Acts 10
Ang Pagtawag ni Cornelius kay Pedro
1Doon sa Cesarea ay may isang lalaking ang pangalan ay Cornelius. Siyaʼy isang kapitan ng batalyon ng mga sundalong Romano na tinatawag na Batalyong Italyano. 2Siya at ang kanyang buong pamilya ay may takot sa Dios. Marami siyang naibigay na tulong sa mga mahihirap na Judio, at palagi siyang nananalangin sa Dios. 3Isang araw, bandang alas tres ng hapon, nagkaroon siya ng isang pangitain. Kitang-kita niya ang isang anghel ng Dios na pumasok at tinawag siya, “Cornelius!” 4Tumitig siya sa anghel at takot na takot na nagsabi, “Ano po ang kailangan nʼyo?” Sumagot ang anghel, “Pinakinggan ng Dios ang iyong mga panalangin at natutuwa siya sa pagtulong mo sa mga mahihirap. Kaya inaalala ka ng Dios. 5Ngayon, magsugo ka ng mga tao sa Jopa at ipasundo mo si Simon na tinatawag na Pedro. 6Doon siya nakatira kay Simon na mangungulti ng balat. ▼▼mangungulti ng balat: sa Ingles, tanner.
Ang bahay niya ay nasa tabi ng dagat.” 7Nang makaalis na ang anghel, tinawag ni Cornelius ang dalawa niyang utusan at ang isang sundalong makadios na madalas niyang inuutusan. 8Ikinuwento ni Cornelius sa kanila ang lahat ng nangyari, at pagkatapos ay inutusan niya silang pumunta sa Jopa. 9Kinabukasan, nang malapit na sila sa bayan ng Jopa, umakyat si Pedro sa bubong ng bahay ▼
▼Ang kanilang mga bubong noon ay pantay, at minsan doon sila nagpapahinga.
para manalangin. Tanghaling-tapat noon 10at gutom na si Pedro, kaya gusto na niyang kumain. Pero habang inihahanda ang pagkain, may ipinakita sa kanya ang Dios. 11Nakita niyang bumukas ang langit at may bumababang parang malapad na kumot na may tali sa apat na sulok nito. 12At sa kumot na ito, nakita niya ang lahat ng uri ng hayop – ang mga lumalakad, gumagapang, at mga lumilipad. 13Pagkatapos, may narinig siyang tinig na nagsasabi, “Pedro, tumayo ka! Magkatay ka at kumain.” 14Sumagot si Pedro, “Panginoon, hindi ko magagawa iyan dahil hindi po talaga ako kumakain ng mga hayop na itinuturing na marumi at ipinagbabawal kainin.” 15Muling sinabi ng tinig, “Huwag mong ituring na marumi ang kahit anong bagay na nilinis na ng Dios.” 16Tatlong ulit itong nangyari, at pagkatapos, hinila agad ang bagay na iyon pataas. 17Habang naguguluhan si Pedro at iniisip kung ano ang ibig sabihin ng nakita niya, dumating naman sa lugar na iyon ang mga taong inutusan ni Cornelius. Nang malaman nila kung saan ang bahay ni Simon, pumunta sila roon. At pagdating nila sa pinto ng bakod, 18tumawag sila at nagtanong kung doon ba nanunuluyan si Simon na tinatawag na Pedro. 19Habang pinag-iisipan ni Pedro kung ano ang ibig sabihin ng kanyang nakita, sinabi ng Banal na Espiritu sa kanya, “May tatlong taong naghahanap sa iyo. 20Tumayo ka at bumaba. Huwag kang mag-alinlangang sumama sa kanila, dahil ako ang nag-utos sa kanila.” 21Bumaba si Pedro at sinabi sa mga tao, “Ako ang hinahanap ninyo. Ano ang kailangan ninyo sa akin?” 22Sumagot sila, “Inutusan kami rito ni Kapitan Cornelius. Mabuti siyang tao at sumasamba sa Dios. Iginagalang siya ng lahat ng Judio. Sinabihan siya ng anghel ng Dios na imbitahan ka sa kanyang bahay para marinig niya kung ano ang iyong sasabihin.” 23Pinapasok sila ni Pedro, at doon sila natulog nang gabing iyon.
