‏ 2 Samuel 18

Napatay si Absalom

1Pinaggrupo-grupo ni David ang mga tauhan niya sa tig-1,000 at tig-100 at pumili siya ng mga pinuno na mamumuno sa kanila. 2Pinalakad niya sila sa tatlong grupo. Si Joab ang pinuno ng isang grupo, si Abishai na kapatid ni Joab ang sa isang grupo, at si Itai naman na taga-Gat ang sa isa pang grupo. Sinabi ni Haring David sa kanila, “Ako mismo ang mamumuno sa inyo sa pakikipaglaban.” 3Pero sinabi ng mga tauhan niya, “Hindi po kayo dapat sumama sa amin. Wala pong halaga sa mga kalaban kung tatakas kami, o kung mapatay ang kalahati sa amin. Mas gusto nilang mapatay kayo kaysa sa 10,000 sa amin. Kaya mabuti pang maiwan na lang kayo rito sa lungsod at magpadala sa amin ng tulong kung kinakailangan.” 4Sumagot si Haring David, “Gagawin ko kung ano ang mabuti sa tingin ninyo.” Tumayo si Haring David sa gilid ng pintuan ng lungsod habang lumalabas ang lahat ng tauhan niya na nakagrupo sa tig-1,000 at tig-100. 5Nag-utos si Haring David kina Joab, Abishai at Itai, “Alang-alang sa akin, huwag nʼyong sasaktan ang binatang si Absalom.” Narinig ng lahat ng grupo ang utos na ito ni David sa mga kumander ng mga sundalo niya.

6Lumakad na ang mga sundalo ni David para makipaglaban sa mga sundalo ng Israel, at sa kagubatan ng Efraim sila naglaban. 7Natalo ng mga sundalo ni David ang mga Israelita. Maraming namatay nang araw na iyon – 20,000 tao. 8Lumaganap ang labanan sa buong kagubatan, at mas maraming namatay sa panganib sa kagubatan kaysa sa mga namatay sa espada.

9Sa panahon ng labanan, nasalubong ni Absalom ang mga tauhan ni David, at tumakas siya sakay ng mola
mola: sa Ingles, “mule.” Hayop na parang kabayo.
niya. At habang nagpapasuot-suot siya sa ilalim ng malalagong sanga ng malaking puno ng ensina, sumabit ang ulo niya sa sanga. Dumiretso ng takbo ang mola at naiwan siyang nakabitin sa puno.
10Nang makita ito ng isang tauhan ni David, pinuntahan niya si Joab at sinabi, “Nakita ko si Absalom na nakabitin sa puno ng ensina.” 11Sinabi sa kanya ni Joab, “Ano? Nakita mo siya? Bakit hindi mo siya pinatay? Binigyan sana kita ng gantimpalang sampung pirasong pilak at espesyal na sinturon para sa isang opisyal.” 12Pero sumagot ang tauhan, “Kahit na bigyan mo pa ako ng 1,000 pirasong pilak, hindi ko papatayin ang anak ng hari. Narinig namin ang iniutos ng hari sa iyo, kay Abishai at kay Itai, na huwag ninyong sasaktan ang binatang si Absalom alang-alang sa kanya. 13At kahit na suwayin ko pa ang hari sa pamamagitan ng pagpatay kay Absalom, malalaman din ito ng hari, at hindi mo naman ako ipagtatanggol.” 14Sinabi ni Joab, “Nagsasayang lang ako ng oras sa iyo!” Pagkatapos, kumuha siya ng tatlong sibat at pinuntahan si Absalom na buhay pang nakasabit sa puno ng ensina. Pagkatapos, sinibat niya sa dibdib si Absalom. 15Pinalibutan pa ng sampung tagadala ng armas ni Joab si Absalom at tinuluyan siyang patayin. 16Pinatunog ni Joab ang trumpeta para itigil na ang labanan, at upang tumigil na ang mga tauhan niya sa paghabol sa mga sundalo ng Israel. 17Kinuha nila ang bangkay ni Absalom at inihulog sa malalim na hukay sa kagubatan, at tinabunan ito ng napakaraming malalaking tipak ng bato. Samantala, tumakas pauwi ang lahat ng sundalo ng Israel.

