‏ Deuteronomy 2

Ang Paglalakbay sa Ilang

1“At nagsibalik tayo at pumunta sa ilang papunta sa Dagat na Pula, ayon sa iniutos ng Panginoon sa akin. At sa matagal na panahon, nagpaikot-ikot tayo sa kaburulan ng Seir. 2Pagkatapos, sinabi sa akin ng Panginoon, 3‘Matagal na kayong nagpapaikot-ikot sa kaburulang ito. Ngayon, dumiretso kayo sa hilaga. 4Sabihin mo sa mga tao: Dadaan kayo sa teritoryo ng inyong kamag-anak na mga lahi ni Esau, na naninirahan sa Seir. Matatakot sila sa inyo, pero mag-ingat kayo sa kanila. 5Huwag nʼyo silang pakikialaman, dahil ibinigay ko na sa kanila ang mga kaburulan ng Seir bilang kanilang lupain, at ni kapiraso man ng lupain nila ay hindi ko ibibigay sa inyo. 6Babayaran ninyo ng pilak ang pagkain at inuming manggagaling sa kanila.’ 7Alalahanin ninyo kung paano ko kayo pinagpala sa lahat ng ginawa ninyo. Ako ang Panginoon na inyong Dios ay nagbabantay sa inyo sa paglalakbay sa malawak na ilang na ito. Sa loob ng 40 taon, sinamahan ko kayo, at hindi kayo kinulang ng mga bagay na kailangan ninyo.

8“Kaya dumaan tayo sa mga kadugo na lahi ni Esau, na naninirahan sa Seir. Hindi tayo dumaan sa daan ng Araba,
Araba: Jordan.
na nanggagaling sa mga bayan ng Elat at Ezion Geber. Nang naglalakbay na tayo sa daan sa ilang ng Moab,
9sinabi sa akin ng Panginoon, ‘Huwag ninyong guguluhin o lulusubin ang mga Moabita na lahi ni Lot, dahil ibinigay ko sa kanila ang Ar bilang lupain nila, at ni kapiraso man ng lupain nila ay hindi ko ibibigay sa inyo.’ ”

10(Noong una, naninirahan sa Ar ang marami at malalakas na tao na tinatawag na Emita. Silaʼy matatangkad katulad ng mga angkan ni Anak. 11Tinatawag din silang Refaimeo, katulad ng mga angkan ni Anak, pero tinatawag silang Emita ng mga Moabita. 12Sa Seir dati nakatira ang mga Horeo, pero pinalayas sila ng mga lahi ni Esau, at sila na ang nanirahan doon, katulad ng ginawa ng mga Israelita sa mga Cananeo sa lupain na ibinigay ng Panginoon sa kanila.)

13Sinabi pa ni Moises, “Pagkatapos, inutos ng Panginoon na tumawid tayo sa Lambak ng Zered, kaya tumawid tayo. 14Itoʼy pagkalipas ng 38 taon mula noong umalis tayo sa Kadesh Barnea. Nang mga panahong iyon, nangamatay ang mga sundalong Israelita sa henerasyong iyon, ayon sa isinumpa ng Panginoon sa kanila. 15Pinarusahan sila ng Panginoon hanggang sa mamatay silang lahat sa kampo.

16“Nang patay na ang lahat ng sundalo, 17sinabi sa akin ng Panginoon, 18‘Sa araw na ito, tumawid kayo sa hangganan ng Moab sa Ar. 19Kapag nakarating na kayo sa mga Ammonita, na mga lahi ni Lot, huwag ninyo silang guguluhin o lulusubin dahil ibinigay ko sa kanila ang lupaing iyon, at hindi ko kayo bibigyan kahit na maliit na bahagi nito.’

