2 Kings 22
Ang Paghahari ni Josia sa Juda
(2 Cro. 34:1-2)
1Si Josia ay walong taong gulang nang maging hari ng Juda. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 31 taon. Ang ina niya ay si Jedida na taga-Bozkat at anak ni Adaya. 2Matuwid ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon at sumunod siya sa pamumuhay ng ninuno niyang si David. At lubos siyang sumunod sa mga utos ng Dios.Natagpuan sa Templo ang Aklat ng Kautusan
(2 Cro. 34:8-28)
3Nang ika-18 taon ng paghahari ni Josia, pinapunta niya sa templo ng Panginoon ang kanyang kalihim na si Shafan, na anak ni Azalia at apo ni Meshulam at sinabi, 4“Pumunta ka sa punong pari na si Hilkia at ipaipon mo sa kanya ang perang dinala ng mga tao sa templo ng Panginoon, na kinolekta ng mga paring nagbabantay sa pintuan ng templo. 5Sabihin mo na ibigay niya ito sa mga taong pinagkakatiwalaang mamahala sa pagpapaayos ng templo, para ibayad sa mga manggagawa sa templo ng Panginoon – 6ang mga karpintero at mga kantero. Ang ibang pera ay ibibili nila ng mga kahoy at mga hinating bato na kailangan sa pagpapaayos ng templo. 7Hindi na sila kailangan pang hanapan ng listahan kung paano ginastos ang pera dahil mapagkakatiwalaan sila.”8Sinabi ni Hilkia na punong pari kay Shafan na kalihim, “Nakita ko ang Aklat ng Kautusan sa templo ng Panginoon.” Ibinigay ni Hilkia ang aklat kay Shafan at binasa niya ito. 9Pagkatapos, pumunta si Shafan sa hari at sinabi, “Kinuha na po ng mga opisyal ninyo ang pera sa templo at ibinigay sa mga katiwala na itinalaga sa pagpapaayos ng templo.” 10Sinabi pa niya sa hari, “May ibinigay na aklat sa akin ang paring si Hilkia.” At binasa niya ito sa harapan ng hari.
11Nang marinig ng hari ang nakasulat sa Aklat ng Kautusan, pinunit niya ang kanyang damit bilang pagpapakita ng kalungkutan niya. 12Inutusan niya sina Hilkia na pari, Ahikam na anak ni Shafan, Acbor na anak ni Micaya, Shafan na kalihim at Asaya na personal niyang lingkod. Sinabi niya, 13“Magtanong kayo sa Panginoon para sa akin at para sa mga mamamayan ng Juda tungkol sa nakasulat sa aklat na ito. Galit na galit ang Panginoon sa atin dahil hindi sumunod ang mga ninuno natin sa nakasulat dito. Hindi natin ginagawa ang mga ipinatutupad ng aklat na ito.”
14Kaya pumunta ang paring si Hilkia, Ahikam, Acbor, Shafan at Asaya sa babaeng propeta na si Hulda para makipag-usap. Nakatira si Hulda sa ikalawang distrito ng Jerusalem. Asawa siya ni Shalum na anak ni Tikva at apo ni Harhas. Si Shalum ang namamahala ng mga damit sa templo.
15– 16Sinabi ni Hulda sa kanila, “Sabihin ninyo sa taong nagpadala sa inyo sa akin na ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel: ‘Lilipulin ko ang lugar na ito at ang mga naninirahan dito, ayon sa nasusulat sa aklat na binasa mo. 17Ipapakita ko ang galit ko sa lugar na ito at hindi ito titigil, dahil itinakwil ako ng aking mga mamamayan at sumamba sila ▼
▼sumamba sila: sa Hebreo, nagsunog sila ng insenso, na isang paraan ng pagsamba.
sa ibang mga dios. Ginalit nila ako sa mga ginawa nila.’ ▼▼sa mga ginawa nila: o, sa mga dios-diosang ginawa nila.
18“Sabihin ninyo sa hari ng Juda na nagpadala sa inyo para magtanong sa Panginoon, na hindi siya dapat mabahala sa mensaheng ito, dahil ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel: 19Pinakinggan ko ang panalangin mo dahil nagsisi ka at nagpakumbaba sa harapan ko nang marinig mo ang sinabi ko na susumpain at lilipulin ko ang lugar na ito at ang mga naninirahan dito. Pinunit mo pa ang iyong damit at umiyak sa harapan ko dahil sa pagsisisi. Kaya ako, ang Panginoon, ay nagsasabi na 20habang buhay ka pa, hindi darating ang kapahamakan na ipapadala ko sa lugar na ito. Mamamatay ka nang may kapayapaan.”
At sinabi nila sa hari ang isinagot ni Hulda.
Copyright information for
TglASD