18Noong buhay pa si Absalom, nagpatayo siya ng monumento para sa sarili niya sa Lambak ng Hari, dahil wala siyang anak na lalaki na magdadala ng pangalan niya. Tinawag niya itong “Monumento ni Absalom”, at hanggang ngayon, ito pa rin ang tawag dito.

Ipinagluksa ni David ang Pagkamatay ni Absalom

19Sinabi ng anak ni Zadok na si Ahimaaz, kay Joab, “Payagan mo akong pumunta kay David para ibalita sa kanya na iniligtas siya ng Panginoon sa mga kalaban niya.” 20Sinabi ni Joab, “Hindi ka magbabalita sa hari sa araw na ito. Pwede sa ibang araw, pero hindi ngayon, dahil namatay ang anak ng hari.” 21Sinabi ni Joab sa isang tao na galing sa Etiopia,
na galing sa Etiopia: sa Hebreo, na galing sa Cush.
“Puntahan mo si Haring David at sabihin mo ang nakita mo.” Yumukod muna ito kay Joab bago patakbong umalis.
22Muling sinabi ni Ahimaaz kay Joab, “Kahit ano pa ang mangyari, payagan mo akong sumunod sa taong taga-Etiopia.” Sinabi ni Joab, “Anak, bakit gusto mong gawin ito? Wala ka namang makukuhang gantimpala sa pagbabalita mo.” 23Sinabi ni Ahimaaz, “Kahit anong mangyari, aalis ako.” Kaya sinabi ni Joab sa kanya, “Sige, umalis ka!” Kaya tumakbo si Ahimaaz at tinahak ang daan papuntang kapatagan ng Jordan, at naunahan pa niya ang taong taga-Etiopia.

24Habang nakaupo si David sa pagitan ng pintuan ng unang pader at pintuan ng ikalawang pader ng lungsod, umakyat sa pader ang tagapagbantay ng lungsod at tumayo sa bubong ng pintuan. Habang tumitingin-tingin siya roon, may nakita siyang isang taong tumatakbo. 25Sumigaw siya kay David na may dumarating na tao, nang mga panahong iyon ay nasa ilalim ng bubong ang hari. Sinabi ni David, “Kung mag-isa lang siya, may dala siguro siyang balita.” Habang papalapit nang papalapit ang tao, 26may nakita pa siyang isang taong tumatakbo rin. Sumigaw siya sa ibaba na may isa pang taong paparating. Sinabi ng hari, “May dala rin siguro siyang balita.” 27Sinabi ng tagapagbantay, “Para pong si Ahimaaz na anak ni Zadok ang unang paparating.” Sinabi ng hari, “Mabuti siyang tao. Magandang balita siguro ang dala niya.” 28Pagdating ni Ahimaaz, kinamusta niya ang hari at yumukod siya rito bilang paggalang. Pagkatapos, sinabi niya, “Purihin ang Panginoon na inyong Dios, Mahal na Hari! Pinagtagumpay niya po kayo laban sa mga taong naghimagsik sa inyo.” 29Nagtanong ang hari, “Kumusta ang binatang si Absalom? Ayos lang ba siya?” Sumagot si Ahimaaz, “Nang ipinatawag ako ni Joab na lingkod nʼyo, nakita ko pong nagkakagulo ang mga tao pero hindi ko alam kung ano iyon.” 30Sinabi ng hari, “Diyan ka lang.” Kaya tumayo siya sa tabi. 31Maya-maya pa, dumating ang taong taga-Etiopia at sinabi, “Mahal na Hari, may maganda po akong balita. Iniligtas po kayo ng Panginoon sa araw na ito sa lahat ng naghimagsik laban sa inyo.” 32Nagtanong sa kanya ang hari, “Kumusta ang binata kong si Absalom? Hindi ba siya nasaktan?” Sumagot ang tao, “Ang nangyari po sana sa kanya ay mangyari sa lahat ng kalaban nʼyo, Mahal na Hari.”

33Nanginig si David. Umakyat siya sa kwarto sa itaas ng pintuan ng lungsod at umiyak. Habang umaakyat siya, sinasabi niya, “O Absalom, anak ko, ako na lang sana ang namatay sa halip na ikaw. O Absalom, anak ko, anak ko!”

Copyright information for TglASD