobyo, 29magbabayad ang lalaki ng 50 pirasong pilak sa ama ng babae. Dapat niyang pakasalan ang babae dahil kinuha niya ang kanyang pagkababae, at hindi niya ito dapat hiwalayan habang siyaʼy nabubuhay.

30“Hindi dapat makiapid ang anak sa asawa ng kanyang ama, dahil kahiya-hiya ito sa kanyang ama.

Copyright information for TglASD