Acts 11
Ipinaliwanag ni Pedro ang Kanyang Ginawa
1Nabalitaan ng mga apostol at ng mga kapatid sa Judea na ang mga hindi Judio ay tumanggap din ng salita ng Dios. 2Kaya pagbalik ni Pedro sa Jerusalem, sinalungat siya ng mga kapatid na Judio na naniniwalang ang mga hindi Judio ay kinakailangang magpatuli muna bago maging kaanib nila. 3Sinabi nila kay Pedro, “Ikaw ay isang Judio, bakit ka nakituloy at nakikain sa bahay ng mga hindi Judio na hindi tuli?” 4Kaya ipinaliwanag ni Pedro sa kanila ang buong pangyayari mula sa simula.5Sinabi niya, “Habang nananalangin ako sa lungsod ng Jopa, may ipinakita sa akin ang Dios. Nakita ko ang parang malapad na kumot na bumababa mula sa langit. May tali ito sa apat na sulok, at ibinaba sa tabi ko. 6Pinagmasdan ko itong mabuti at nakita ko roon ang lahat ng uri ng hayop – ang mga lumalakad kasama na rito ang mababangis, mga gumagapang, at mga lumilipad. 7At narinig ko ang boses na nagsasabi sa akin, ‘Pedro tumayo ka! Magkatay ka at kumain.’ 8Pero sumagot ako, ‘Panginoon, hindi ko magagawa iyan dahil hindi po talaga ako kumakain ng mga hayop na itinuturing na marumi at ipinagbabawal kainin.’ 9Pagkatapos, muling nagsalita ang tinig mula sa langit, ‘Huwag mong ituring na marumi ang kahit na anong bagay na nilinis na ng Dios.’ 10Tatlong beses naulit ang pangyayaring ito, at pagkatapos ay hinila na pataas ang kumot. 11Nang mga oras ding iyon, dumating sa bahay na tinutuluyan ko ang tatlong lalaki na galing sa Cesarea. Inutusan sila na sunduin ako. 12Sinabi ng Banal na Espiritu sa akin na huwag akong mag-alinlangang sumama sa kanila. At nang umalis na kami papunta sa bahay ni Cornelius sa Cesarea, sumama sa akin itong anim na kapatid natin na taga-Jopa. 13Pagpasok namin doon, ikinuwento ni Cornelius sa amin na may nakita siyang anghel sa loob ng kanyang bahay na nagsabi sa kanya, ‘Magsugo ka sa Jopa para sunduin si Simon na tinatawag na Pedro. 14Sasabihin niya sa iyo kung paano ka maliligtas at ang iyong buong pamilya.’ 15At nang magsalita na ako, napuspos sila ng Banal na Espiritu tulad din ng nangyari sa atin noon. 16At naalala ko ang sinabi ng Panginoong Jesus: ‘Nagbautismo si Juan sa tubig, ngunit babautismuhan kayo sa Banal na Espiritu.’ 17Kaya ang nangyari sa kanila ay nagpapatunay na ang ibinigay ng Dios sa ating mga Judio, nang sumampalataya tayo sa Panginoong Jesu-Cristo ay ibinigay din niya sa mga hindi Judio. At kung ganoon ang gusto ng Dios, sino ba ako para hadlangan siya?” 18Nang marinig ito ng mga kapatid na Judio, hindi na nila binatikos si Pedro, sa halip ay nagpuri sila sa Dios. Sinabi nila, “Kung ganoon, ibinigay din ng Dios sa mga hindi Judio ang pagkakataon na magsisi para matanggap nila ang buhay na walang hanggan.”
Ang Iglesya ng Antioc sa Syria
19 Simula nang mamatay si Esteban, nangalat ang mga mananampalataya dahil sa pag-uusig sa kanila. Ang iba ay nakarating sa Fenicia, Cyprus, at Antioc. Ipinapahayag nila ang Magandang Balita kahit saan sila pumunta, pero sa mga Judio lamang. 20Pero ang ibang mananampalataya na taga-Cyprus at taga-Cyrene ay pumunta sa Antioc at nagpahayag ng Magandang Balita tungkol sa Panginoong Jesus maging sa mga hindi Judio. 21Ang kapangyarihan ng Panginoon ay nasa kanila at marami ang sumampalataya at nagbalik-loob sa Panginoon.22Ang pangyayaring ito ay nabalitaan ng iglesya sa Jerusalem, kaya pinapunta nila si Bernabe sa Antioc. 23Pagdating niya roon, natuwa siya dahil nakita niya ang mga kabutihang ginawa ng Dios sa mga tao roon. At pinayuhan niya sila na maging matapat at matatag sa kanilang pananampalataya sa Panginoon. 24Mabuting tao si Bernabe. Pinapatnubayan siya ng Banal na Espiritu, at matibay ang kanyang pananampalataya sa Dios. Kaya marami sa Antioc ang sumampalataya sa Panginoon.
25Pagkatapos, pumunta si Bernabe sa Tarsus para hanapin si Saulo. 26Nang makita niya si Saulo, isinama niya ito pabalik sa Antioc. At isang taon silang nakasama ng iglesya roon, at maraming tao ang kanilang tinuruan. Sa Antioc unang tinawag na mga Cristiano ang mga tagasunod ni Jesus.
27Nang panahong iyon, may mga propeta sa Jerusalem na pumunta sa Antioc. 28Ang pangalan ng isa sa kanila ay si Agabus. Tumayo siya at nagpahayag sa pamamagitan ng Banal na Espiritu na may darating na matinding taggutom sa buong mundo. (Nangyari ito sa panahon ni Claudius na Emperador ng Roma.) 29Kaya nagpasya ang mga tagasunod ni Jesus sa Antioc na ang bawat isa sa kanila ay magpapadala ng tulong sa mga kapatid sa Judea ayon sa kanilang makakaya. 30Ipinadala nila ito sa pamamagitan nina Bernabe at Saulo para ibigay sa mga namumuno ng iglesya sa Jerusalem.
Copyright information for
TglASD