‏ Amos 8

Ang Pangitain ni Amos tungkol sa Basket ng mga Prutas

1Ito ang ipinakita sa akin ng Panginoong Dios: Nakita ko ang isang basket na may mga hinog na prutas. 2Tinanong niya ako, “Amos, ano ang nakikita mo?” Sumagot ako, “Isang basket po ng mga hinog na prutas.” Sinabi sa akin ng Panginoon, “Dumating na ang katapusan
katapusan: sa Hebreo, ang salitang “mga hinog na prutas” at ang salitang “katapusan” ay pareho kapag binigkas.
ng mga mamamayan kong Israelita. Hindi ko na sila kaaawaan.
3Sa araw na iyon, ang masasayang awitan sa templo
templo: o, palasyo.
ay magiging iyakan dahil kakalat ang patay kahit saan. At wala nang maririnig na ingay.
At wala nang … ingay: sa literal, Tahimik.
Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”

Ang Kasalanan ng mga Mayayamang Israelita

4Makinig kayo, kayong mga nanggigipit sa mga mahihirap at nagtatangkang lipulin sila. 5Inip na inip kayong matapos ang Pista ng Pagsisimula ng Buwan
Pista ng Pagsisimula ng Buwan: Tingnan sa Talaan ng mga Salita sa likod.
o Araw ng Pamamahinga para makapagbenta na kayo ng mga inaning butil at makapandaya sa mga mamimili sa pamamagitan ng inyong madayang timbangan at pantakal ng trigo.
6Nagmamadali kayong makapagbenta ng mga butil na hinaluan ng ipa, para makabili kayo ng taong dukha na ipinagbibiling alipin dahil hindi siya makabayad ng kanyang utang, kahit ang utang niya ay kasinghalaga lamang ng isang pares ng sandalyas. 7Kaya sumumpa ang Panginoon, ang Dios na ipinagmamalaki ng mga lahi ni Jacob, “Hindi ko makakalimutan ang lahat ng kasamaan na ginawa ninyo. 8Dahil dito, palilindulin ko ang inyong lupain at mag-iiyakan kayo. Yayanigin ko nang husto ang inyong lupain na tulad ng Ilog na tumataas kapag may baha at bumababa tulad ng Ilog ng Nilo sa Egipto. 9Sa araw na iyon, palulubugin ko ang araw sa katanghaliang tapat, kaya didilim ang buong lupain kahit araw pa. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito. 10Gagawin kong iyakan ang kasayahan sa inyong pista, at ang inyong pag-aawitan ay magiging panaghoy. Pagdadamitin ko kayo ng sako at uutusang magpakalbo para ipakita ang inyong pagdadalamhati, katulad ng mga magulang na umiiyak sa pagkamatay ng kanilang kaisa-isang anak. Pero magiging mas masakit pa ang huling parusa.”

11Sinabi pa ng Panginoong Dios, “Darating ang araw na padadalhan ko ng taggutom ang inyong lupain. Pero hindi ito pagkagutom sa pagkain o pagkauhaw sa tubig, kundi pagkagutom at pagkauhaw sa aking mga salita. 12Pagod na pagod na kayo sa paghahanap ng mga taong makakapagpahayag sa inyo ng aking salita, pero hindi ninyo matagpuan kahit saan kayo pumunta. 13Sa araw na iyon na parurusahan ko kayo, kahit na ang inyong magagandang dalaga at ang inyong malalakas na mga binata ay mawawalan ng malay dahil sa matinding uhaw. 14Kayong mga nanunumpa sa ngalan ng mga dios-diosan ng Samaria, Dan at Beersheba, lilipulin kayo at hindi na makakabangon.”

Copyright information for TglASD