‏ 2 Peter 1

Pagbati Mula kay Pedro

1 Mula kay Simon Pedro na lingkod at apostol ni Jesu-Cristo.

Mahal kong mga kapatid na kabahagi sa napakahalagang pananampalataya na tinanggap din namin. Ang pananampalatayang itoʼy ibinigay sa atin ni Jesu-Cristo na ating Dios at Tagapagligtas, dahil matuwid siya.

2Sumainyo nawa ang higit pang biyaya at kapayapaan dahil sa pagkakakilala ninyo sa ating Dios at Panginoong Jesu-Cristo.

Pinili Tayo ng Dios na Maging mga Anak Niya

3Ang kapangyarihan ng Dios ang nagbigay sa atin ng lahat ng kailangan natin para mamuhay nang may kabanalan. Itoʼy sa pamamagitan ng pagkakakilala natin sa kanya na tumawag sa atin. Tinawag niya tayo sa pamamagitan ng kapangyarihan niya at kabutihan. 4At sa pamamagitan din nito, ipinagkaloob niya sa atin ang mahahalaga at dakila niyang mga pangako. Ginawa niya ito para makabahagi tayo sa kabanalan ng Dios at matakasan ang mapanirang pagnanasa na umiiral sa mundong ito. 5Dahil dito, pagsikapan ninyong maidagdag sa pananampalataya nʼyo ang kabutihang-asal; sa kabutihang-asal, ang kaalaman; 6sa kaalaman, ang pagpipigil sa sarili; sa pagpipigil sa sarili, ang pagtitiis; sa pagtitiis, ang kabanalan; 7sa kabanalan, ang pag-ibig sa mga kapatid kay Cristo; at sa pag-ibig sa mga kapatid kay Cristo, ang pag-ibig sa lahat. 8Sapagkat kung ang mga katangiang ito ay nasa inyo at lumalago, nagiging makabuluhan at kapaki-pakinabang ang pagkakakilala nʼyo sa ating Panginoong Jesu-Cristo. 9Ngunit ang mga nagkukulang sa mga katangiang ito ay mga bulag sa katotohanan. Nakalimutan na nilang nilinis na sila ng Dios sa dati nilang mga kasalanan.

10Kaya nga, minamahal kong mga kapatid kay Cristo, pagsikapan ninyong mapatunayan na mga tinawag nga kayo at pinili ng Dios. Sapagkat kung gagawin nʼyo ang mga bagay na ito, hindi kayo matitisod, 11kundi buong galak kayong tatanggapin sa walang katapusang kaharian ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo.

12Kaya lagi ko kayong pinapaalalahanan tungkol sa mga bagay na ito, kahit alam nʼyo na ang mga ito at matatag na kayo sa katotohanang tinanggap ninyo. 13At sa palagay ko, nararapat lang na paalalahanan ko kayo sa mga bagay na ito habang nabubuhay pa ako, 14dahil alam kong hindi na ako magtatagal sa mundong ito. Ang ating Panginoong Jesu-Cristo mismo ang nagpahayag nito sa akin. 15Kaya gagawin ko ang lahat para makatiyak akong maaalala nʼyo pa rin ang mga itinuro ko kahit wala na ako rito.

Naging Saksi Kami sa Kapangyarihan ni Cristo

16Ang mga ipinangaral namin sa inyo tungkol sa kapangyarihan at pagdating ng ating Panginoong Jesu-Cristo ay hindi kwentong gawa-gawa lang. Nasaksihan namin mismo ang kadakilaan niya. 17Sapagkat nang parangalan at papurihan si Jesu-Cristo ng Dios Ama, narinig namin ang tinig ng Makapangyarihang Dios na nagsasabi, “Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan.” 18Narinig namin mismo ang tinig na nanggaling sa langit noong kasama namin si Jesus doon sa banal na bundok. 19Dahil nga rito, lalong tumibay ang paniniwala namin sa mga ipinahayag ng mga propeta noon. Kaya nararapat lang na bigyan nʼyo ng pansin ang mga sinabi nila, dahil para itong ilaw na tumatanglaw sa madilim na lugar hanggang sa araw ng pagdating ng Panginoon. Tulad siya ng tala sa umaga na nagbibigay-liwanag sa isipan ninyo.
hanggang sa araw … isipan ninyo: sa literal, hanggang sa pagsapit ng bukang-liwayway, at pagsinag ng tala ng umaga sa mga puso ninyo.
20Higit sa lahat, dapat ninyong tandaan na ang lahat ng isinulat ng mga propeta sa Kasulatan ay hindi ayon sa sarili nilang interpretasyon. 21Sapagkat hindi galing sa sarili nilang kalooban ang mga ipinangaral nila kundi sa Banal na Espiritu na nag-udyok sa kanila upang sabihin ang salita ng Dios.

Copyright information for TglASD