‏ Deuteronomy 10

Ang Ikalawang Malalapad na Bato

(Exo. 34:1-10)

1“Nang panahong sinabi sa akin ng Panginoon, ‘Gumawa ka ng dalawang malalapad na bato kagaya noong una, at umakyat ka sa bundok papunta sa akin. Gumawa ka rin ng kahon na yari sa kahoy. 2Isusulat ko sa malalapad na bato ang mga salita na isinulat ko sa unang malalapad na bato na biniyak mo. At ilagay mo ito sa kahon.’

3“Kaya gumawa ako ng kahon na yari sa akasya at ng dalawang malalapad na bato gaya noong una, at umakyat sa bundok dala ang dalawang malalapad na bato. 4Isinulat ng Panginoon sa dalawang malalapad na batong ito ang isinulat niya noong una, ang Sampung Utos na ibinigay niya sa inyo nang nagsalita siya mula sa apoy noong araw na nagtipon kayo sa bundok. Nang maibigay na ito ng Panginoon sa akin, 5bumaba ako sa bundok at inilagay ito sa kahong ginawa ko, ayon sa iniutos ng Panginoon, at hanggang ngayoʼy naroon pa ito.”

6(Naglakbay ang mga Israelita mula sa balon ng mga taga-Jaakan
mga taga-Jaakan: o, mga angkan ni Jaakan.
papunta sa Mosera. Doon namatay si Aaron at doon din inilibing. At si Eleazar na anak niya ang pumalit sa kanya bilang punong pari.
7Mula roon, pumunta sila sa Gudgoda at sa Jotbata, isang lugar na may mga sapa. 8Nang panahong iyon, pinili ng Panginoon ang lahi ni Levi para sila ang magbuhat ng Kahon ng Kasunduan ng Panginoon, para maglingkod sa kanyang presensya, at para magbasbas sa mga tao sa kanyang pangalan. At hanggang ngayoʼy ganito ang gawain nila. 9Ito ang dahilan kung bakit walang bahagi o mana ang mga Levita sa lupain, hindi gaya ng ibang mga Israelita. Ang Panginoon ang bahagi nila ayon sa sinabi ng Panginoon na inyong Dios.)

10 Sinabi pa ni Moises, “Gaya ng ginawa ko noong una, nanatili ako sa bundok sa loob ng 40 araw at 40 gabi, at muli akong pinakinggan ng Panginoon at hindi niya kayo pinatay. 11Sinabi niya sa akin, ‘Lumakad ka at pamunuan ang mga Israelita sa pagpasok at sa pag-angkin sa lupaing ipinangako kong ibibigay sa inyo at sa inyong mga ninuno.’

Igalang at Sundin ang Panginoon

12“At ngayon, O mga mamamayan ng Israel, ang hinihingi lang ng Panginoon na inyong Dios sa inyo ay igalang ninyo siya, mamuhay ayon sa kanyang pamamaraan, mahalin siya, maglingkod sa kanya nang buong pusoʼt kaluluwa, 13at sundin ang lahat ng mga utos at tuntunin niya na ibinibigay ko sa inyo sa araw na ito para sa ikabubuti ninyo.

14“Sa Panginoon na inyong Dios ang kalangitan, kahit ang pinakamataas na langit, pati ang mundo at lahat ng narito. 15Ngunit pinili ng Panginoon ang inyong mga ninuno para mahalin, at sa lahat ng bansa kayo na mula sa kanilang lahi ang pinili niya hanggang ngayon. 16Kaya baguhin
baguhin: sa literal, tuliin.
ninyo ang mga puso ninyo at huwag nang patigasin ang mga ulo ninyo.
17Sapagkat ang Panginoon na inyong Dios ay Dios ng mga dios at Panginoon ng mga panginoon. Makapangyarihan siya at kamangha-manghang Dios. Wala siyang pinapanigan at hindi siya tumatanggap ng suhol. 18Ipinagtatanggol niya ang karapatan ng mga ulila at mga biyuda. Minamahal niya ang mga dayuhan
dayuhan: Ang ibig sabihin, mga dayuhan na naninirahan sa Israel.
at binibigyan sila ng pagkain at mga damit.
19Kaya mahalin din ninyo ang mga dayuhan, dahil mga dayuhan din kayo noon sa Egipto. 20Igalang ninyo ang Panginoon na inyong Dios at paglingkuran ninyo siya. Manatili kayo sa kanya at sumumpa kayo sa pangalan lang niya. 21Purihin ninyo siya, dahil siya ang Dios ninyo na gumawa ng dakila at kamangha-manghang bagay na nakita ninyo. 22Nang dumating ang inyong mga ninuno sa Egipto, 70 lang silang lahat, pero ngayon, pinadami na kayo ng Panginoon na inyong Dios na katulad ng mga bituin sa langit.

Copyright information for TglASD