‏ Deuteronomy 16

Ang Pista ng Paglampas ng Anghel

(Exo. 12:1-20; Lev. 23:4-8)

1“Ipagdiwang ninyo ang Pista ng Paglampas ng Anghel sa buwan ng Abib
buwan ng Abib: Unang buwan sa kalendaryo ng Hebreo, mula sa kalagitnaan ng Marso hanggang sa kalagitnaan ng Abril.
bilang pagpaparangal sa Panginoon na inyong Dios, dahil sa buwan na itoʼy inilabas niya kayo nang gabi sa Egipto.
2Maghandog kayo ng tupa o baka bilang pagdiriwang ng Pista ng Paglampas ng Anghel. Ihandog ninyo ito para sa Panginoon na inyong Dios doon sa lugar na pinili niya, kung saan pararangalan siya. 3Kainin ninyo ito kasama ng tinapay na walang pampaalsa. Sa loob ng pitong araw, kumain kayo ng tinapay na walang pampaalsa gaya ng ginawa ninyo noong nagmamadali kayong umalis sa Egipto. Kainin ninyo ang tinapay na ito, ang simbolo ng inyong pagtitiis, para maalala ninyo sa buong buhay ninyo ang panahon na lumabas kayo sa Egipto. 4Wala dapat makitang pampaalsa sa mga bahay ninyo sa buong bansa sa loob ng pitong araw. At ang karneng inihandog nang gabi ng unang araw ay walang matitira sa kinaumagahan.

5“Bilang pagdiriwang sa Pista ng Paglampas ng Anghel, ang hayop na ihahandog ninyo ay huwag ninyong ihahandog sa kahit saang bayan na ibinigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios, 6kundi sa lugar lang na pipiliin niya, kung saan pararangalan siya. Kailangang ihandog ninyo ito sa paglubog ng araw, ang oras na umalis kayo sa Egipto. 7Lutuin ninyo ito at kainin sa lugar na pinili ng Panginoon na inyong Dios. Pagkaumaga, bumalik kayo sa inyong mga tolda. 8Sa susunod na anim na araw, kumain kayo ng tinapay na walang pampaalsa, at sa ikapitong araw, huwag kayong magtrabaho, kundi magtipon kayo para sumamba sa Panginoon na inyong Dios.

Ang Pista ng Pag-aani

(Exo. 34:22; Lev. 23:15-21)

9“Bumilang kayo ng pitong linggo mula sa pag-uumpisa ng tag-ani. 10Pagkatapos, ipagdiwang ninyo ang Pista ng Pag-aani para parangalan ang Panginoon na inyong Dios sa pamamagitan ng pag-aalay ng mga handog na kusang-loob ayon sa mga pagpapala na natanggap ninyo mula sa Panginoon na inyong Dios. 11At magsaya kayo sa presensya ng Panginoon na inyong Dios sa lugar na pipiliin niya, kung saan pararangalan siya. Magdiwang kayo kasama ang inyong mga anak, alipin at Levita na naninirahan sa inyong mga bayan, mga dayuhan, mga ulila at mga biyudang naninirahan sa inyong mga bayan. 12Alalahanin ninyo na naging mga alipin muna kayo sa Egipto, kaya sundin ninyong mabuti ang mga tuntuning ito.

Ang Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol

(Lev. 23:33-43; Bil. 29:12-38)

13“Ipagdiwang ninyo ang Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol sa loob ng pitong araw sa katapusan ng tag-ani, pagkatapos na magiik ninyo ang mga trigo at mapiga ang mga ubas. 14Magsaya kayo sa pagdiriwang ninyo ng pistang ito kasama ng inyong mga anak, mga alipin, mga Levita, mga dayuhan, mga ulila at mga biyudang naninirahan sa bayan ninyo. 15Sa loob ng pitong araw, ipagdiwang ninyo ang Pistang ito para parangalan ang Panginoon na inyong Dios doon sa lugar na pinili niya. Sapagkat pagpapalain ng Panginoon na inyong Dios ang lahat ng ani ninyo at ang lahat ng ginagawa ninyo, at magiging lubos ang inyong kaligayahan.

16“Bawat taon, dapat makiisa ang bawat lalaki sa tatlong pistang ito: ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa, ang Pista ng Pag-aani at ang Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol. Pupunta ang bawat isa sa kanila sa presensya ng Panginoon na inyong Dios sa lugar na pipiliin niya, 17at nararapat na magdala sila ng handog sa Panginoon ayon sa pagpapalang ibinigay sa kanila ng Panginoon na inyong Dios.

Ang mga Hukom

18“Maglagay kayo ng mga hukom at opisyal sa bawat lahi ninyo sa lahat ng bayan na ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios. Sila ang maghuhukom sa mga mamamayan nang walang pinapanigan. 19Huwag nilang babaluktutin ang hustisya at dapat wala silang pinapaboran sa paghuhukom. Huwag silang tatanggap ng suhol dahil makakabulag ito sa marurunong at matutuwid, at makakaimpluwensya sa desisyon nila. 20Dapat mangibabaw ang tamang hustisya para mabuhay kayo at makapanirahan sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Panginoon na inyong Dios.

Ang Pagsamba sa Ibang mga Dios-diosan

21“Huwag kayong magpapatayo ng poste na simbolo ng diosang si Ashera sa tabi ng altar na ginawa ninyo para sa Panginoon na inyong Dios, 22at huwag kayong magpapatayo ng mga alaalang bato para sambahin, dahil kinasusuklaman ito ng Panginoon na inyong Dios.

Copyright information for TglASD