Amos 2
Ang Parusa sa Bansang Moab
1Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa Moab: “Dahil sa patuloy na pagkakasala ng mga taga-Moab, parurusahan ko sila. Sapagkat sinunog nila ang mga buto ng hari ng Edom hanggang sa maging abo ito. 2Kaya susunugin ko ang Moab pati na ang matitibay na bahagi ng Keriot. ▼▼Keriot: Itoʼy lugar na sakop ng Moab.
Mamamatay ang mga taga-Moab habang nagsisigawan at nagpapatunog ng mga trumpeta ang kanilang mga kaaway na sumasalakay sa kanila. 3Mamamatay pati ang kanilang hari at ang lahat ng kanyang mga opisyal. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.” Ang Parusa sa Bansang Juda
4Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa Juda: “Dahil sa patuloy na pagkakasala ng mga taga-Juda, parurusahan ko sila. Sapagkat itinakwil nila ang aking mga kautusan at hindi nila sinunod ang aking mga tuntunin. Iniligaw sila ng paglilingkod nila sa mga dios-diosan na pinaglingkuran din ng kanilang mga ninuno. 5Kaya susunugin ko ang Juda pati na ang matitibay na bahagi ng Jerusalem.”Ang Parusa sa Bansang Israel
6Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa Israel: “Dahil sa patuloy na pagkakasala ng mga taga-Israel, ▼▼Israel: Noong mahati sa dalawang kaharian ang Israel (1 Hari 2), ang isa ay tinawag na Israel at ang isa ay Juda.
parurusahan ko sila. Sapagkat ipinagbibili nila bilang alipin ang mga taong walang kasalanan dahil lamang sa kanilang utang. Ginagawa rin nila ito sa mga mahihirap kahit na isang pares lang na sandalyas ang utang. 7Ginigipit nila ang mga mahihirap at hindi binibigyan ng katarungan. Mayroon sa kanila na mag-amang nakikipagtalik sa iisang babae. Dahil dito nilalapastangan nila ang aking banal na pangalan. 8Natutulog sila sa kanilang sambahan ▼▼sa kanilang sambahan: sa literal, sa tabi ng bawat altar.
na suot ang damit na isinangla sa kanila ng mga mahihirap. ▼▼Ayon sa Exo. 22:26-27 at sa Deu. 24:12-13, ang damit na isinangla ng dukha ay dapat ibalik sa kanya kinagabihan.
At nag-iinuman sila sa aking templo ng alak na binili galing sa ibinayad ng mga mahihirap na may utang sa kanila. 9Pero ako, ang ginawa ko para sa kanila na mga taga-Israel, nilipol ko ang mga Amoreo, kahit na kasintaas sila ng punong sedro at kasintibay ng punong ensina. Nilipol ko silang lahat at walang itinirang buhay. 10Inilabas ko rin sa Egipto ang mga ninuno ng mga taga-Israel at pinatnubayan ko sila sa ilang sa loob ng 40 taon upang makuha nila ang lupain ng mga Amoreo. 11Pinili ko ang ilan sa mga anak nila na maging propeta at Nazareo. Mga taga-Israel, hindi baʼt totoo itong sinasabi ko? 12Pero ano ang ginawa ninyo? Pinainom ninyo ng alak ang mga Nazareo ▼▼Pinainom ninyo ng alak ang mga Nazareo: upang hindi nila matupad ang kanilang panata sa Dios na hinding-hindi sila iinom ng alak.
at pinagbawalan ninyo ang mga propeta na sabihin ang ipinapasabi ko. 13Kaya makinig kayo! Pahihirapan ko kayo katulad ng kariton na hindi na halos makausad dahil sa bigat ng karga. 14Kaya kahit na ang mabilis tumakbo sa inyo ay hindi makakatakas, ang malalakas ay manghihina, at ang mga sundalo ay hindi maililigtas ang kanilang sarili. 15Kahit na ang mga sundalong namamana sa labanan ay uurong. Ang mga sundalong mabilis tumakbo ay hindi makakatakas, at silang mga nakasakay sa kabayo ay hindi rin makakaligtas. 16Sa araw na iyon, kahit ang pinakamatapang na sundalo ay tatakas na nakahubad. Ako, ang Panginoon, ang nagsabi nito.”
Copyright information for
TglASD