2 Samuel 20
Nagrebelde si Sheba kay David
1Ngayon, may isang tao mula sa lahi ni Benjamin na laging naghahanap ng gulo. Siya ay si Sheba na anak ni Bicri. Pinatunog niya ang trumpeta at pagkatapos ay sumigaw, “Mga taga-Israel, wala tayong pakialam kay David na anak ni Jesse! Umuwi na tayong lahat!” 2Kaya iniwan ng mga taga-Israel si David at sumunod kay Sheba na anak ni Bicri. Pero nagpaiwan ang mga taga-Juda sa hari nila at sinamahan siya mula Ilog ng Jordan papuntang Jerusalem.3Nang makabalik na si David sa palasyo niya sa Jerusalem, iniutos niyang dalhin sa isang bahay ang sampung asawa niyang iniwan para asikasuhin at bantayan ang palasyo. Ibinigay niya lahat ng pangangailangan nila pero hindi na niya sinipingan ang mga ito. Doon sila nanirahan na parang mga biyuda hanggang sa mamatay.
4Pagkatapos, sinabi ng hari kay Amasa, “Tipunin mo ang mga sundalo ng Juda at pumunta kayo sa akin sa ikatlong araw mula ngayon.” 5Kaya lumakad si Amasa at tinipon ang mga sundalo ng Juda, pero hindi siya nakabalik sa itinakdang araw ng hari. 6Kaya sinabi ng hari kay Abishai, “Mas malaking pinsala ang gagawin sa atin ni Sheba kaysa sa ginawa ni Absalom. Kaya ngayon, isama mo ang mga tauhan ko at habulin nʼyo siya bago pa niya maagaw ang mga napapaderang lungsod at makalayo siya sa atin.”
7Kaya umalis si Abishai sa Jerusalem para habulin si Sheba na anak ni Bicri. Isinama niya si Joab at ang mga tauhan nito, ang mga personal na tagapagbantay ni David na mga Kereteo at Peleteo, at ang lahat ng magigiting na sundalo. 8Nang naroon na sila sa malaking bato sa Gibeon, nakasalubong nila si Amasa. Nakabihis pandigma si Joab at nakasuksok ang espada sa sinturon niya. Habang lumalapit siya kay Amasa, lihim niyang hinugot ang espada niya. ▼
▼lihim … espada niya: o, nahulog ang espada niya.
9Sinabi niya kay Amasa, “Kumusta ka, kaibigan?” Pagkatapos, hinawakan niya ng kanan niyang kamay ang balbas ni Amasa para halikan siya. 10Pero hindi napansin ni Amasa ang espada sa kaliwang kamay ni Joab. Sinaksak siya ni Joab sa tiyan at lumuwa ang bituka niya sa lupa. Namatay siya agad kaya hindi na siya muling sinaksak ni Joab. Nagpatuloy sa paghabol kay Sheba ang magkapatid na Joab at Abishai. 11Tumayo sa tabi ni Amasa ang isa sa mga tauhan ni Joab at sinabi sa mga tauhan ni Amasa, “Kung pumapanig kayo kina Joab at David, sumunod kayo kay Joab!” 12Nakahandusay sa gitna ng daan ang bangkay ni Amasa na naliligo sa sarili niyang dugo. Sinumang dumadaan doon ay napapahinto at tinitingnan ang bangkay. Nang mapansin ito ng mga tauhan ni Joab, kinaladkad nila ang bangkay ni Amasa mula sa daan papunta sa bukid, at tinakpan ito ng tela. 13Nang makuha na ang bangkay ni Amasa sa daan, nagpatuloy ang lahat sa pagsunod kay Joab sa paghabol kay Sheba. 14Samantala, pumunta si Sheba sa lahat ng lahi ng Israel para tipunin ang lahat ng kamag-anak niya. ▼
▼lahat ng kamag-anak niya: sa Hebreo, Beriteo. Maaaring ang ibig sabihin, mga angkan ni Bicri.
Sumunod sa kanya ang mga kamag-anak niya at nagtipon sila sa Abel Bet Maaca. 15Nang mabalitaan ito ni Joab at ng mga tauhan niya, nagpunta sila sa Abel Bet Maaca at pinalibutan ito. Gumawa sila ng mga tumpok ng lupa sa gilid ng pader para makaakyat sila, at unti-unti nilang sinira ang pader. 16May isang matalinong babae sa loob ng lungsod na sumigaw sa mga tauhan ni Joab, “Makinig kayo sa akin! Sabihin nʼyo kay Joab na pumunta sa akin dahil gusto kong makipag-usap sa kanya.” 17Kaya pumunta si Joab sa kanya, at nagtanong ang babae, “Kayo ba si Joab?” Sumagot si Joab, “Oo, ako nga.” Sinabi ng babae, “Makinig po kayo sa sasabihin ko sa inyo.” Sumagot si Joab, “Sige, makikinig ako.” 18Sinabi ng babae, “May isang kasabihan noon na nagsasabi, ‘Kung gusto nʼyong malutas ang problema nʼyo, humingi kayo ng payo sa lungsod ng Abel.’ 19Isa po ako sa mga umaasang magpapatuloy ang kapayapaan sa Israel. Pero kayo, bakit pinipilit nʼyong ibagsak ang isa sa mga nangungunang lungsod ▼
▼isa sa mga nangungunang lungsod: sa literal, kabisera.
sa Israel? Bakit gusto nʼyong ibagsak ang lungsod na pag-aari ng Panginoon?” 20Sumagot si Joab, “Hindi ko gustong ibagsak ang lungsod nʼyo! 21Hindi iyan ang pakay namin. Sumalakay kami dahil kay Sheba na anak ni Bicri na galing sa kaburulan ng Efraim. Nagrebelde siya kay Haring David. Ibigay nʼyo siya sa amin at aalis kami sa lungsod ninyo.” Sinabi ng babae, “Ihahagis namin sa inyo ang ulo niya mula sa pader.” 22Kaya pinuntahan ng babae ang mga nakatira sa lungsod at sinabi niya sa kanila ang plano niya. Pinugutan nila ng ulo si Sheba at inihagis nila ito kay Joab. Pagkatapos, pinatunog ni Joab ang trumpeta at umalis ang mga tauhan niya sa lungsod at umuwi. Si Joab ay bumalik sa hari, sa Jerusalem.
Ang mga Opisyal ni David
23Si Joab ang kumander ng buong hukbo ng Israel. Si Benaya naman na anak ni Jehoyada ang pinuno ng personal na tagapagbantay ni David na mga Kereteo at Peleteo. 24Si Adoniram ang namumuno sa mga alipin na sapilitang pinagtatrabaho. Si Jehoshafat na anak ni Ahilud ang tagapag-ingat ng mga kasulatan sa kaharian. 25Si Sheva ang kalihim ng hari. Sina Zadok at Abiatar ang pinuno ng mga pari. 26Si Ira na taga-Jair ang personal na pari ni David.
Copyright information for
TglASD