2 Samuel 22
Ang Awit ng Tagumpay ni David
(Salmo 18)
1Umawit si David sa Panginoon nang iligtas siya ng Panginoon sa kamay ng mga kalaban niya at kay Saul. 2Ito ang awit niya:“Panginoon, kayo ang aking matibay na bato na kanlungan at pananggalang.
Kayo ang aking Tagapagligtas na nag-iingat sa akin.
Bilang kanlungan na bato, makakapagtago ako sa inyo.
3Sa inyo ako tumatakbo at kumakanlong.
Inililigtas nʼyo ako sa mararahas na tao.
4Karapat-dapat kayong purihin Panginoon, dahil kapag tumatawag ako sa inyo, inililigtas nʼyo ako sa mga kalaban ko.
5Tulad ng mga alon, ang kamatayan ay nakapalibot sa akin.
Ang mga pinsalaʼy tulad ng malakas na agos na tumatangay sa akin.
6Ang kamatayaʼy parang lubid na nakapulupot sa akin at parang bitag sa aking daraanan.
7Sa aking kahirapan, humingi ako ng tulong sa inyo, Panginoon na aking Dios,
at pinakinggan nʼyo ang panalangin ko roon sa inyong templo.
8Lumindol, at ang pundasyon ng kalangitan ay nayanig,
dahil nagalit kayo, Panginoon.
9Umusok din ang inyong ilong,
at ang inyong bibig ay bumuga ng apoy at mga nagliliyab na baga.
10Binuksan nʼyo ang langit at kayoʼy bumaba,
at tumuntong sa maitim at makapal na ulap.
11Kayoʼy sumakay sa isang kerubin,
at mabilis na lumipad na dala ng hangin.
12Pinalibutan mo ang iyong sarili ng kadiliman, ng madilim at makapal na ulap.
13Kumidlat mula sa inyong kinaroroonan,
at mula rooʼy bumagsak ang mga yelo at nagliliyab na baga.
14Ang tinig nʼyo, Kataas-taasang Dios na aming Panginoon, ay dumadagundong mula sa langit.
15Pinana nʼyo ng kidlat ang inyong mga kalaban
at nataranta silang nagsitakas.
16Sa inyong tinig at matinding galit, natuyo ang dagat at nakita ang lupa sa ilalim nito,
pati na rin ang pundasyon ng mundo ay nalantad.
17At mula sa langit akoʼy inabot nʼyo
at inahon mula sa malalim na tubig.
18Iniligtas nʼyo ako sa kapangyarihan ng aking mga kalaban na hindi ko kayang labanan.
19Sinalakay nila ako sa oras ng aking kagipitan.
Ngunit sinaklolohan nʼyo ako, Panginoon.
20Dinala nʼyo ako sa lugar na walang kapahamakan dahil nalulugod kayo sa akin.
21Pinagpala nʼyo ako dahil akoʼy namumuhay sa katuwiran.
Sa kalinisan ng aking kamay akoʼy inyong ginantimpalaan.
22Dahil sinusunod ko ang inyong kalooban,
at hindi ko kayo tinalikuran, Panginoon na aking Dios.
23Tinutupad ko ang lahat ng inyong utos.
Ang inyong mga tuntunin ay hindi ko sinusuway.
24Alam nʼyong namumuhay ako ng walang kapintasan,
at iniiwasan ko ang kasamaan.
25Kaya naman akoʼy inyong ginagantimpalaan,
dahil nakita nʼyong wala akong ginagawang kasalanan.
26Tapat kayo sa mga tapat sa inyo,
at mabuti kayo sa mabubuting tao.
27Tapat kayo sa mga taong totoo sa inyo,
ngunit mas tuso kayo sa mga taong masama.
28Inililigtas nʼyo ang mga mapagpakumbaba,
ngunit ibinababa nʼyo ang mga mapagmataas.
29 Panginoon, kayo ang aking liwanag
Sa kadiliman kayo ang aking ilaw.
30Sa tulong nʼyo, kaya kong salakayin ang grupo ng mga sundalo,
at kaya kong akyatin ang pader ng kanilang tanggulan.
31Ang pamamaraan nʼyo, O Dios ay walang kamalian.
Ang inyong mga salita ay maaasahan.
Kayoʼy katulad ng isang kalasag sa mga naghahanap ng kaligtasan sa inyo.
32Kayo lang, Panginoon, ang tunay na Dios, at wala nang iba.
At kayo lang talaga ang aming batong kanlungan.
33Kayo ang nagbibigay sa akin ng kalakasan, ▼
▼Kayo … kalakasan: Itoʼy ayon sa Dead Sea Scrolls, Latin Vulgate, Syriac at sa ibang tekstong Septuagint. Sa Hebreo, Ikaw ang matatag na lugar na aking kanlungan.
at nagbabantay sa aking daraanan.
34Pinatatatag nʼyo ang aking paa tulad ng paa ng usa,
upang maging ligtas ang pag-akyat ko sa matataas na lugar.
35Sinasanay nʼyo ako sa pakikipaglaban, tulad ng pagbanat ng matibay na pana.
36Ang katulad nʼyo ay kalasag na nag-iingat sa akin,
at sa pamamagitan ng inyong tulong ay naging kilala ako.
37Pinaluwang nʼyo ang aking dadaanan,
kaya hindi ako natitisod.
38Hinabol ko ang aking mga kalaban at inabutan ko sila,
at hindi ako tumigil hanggang sa naubos ko sila.
39Hinampas ko sila hanggang sa magsibagsak,
at hindi na makabangon sa aking paanan.
40Binigyan nʼyo ako ng lakas sa pakikipaglaban,
kaya natalo ko ang aking mga kalaban.
41Dahil sa inyo, umatras ang aking mga kaaway na may galit sa akin,
at silaʼy pinatay ko.
42Humingi sila ng tulong, ngunit walang sinumang tumulong.
Tumawag din sila sa inyo Panginoon, ngunit kayoʼy hindi tumugon.
43Dinurog ko sila hanggang sa naging parang alikabok na lamang na inililipad ng hangin,
at tinatapak-tapakan na parang putik sa kalsada.
44Iniligtas nʼyo ako Panginoon sa mga rebelde kong mamamayan.
Ginawa nʼyo akong pinuno ng mga bansa.
Ang mga taga-ibang lugar ay sumusunod sa akin.
45Yumuyukod sila sa akin nang may takot at sinusunod ang aking mga utos.
46Nawawalan sila ng lakas ng loob,
kaya lumalabas sila sa kanilang pinagtataguan na nanginginig sa takot.
47Buhay kayo, Panginoon!
Karapat-dapat kayong purihin at dakilain,
O Dios na aking batong kanlungan at Tagapagligtas!
48Pinaghigantihan nʼyo ang aking mga kaaway,
at ipinasailalim mo ang mga bansa sa aking kapangyarihan.
49Inilalayo nʼyo ako sa mararahas kong kalaban,
at pinagtagumpay nʼyo ako sa kanila.
50Kaya pararangalan ko kayo sa mga bansa, O Panginoon.
Aawitan ko kayo ng mga papuri.
51Sa hinirang nʼyong hari ay nagbigay kayo ng maraming tagumpay.
Ang inyong pagmamahal ay ipinadama nʼyo kay David at sa kanyang lahi magpakailanman.”
Copyright information for
TglASD