‏ Amos 9

Walang Makakatakas sa Parusa ng Dios

1 Sinabi ni Amos: Nakita ko ang Panginoon na nakatayo malapit sa altar at sinabi niya, “Hampasin mo ang itaas na bahagi ng mga haligi ng templo upang mawasak ang bubong
mawasak ang bubong: o, mayanig ang pundasyon.
at nang mabagsakan ang mga tao. Ang matitirang buhay ay mamamatay sa digmaan. Wala ni isa mang makakatakas o makakaligtas.
2Kahit magtago pa sila sa ilalim ng lupa, sa lugar ng mga patay, kukunin ko pa rin sila. Kahit na umakyat pa sila sa langit, hihilahin ko pa rin sila pababa. 3Kahit na magtago pa sila sa tuktok ng Bundok ng Carmel, hahanapin ko sila roon at huhulihin. Magtago man sila sa kailaliman ng dagat, uutusan ko ang ahas na tuklawin sila. 4Kahit na bihagin sila ng kanilang mga kaaway, ipapapatay ko pa rin sila. Dahil desidido na akong lipulin sila at huwag nang tulungan.”

5Kapag hinipo ng Panginoong Dios na Makapangyarihan ang lupa, mayayanig ito at mag-iiyakan ang lahat ng naninirahan dito. Ang pagyanig nito ay parang pagtaas at pagbaba ng tubig sa Ilog ng Nilo sa Egipto.

6Ang Dios ang gumawa ng kanyang sariling tirahan sa langit.
At siya ang gumawa ng kalawakan sa itaas ng lupa.
Siya rin ang nag-iipon ng tubig-dagat sa mga alapaap at pinauulan ito sa lupa.
Ang pangalan niyaʼy Panginoon.
7Sinabi ng Panginoon, “Ang turing ko sa inyo na mga taga-Israel ay katulad lang sa mga taga-Etiopia.
taga-Etiopia: sa literal, taga-Cush.
Totoong inilabas ko kayo sa Egipto, pero inilabas ko rin ang mga Filisteo sa Caftor
Caftor: o, Crete.
at ang mga Arameo
Arameo: o, taga-Syria.
sa Kir.
8Ako, ang Panginoong Dios ay nagmamanman sa inyong makasalanang kaharian. At lilipulin ko kayo hanggang sa mawala kayo ng lubusan sa mundo. Pero may ilang matitira sa inyo na mga lahi ni Jacob. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito. 9Tingnan ninyo! Mag-uutos na ako; sasalain ko kayong mga mamamayan ng Israel kasama ng lahat ng bansa, tulad ng pagsala sa mga butil. At kung paanong hindi nakakalusot ang maliliit na bato sa salaan, 10hindi rin makakalusot sa akin ang masasama sa inyo, kundi mamamatay silang lahat sa digmaan, silang mga nagsasabi na wala raw masamang mangyayari sa kanila.

Muling Itatayo ang Israel

11“Darating ang araw na muli kong itatayo ang kaharian ni David na tulad sa kubong nawasak. Aayusin ko ito sa kanyang pagkakagiba at itatayong muli kagaya noong una, 12upang masakop ng mga Israelita ang natitirang lupain ng Edom at ang iba pang mga bansa na sinakop nila noon, na itinuring kong akin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito, at gagawin ko ang mga bagay na ito.”

13Sinabi pa ng Panginoon tungkol sa mga taga-Israel, “Darating ang araw na magiging masagana ang kanilang ani, hindi pa nga nila natatapos ang pag-aani, sinisimulan na naman ang pag-aararo. At hindi pa natatapos ang pagpisa ng ubas, panahon na naman ng pagtatanim nito. Kung titingnan ang napakaraming ubas na namumunga sa mga bundok at burol, para bang dumadaloy ang matamis na bagong katas nito.
Ang panahon ng pag-ani ng trigo sa Israel ay sa buwan ng Abril at Mayo, at ang panahon ng pagtatanim naman ay sa buwan ng Oktubre at Nobyembre. Ang panahon ng pagpisa ng ubas para gawing alak ay sa buwan ng Septyembre, at ang pagtatanim naman ng ubas ay sa buwan ng Nobyembre at Disyembre.
14Pababalikin ko ang mga mamamayan kong Israelita sa kanilang lupain mula sa pagkakabihag.
Pababalikin … pagkakabihag: o, Ibabalik ko ang mabuting kalagayan ng mga mamamayan kong Israelita.
Muli nilang itatayo ang kanilang mga nasirang bayan at doon na sila maninirahan. Magtatanim sila ng ubas at iinom ng katas nito. Magtatanim sila sa kanilang mga halamanan, at kakainin nila ang mga bunga nito.
15Patitirahin ko silang muli sa lupaing ibinigay ko sa kanila at hindi na muling paaalisin.” Ito nga ang sinabi ng Panginoon na inyong Dios.

Copyright information for TglASD