Acts 28
Sa Malta
1Nang makaahon na kami at ligtas na sa panganib, nalaman namin na ang islang iyon ay tinatawag na Malta. 2Napakabait sa amin ng mga taga-roon at mabuti ang kanilang pagtanggap sa aming lahat. Nagsiga sila para makapagpainit kami, dahil umuulan at maginaw. 3Nanguha si Pablo ng isang bigkis ng kahoy na panggatong. Pero nang mailagay na niya ang mga kahoy sa apoy, biglang lumabas ang makamandag na ahas dahil sa init ng apoy, at tinuklaw ang kanyang kamay. 4Pagkakita ng mga taga-roon sa ahas na nakabitin sa kamay ni Pablo, sinabi nila, “Tiyak na kriminal ang taong ito. Nakaligtas siya sa dagat pero ayaw pumayag ng dios ng katarungan na mabuhay pa siya.” 5Pero ipinagpag lang ni Pablo ang ahas doon sa apoy at hindi siya napano. 6Hinihintay ng mga tao na mamaga ang kamay ni Pablo o kayaʼy matumba siya at mamatay. Pero matapos nilang maghintay nang matagal, walang nangyari kay Pablo. Kaya nagbago ang kanilang iniisip. Sinabi nila, “Isa siyang dios!”7Ang pangalan ng pinuno ng lugar na iyon ay si Publius. Ang kanyang lupa ay malapit lang sa lugar kung saan kami umahon. Mabuti ang kanyang pagtanggap sa amin, at doon kami tumuloy sa kanila sa loob ng tatlong araw. 8Nagkataon noon na ang ama ni Publius ay may sakit. May lagnat siya at disintirya. Kaya pumasok si Pablo sa kanyang silid at nanalangin. Ipinatong niya ang kanyang kamay sa may sakit at gumaling ito. 9Dahil sa pangyayaring iyon, ang lahat ng may sakit sa isla ay pumunta sa amin at pinagaling din sila. 10Marami silang ibinigay sa amin na regalo. At nang paalis na kami, binigyan pa nila kami ▼
▼binigyan pa nila kami: o, dinalhan pa nila kami sa barko.
ng mga kakailanganin namin sa paglalakbay. Mula Malta Papuntang Roma
11Matapos ang tatlong buwan na pananatili namin sa isla ng Malta, sumakay kami sa isang barkong nagpalipas doon ng tag-unos. Ang barkong itoʼy galing sa Alexandria, at nakalarawan sa unahan nito ang kambal na dios. 12Mula sa Malta, pumunta kami sa Syracuse at tatlong araw kami roon. 13Mula roon, bumiyahe kami hanggang sa nakarating kami sa Regium. Kinabukasan, umihip ang habagat, at sa loob ng dalawang araw ay nakarating kami sa Puteoli. 14Doon may nakita kaming mga kapatid sa Panginoon. Hiniling nila sa amin na manatili roon ng isang linggo. Pagkatapos, dumiretso kami sa Roma. 15Nang marinig ng mga kapatid sa Roma na dumating kami, sinalubong nila kami sa Pamilihan ng Apius ▼▼ng Apius: o, ni Apius.
at sa Tres Tabernas. Nang makita ni Pablo ang mga kapatid, nagpasalamat siya sa Dios at lumakas ang kanyang loob. Sa Roma
16Pagdating namin sa Roma, pinahintulutan si Pablo na tumira kahit saan niya gusto, pero may isang sundalong magbabantay sa kanya.17Pagkalipas ng tatlong araw, ipinatawag ni Pablo ang mga pinuno ng mga Judio sa Roma. Nang nagkakatipon na sila, sinabi niya, “Mga kapatid, kahit na wala akong nagawang kasalanan laban sa ating bayan o sa mga kaugaliang mula sa ating mga ninuno, dinakip nila ako sa Jerusalem at inakusahan sa gobyerno ng Roma. 18Nilitis ako ng mga Romanong opisyal, at nang malaman nila na wala akong nagawang masama para hatulan ng kamatayan, palalayain na sana nila ako. 19Pero tinutulan ng mga Judio, kaya napilitan akong lumapit sa Emperador, kahit wala akong paratang laban sa aking mga kababayan. 20Ito ang dahilan kung bakit hiniling kong makita kayo, para makapagsalita ako sa inyo, dahil nakakadena ako ngayon dahil naniniwala ako sa inaasahan ng mga Judio.”
21Sinagot nila si Pablo, “Wala kaming natanggap na sulat mula sa Judea tungkol sa iyo. Ang mga kapwa natin Judio na dumating dito galing sa Jerusalem ay wala ring ibinalita o sinabi laban sa iyo. 22Pero gusto rin naming marinig kung ano ang iyong sasabihin, dahil alam namin na kahit saang lugar, minamasama ng mga tao ang sekta mong iyan.”
23Kaya nagtakda sila ng araw para magtipong muli. Pagdating ng araw na iyon, lalong dumami ang pumunta sa bahay na tinutuluyan ni Pablo. Pinatunayan niya sa kanila ang tungkol sa paghahari ng Dios, at ipinaliwanag niya ang tungkol kay Jesus sa pamamagitan ng mga Kautusan ni Moises at ng mga isinulat ng mga propeta para sumampalataya sila sa kanya. 24Ang iba ay naniwala sa kanyang sinabi, pero ang iba naman ay hindi. 25At dahil sa hindi sila magkasundo, nagsiuwian sila. Pero bago sila umalis, sinabi ni Pablo sa kanila, “Tama ang sinabi ng Banal na Espiritu sa ating mga ninuno sa pamamagitan ni Propeta Isaias. 26Sapagkat sinabi niya,
‘Puntahan mo ang mga taong ito at sabihin mo sa kanila na kahit makinig sila, hindi sila makakaunawa,
at kahit tumingin sila, hindi sila makakakita,
27dahil matigas ang puso ng mga taong ito.
Tinakpan nila ang kanilang mga tainga at ipinikit nila ang kanilang mga mata.
Dahil baka makakita sila at makarinig,
at maunawaan nila kung ano ang tama, at magbalik-loob sila sa akin, at pagalingin ko sila.’ ” ▼
▼Isa. 6:9-10.
28 Sinabi pa ni Pablo, “Gusto ko ring sabihin sa inyo na ang salita ng Dios tungkol sa kaligtasan ay ibinalita na sa mga hindi Judio, at sila ay talagang nakikinig.” [ 29Pagkasabi nito ni Pablo, nag-uwian ang mga Judio na mainit na nagtatalo.]
30Sa loob ng dalawang taon, nanatili si Pablo sa bahay na kanyang inuupahan. At tinanggap niya ang lahat ng dumadalaw sa kanya. 31Tinuruan niya sila tungkol sa paghahari ng Dios at tungkol sa Panginoong Jesu-Cristo. Hindi siya natakot sa kanyang pagtuturo at wala namang pumigil sa kanya.
Copyright information for
TglASD