Kinabukasan, sumama si Pedro sa kanila, kasama ang ilang kapatid na taga-Jopa. 24Dumating sila sa Cesarea pagkaraan ng isang araw. Naghihintay sa kanila si Cornelius at ang kanyang mga kamag-anak at mga kaibigan na inimbitahan niyang dumalo. 25Nang dumating si Pedro, sinalubong siya ni Cornelius at lumuhod para sambahin siya. 26Pero pinatayo siya ni Pedro at sinabi, “Tumayo ka, dahil akoʼy tao ring katulad mo.” 27At patuloy ang kanilang pag-uusap habang papasok sila sa bahay. Sa loob ng bahay, nakita ni Pedro na maraming tao ang nagkakatipon doon. 28Nagsalita si Pedro sa kanila, “Alam ninyo na kaming mga Judio ay pinagbabawalan ng aming relihiyon na dumalaw o makisama sa mga hindi Judio. Pero ipinaliwanag sa akin ng Dios na hindi ko dapat ituring na marumi ang sinuman. 29Kaya nang ipasundo ninyo ako, hindi ako nag-atubiling sumama. Kaya gusto ko ngayong malaman kung bakit ipinatawag ninyo ako.”
30Sumagot si Cornelius, “Tatlong araw na ngayon ang lumipas nang nananalangin ako rito sa bahay, at ganito ring oras, mga alas tres ng hapon. Habang nananalangin ako, biglang nagpakita sa akin ang isang taong may damit na nakakasilaw. 31Sinabi niya sa akin, ‘Cornelius, dininig ng Dios ang iyong panalangin at hindi niya nakalimutan ang pagtulong mo sa mga mahihirap. 32Magsugo ka ngayon ng mga tao sa Jopa at ipasundo si Simon na tinatawag na Pedro. Doon siya nakatira sa bahay ni Simon na mangungulti ng balat. Ang kanyang bahay ay sa tabi ng dagat.’ 33Kaya ipinatawag kita agad. Salamat naman at dumating ka. At ngayon, narito kami sa presensya ng Dios para pakinggan ang ipinapasabi sa inyo ng Panginoon.”
Nangaral si Pedro sa Bahay ni Cornelius
34Kaya nagsalita si Pedro, “Ngayon alam ko nang walang pinapaboran ang Dios. 35Kung ang tao ay may takot sa Dios at tama ang kanyang ginagawa, kahit ano ang lahi niyaʼy tatanggapin siya ng Dios. 36Narinig ninyo ang Magandang Balita na ipinahayag ng Dios sa aming mga Israelita, na ang taoʼy magkakaroon na ng magandang relasyon sa Dios sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo na siyang Panginoon ng lahat. 37– 38Alam din ninyo ang mga nangyari sa buong Judea tungkol kay Jesus na taga-Nazaret. Nagsimula ito sa Galilea matapos mangaral ni Juan tungkol sa bautismo. Binigyan ng Dios si Jesus ng Banal na Espiritu at kapangyarihan. At dahil kasama niya ang Dios, pumunta siya sa ibaʼt ibang lugar at gumawa ng kabutihan. Pinagaling niya ang lahat ng sinaniban at pinahirapan ng diyablo. 39Kami mismo ay makakapagpatotoo sa lahat ng ginawa niya, dahil nakita namin ito sa Jerusalem at sa iba pang mga bayan ng mga Judio. Pinatay siya ng mga Judio sa pamamagitan ng pagpako sa krus. 40Pero muli siyang binuhay ng Dios sa ikatlong araw at nagpakita sa amin na siyaʼy buhay. 41Hindi siya nagpakita sa lahat kundi sa amin lamang na mga pinili ng Dios na maging saksi para ipamalita sa iba ang tungkol sa kanya. Nakasama pa nga namin siyang kumain at uminom pagkatapos na siyaʼy muling nabuhay. 42Inutusan niya kaming mangaral ng Magandang Balita sa mga tao at magpatotoo na siya ang tunay na pinili ng Dios na maging tagahatol ng mga buhay at ng mga patay. 43Si Jesu-Cristo ang tinutukoy ng lahat ng propeta nang ipahayag nila na ang lahat ng sumasampalataya sa kanya ay patatawarin sa kanilang mga kasalanan sa pamamagitan ng kanyang pangalan.”Dumating ang Banal na Espiritu sa mga Hindi Judio
44Habang nagsasalita pa si Pedro, napuspos ng Banal na Espiritu ang lahat ng nakikinig. 45Ang mga mananampalatayang Judio na sumama kay Pedro mula sa Jopa ay namangha dahil ipinagkaloob din ng Dios ang Banal na Espiritu sa mga hindi Judio. 46Dahil narinig nilang nagsasalita sila ng ibaʼt ibang wika na hindi nila natutunan at nagpupuri sila sa Dios. Kaya sinabi ni Pedro, 47“Natanggap na nila ang Banal na Espiritu tulad natin kahit hindi sila mga Judio. Kaya wala nang makakapigil sa kanila para bautismuhan sila sa tubig.” 48At iniutos ni Pedro na bautismuhan sila sa pangalan ni Jesu-Cristo. Pagkatapos noon, pinakiusapan nila si Pedro na manatili muna sa kanila ng ilang araw.
Copyright information for
TglASD