20“Ang lupaing iyon ay kilala rin noong una na lupain ng mga Refaimeo, pero tinawag silang Zamzumeo ng mga Ammonita. 21Napakarami nila at napakalalakas, at matatangkad katulad ng mga angkan ni Anak. 22Ito rin ang ginawa ng Panginoon sa mga lahi ni Esau na nakatira sa Seir; pinagpapatay niya ang mga Horeo para makapanirahan ang mga lahi ni Esau sa kanilang lupain. Hanggang ngayon, naninirahan pa rin sila sa lupaing iyon. 23Ito rin ang nangyari nang sinalakay ng taga-Caftor
taga-Caftor: o, Crete.
ang mga taga-Avim na naninirahan sa mga baryo ng Gaza. Nilipol nila ang mga taga-Avim at tinirhan ang lupain ng mga ito.

24Pagkatapos, sinabi ng Panginoon, ‘Ngayon, tumawid na kayo sa Lambak ng Arnon. Ibinibigay ko sa inyo ang Amoreong si Haring Sihon ng Heshbon, at ang kanyang lupain. Salakayin ninyo siya at angkinin ang kanyang lupain. 25Mula ngayon, loloobin kong matakot sa inyo ang lahat ng bansa sa buong mundo. Manginginig sa takot ang makakarinig ng tungkol sa inyo.’

Natalo ang Hari ng Heshbon na si Sihon

(Bil. 21:21-30)

26“Kaya noong naroon tayo sa ilang ng Kedemot, nagsugo ako ng mga mensahero kay Haring Sihon ng Heshbon upang sabihin sa kanya ang mensahe para sa ikabubuti ng aming relasyon. Sinabi ko, 27‘Kung maaari, payagan nʼyo kaming dumaan sa inyong lupain. Sa pangunahing daan lang kami dadaan, hindi kami lilihis ng daan. 28Babayaran namin ang aming makakain at maiinom. Ang pakiusap lang namin sa inyo, payagan nʼyo kaming dumaan sa inyong lupain 29katulad ng ginawa ng mga lahi ni Esau na naninirahan sa Seir at ng mga Moabita na naninirahan sa Ar. Payagan nʼyo kaming dumaan hanggang sa makatawid kami sa Ilog ng Jordan papunta sa lupaing ibinibigay sa amin ng Panginoon naming Dios.’ 30Pero hindi pumayag si Haring Sihon ng Heshbon na padaanin tayo dahil pinatigas ng Panginoon na inyong Dios ang kanyang puso para ibigay niya siya sa ating mga kamay, kagaya ng ginawa niya ngayon.

31“Pagkatapos, sinabi ng Panginoon sa akin, ‘Sinimulan ko nang ibigay sa inyo si Sihon at ang kanyang lupain; kaya simulan na ninyo ang pagsalakay at pagsakop sa kanyang lupain.’

32“Nang nakikipaglaban si Sihon at ang kanyang mga sundalo
mga sundalo: o, mga tao. Ganito rin sa talatang 33.
sa atin doon sa Jahaz,
33ibinigay siya ng Panginoon na ating Dios sa atin at pinatay natin siya, pati ang mga anak niya at ang lahat ng sundalo niya. 34Nang panahong iyon, sinakop natin ang lahat ng kanyang bayan at nilipol sila ng lubusan
nilipol sila ng lubusan: o, nilipol sila ng lubusan bilang handog sa Panginoon.
 – mga lalaki, babae at mga bata. Wala tayong itinirang buhay.
35Dinala natin ang kanilang mga hayop at mga ari-arian na ating nasamsam mula sa kanilang mga bayan.

36“Tinulungan tayo ng Panginoon na ating Dios sa pag-agaw ng Aroer ang lugar sa tabi ng Lambak ng Arnon at sa mga bayan sa paligid ng lambak na ito, at ng mga lugar hanggang sa Gilead. Walang bayan na matibay ang mga pader na hindi natin kayang pasukin. 37Pero ayon sa iniutos sa atin ng Panginoon na ating Dios, hindi tayo lumapit sa kahit aling lupain ng mga Ammonita, kahit sa Lambak ng Jabok o sa mga bayan sa palibot ng mga kaburulan.”

Copyright information for TglASD