‏ Daniel 1

Si Daniel at ang Kanyang mga Kaibigan sa Babilonia

1Nang ikatlong taon ng paghahari ni Jehoyakim sa Juda, sinalakay ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia at ng kanyang mga kawal ang Jerusalem. 2Binihag niya si Haring Jehoyakim ayon sa kalooban ng Panginoon. Kinuha niya ang ilang mga kagamitan sa templo ng Dios at dinala sa Babilonia.
Babilonia: sa Hebreo, Shinar. Itoʼy isa sa mga pangalan ng Babilonia.
Inilagay niya ang mga ito sa taguan ng kayamanan doon sa templo ng kanyang dios.

3Nag-utos si Haring Nebucadnezar kay Ashpenaz na pinuno ng mga tauhan niya na pumili sa mga bihag na Israelita ng ilang kabataang mula sa angkan ng mga hari at angkan ng mararangal na pamilya. 4Kinakailangan na ang mga ito ay gwapo, malusog, matalino, mabilis kumilos at madaling turuan para maging karapat-dapat maglingkod sa hari. Inutusan din niya si Ashpenaz na turuan sila ng wika at mga panitikan ng mga taga-Babilonia.
taga-Babilonia: sa literal, taga-Caldeo.
5Iniutos din ng hari na mula sa kanyang sariling pagkain at inumin ang ibibigay sa kanila araw-araw. At pagkatapos ng tatlong taong pagsasanay, maglilingkod na sila sa kanya.

6Kabilang sa mga napili ay sina Daniel, Hanania, Mishael, at Azaria na pawang mula sa lahi ni Juda. 7Pinalitan ni Ashpenaz ang kanilang mga pangalan. Si Daniel ay pinangalanang Belteshazar, si Hanania ay Shadrac, si Mishael ay Meshac, at si Azaria ay Abednego.

8Pero ipinasya ni Daniel na hindi siya kakain ng pagkain ng hari o iinom ng kanyang inumin para hindi siya marumihan.
marumihan: May mga pagkain na bawal kainin ng mga Judio ayon sa kanilang tuntunin.
Kaya nakiusap siya kay Ashpenaz na huwag siyang bigyan ng pagkain at inuming iyon.
9Niloob naman ng Dios na siyaʼy kalugdan ni Ashpenaz. 10Pero sinabi ni Ashpenaz kay Daniel, “Natatakot ako sa hari. Siya ang pumili kung ano ang kakainin at iinumin ninyo, at kung makita niyang hindi kayo malusog gaya ng ibang mga kabataan, baka ipapatay niya ako.”

11Dahil dito, sinabi ni Daniel sa itinalaga ni Ashpenaz na mangangalaga sa kanila, 12“Subukan nʼyo kaming pakainin lang ng gulay at painumin ng tubig sa loob ng sampung araw. 13Pagkatapos, ihambing ninyo kami sa mga kabataang kumakain ng pagkain ng hari, at tingnan ninyo kung ano ang magiging resulta. At bahala na kayo kung ano ang gagawin ninyo sa amin.” 14Pumayag naman ito at sinubukan nga sila sa loob ng sampung araw.

15Pagkatapos ng sampung araw, nakita ng tagapagbantay na mas malusog sila kaysa sa mga kabataang kumakain ng pagkain ng hari. 16Kaya ipinagpatuloy na lang ang pagbibigay sa kanila ng gulay at tubig sa halip na pagkain at inumin ng hari.

17Binigyan ng Dios ang apat na kabataang ito ng karunungan at pang-unawa, pati na ang kaalaman sa ibaʼt ibang literatura. Bukod pa rito, binigyan ng Dios si Daniel ng karunungan sa pagpapaliwanag ng kahulugan ng mga pangitain at mga panaginip.

18Pagkalipas ng tatlong taon na pagtuturo sa kanila ayon sa utos ni Haring Nebucadnezar, dinala sila ni Ashpenaz sa kanya. 19Nakipag-usap ang hari sa kanila, at napansin ng hari na wala ni isa man sa mga kabataan doon ang makahihigit kina Daniel, Hanania, Mishael, at Azaria. Kaya sila ang piniling maglingkod sa kanya. 20Sa lahat ng itinanong ng hari sa kanila, nakita niya na ang kanilang kaalaman ay sampung ulit na mas mahusay kaysa sa kaalaman ng mga salamangkero at engkantador
engkantador: sa Ingles, “enchanter.”
sa buong kaharian niya.
21Patuloy na naglingkod si Daniel kay Nebucadnezar hanggang sa unang taon ng paghahari ni Cyrus.
Cyrus: hari ng Persia na sumakop sa Babilonia.


Copyright information for TglASD