2 Thessalonians 3
Ipanalangin Ninyo Kami
1At ngayon, mga kapatid, ipanalangin nʼyo kami para lumaganap nang mabilis ang salita ng Panginoon at malugod na tanggapin sa iba pang mga lugar, katulad ng pagtanggap ninyo. 2Ipanalangin nʼyo rin na maligtas kami sa mga masasama at makasalanang tao; dahil hindi lahat ng taoʼy naniniwala sa itinuturo namin. 3Pero tapat ang Panginoon; bibigyan niya kayo ng lakas at iingatan laban sa diyablo. 4Dahil sa Panginoon, nagtitiwala kaming ginagawa nʼyo at patuloy na gagawin ang mga ibinilin namin. 5Gabayan nawa kayo ng Panginoon para makita sa inyo ang pag-ibig ng Dios at katatagan ni Cristo.Tungkol sa Katamaran
6Mga kapatid, sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, iniuutos namin sa inyo na layuan nʼyo ang sinumang kapatid na tamad at hindi sumusunod sa mga ipinangaral namin sa inyo. 7Sapagkat alam naman ninyo na dapat nʼyo kaming tularan dahil hindi kami naging tamad noong nariyan pa kami. 8Hindi kami tumanggap ng pagkain mula sa inyo nang hindi namin binayaran. Sa halip, nagtrabaho kami araw at gabi para hindi kami maging pabigat kaninuman sa inyo. 9Ginawa namin ito, hindi dahil wala kaming karapatang tumanggap ng tulong galing sa inyo, kundi para bigyan kayo ng halimbawa para sundin ninyo. 10Nang kasama nʼyo pa kami, sinabi namin sa inyo na huwag pakainin ang sinumang ayaw magtrabaho.11Binabanggit namin ito dahil nabalitaan namin na ang ilan sa inyo ay tamad, ayaw magtrabaho, at walang ginagawa kundi makialam sa buhay ng iba. 12Kaya sa pangalan ng Panginoong Jesu-Cristo, mahigpit naming inuutusan ang mga taong ito na maghanapbuhay at huwag makialam sa buhay ng iba.
13At sa inyo naman, mga kapatid, huwag kayong magsawa sa paggawa ng mabuti. 14Kung mayroon mang ayaw sumunod sa mga sinabi namin sa sulat na ito, tandaan nʼyo kung sino siya at iwasan para mapahiya siya. 15Ngunit huwag nʼyo siyang ituring na kaaway, kundi paalalahanan siya bilang kapatid.
Paalam at Bendisyon
16Nawaʼy ang Panginoon na pinagmumulan ng kapayapaan ang siya ring magbigay sa inyo ng kapayapaan sa lahat ng pagkakataon, maging anuman ang kalagayan ninyo. At patnubayan nawa kayong lahat ng Panginoon.17Akong si Pablo ang mismong sumusulat ng pagbating ito: Binabati ko kayong lahat. Ganito ang ginagamit kong paraan sa lahat ng sulat ko para malaman nʼyo na ako nga ang sumulat. 18Pagpalain nawa kayong lahat ng ating Panginoong Jesu-Cristo.
Copyright information for
TglASD