2 Kings 17
Ang Paghahari ni Hoshea sa Israel
1Naging hari ng Israel ang anak ni Elah na si Hoshea nang ika-12 taon ng paghahari ni Ahaz sa Juda. Sa Samaria siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng siyam na taon. 2Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon, pero hindi kasinsama ng ginawa ng mga hari ng Israel na nauna sa kanya.3Nilusob ni Haring Shalmanaser ng Asiria si Hoshea at natalo niya ito, kaya napilitang magbayad ng buwis taun-taon ang Israel sa Asiria. 4Pero nagplano si Hoshea laban sa hari ng Asiria sa pamamagitan ng paghingi ng tulong kay Haring So ng Egipto para makalaya sa kapangyarihan ng Asiria. Hindi na rin siya nagbayad ng buwis katulad ng ginagawa niya taun-taon. Nang malaman ng hari ng Asiria na nagtraydor si Hoshea, ipinadakip niya ito at ipinakulong.
5Pagkatapos, nilusob ng hari ng Asiria ang buong Israel. Sa loob ng tatlong taon, pinaligiran niya ang Samaria. 6Nang ikasiyam na taon ng paghahari ni Hoshea, sinakop ng hari ng Asiria ang Samaria at dinala ang mga taga-Israel sa Asiria bilang mga bihag. Pinatira niya sila sa lungsod ng Hala, sa mga lugar na malapit sa Ilog ng Habor sa Gozan at sa mga bayan ng Media.
7Nangyari ito sa mga taga-Israel dahil nagkasala sila sa Panginoon na kanilang Dios na naglabas sa kanila sa Egipto at nagpalaya mula sa kapangyarihan ng Faraon na hari ng Egipto. Sumamba sila sa mga dios-diosan 8at ginaya nila ang mga kasuklam-suklam na ginagawa ng mga bansang pinalayas ng Panginoon sa pamamagitan nila. Sumunod din sila sa kasuklam-suklam na pamumuhay ng mga hari nila. 9Palihim din silang gumawa ng mga bagay na hindi nakalulugod sa Panginoon na kanilang Dios. Gumawa rin sila ng mga sambahan sa matataas na lugar ▼
▼sambahan sa matataas na lugar: Tingnan sa Talaan ng mga Salita sa likod.
sa lahat ng bayan mula sa pinakamaliit na barangay hanggang sa malalaking napapaderang lungsod. 10Nagpatayo sila ng mga alaalang bato at mga posteng simbolo ng diosang si Ashera sa ibabaw ng bawat matataas na burol at sa ilalim ng bawat malalagong punongkahoy. 11Nagsunog sila ng mga insenso sa bawat sambahan sa matataas na lugar katulad ng ginagawa ng mga bansang pinalayas ng Panginoon sa pamamagitan nila. Gumawa sila ng mga kasuklam-suklam na bagay na nakapagpagalit sa Panginoon. 12Sumamba sila sa mga dios-diosan kahit na sinabi ng Panginoon, “Huwag kayong sasamba sa mga dios-diosan.” 13Paulit-ulit na nagpapadala ang Panginoon ng mga propeta para bigyang babala ang Israel at ang Juda: “Itigil ninyo ang mga kasuklam-suklam ninyong ginagawa. Sundin ninyo ang mga utos ko at tuntunin ayon sa kautusan na iniutos ko sa inyong mga ninuno at ibinigay ko sa inyo sa pamamagitan ng aking mga lingkod na propeta.” 14Pero hindi sila nakinig. Matitigas ang ulo nila katulad ng mga ninuno nilang walang tiwala sa Panginoon na kanilang Dios. 15Itinakwil nila ang tuntunin ng Panginoon, ang kasunduang ginawa niya sa mga ninuno nila, at hindi rin sila nakinig sa mga babala niya. Sinunod nila ang mga walang kwentang dios-diosan at silaʼy naging walang kwenta na rin. Ginawa nila ang mga bagay na ipinagbabawal ng Panginoon na ginagawa ng mga bansang nakapalibot sa kanila. 16Itinakwil nila ang lahat ng utos ng Panginoon na kanilang Dios. Gumawa sila ng larawan ng dalawang guya at posteng simbolo ng diosang si Ashera. Sumamba sila sa lahat ng bagay na nasa langit, at kay Baal. 17Inihandog nila ang mga anak nila sa apoy. Sumangguni sila sa mga manghuhula, gumamit ng pangkukulam at ipinagbili ang sarili nila sa paggawa ng masama sa paningin ng Panginoon, at ito ang nakapagpagalit sa kanya. 18Galit na galit ang Panginoon sa Israel kaya pinalayas niya ang mga ito sa harapan niya. Ang lahi lang ni Juda ang natira sa lupain. 19Pero kahit ang mga taga-Juda ay hindi rin sumunod sa mga utos ng Panginoon na kanilang Dios. Ginawa rin nila kung ano ang mga ginawa ng mga taga-Israel. 20Kaya itinakwil ng Panginoon ang lahat ng mamamayan ng Israel. Ibinigay niya sila sa mga kaaway nila bilang parusa hanggang sa mawala sila sa kanyang presensya.
21Nang ihiwalay ng Panginoon ang Israel sa kaharian ni David, ginawang hari ng mga taga-Israel si Jeroboam na anak ni Nebat. Hinikayat ni Jeroboam ang mga taga-Israel sa pagtalikod sa Panginoon at siya ang nagtulak sa kanila sa paggawa ng napakalaking kasalanan. 22Nagpatuloy sa pagsunod ang mga taga-Israel sa mga kasalanan ni Jeroboam at hindi sila tumalikod dito, 23hanggang sa pinalayas sila ng Panginoon sa kanyang harapan, ayon sa babala niya sa kanila sa pamamagitan ng mga lingkod niyang propeta. Kaya binihag ng Asiria ang lahat ng mamamayan ng Israel at doon sila nakatira hanggang ngayon.
Nanirahan ang mga Taga-Asiria sa Israel
24Nagpadala ang hari ng Asiria ng mga tao mula sa Babilonia, Cuta, Ava, Hamat at Sefarvaim, at pinatira niya sila sa mga bayan ng Samaria para palitan ang mga Israelita. Sinakop ng mga taga-Asiria ang Samaria at ang iba pang mga bayan ng Israel. 25Sa simula pa lang ng pagtira nila roon ay hindi na sila sumamba sa Panginoon, kaya pinadalhan sila ng Panginoon ng mga leon para patayin sila. 26Sinabi ng mga tao sa hari ng Asiria: “Ang mga pinatira mo sa mga bayan ng Samaria ay walang alam sa kautusan ng dios sa lugar na iyon. Kaya nagpadala siya ng mga leon para patayin sila dahil hindi nga nila nalalaman ang kanyang kautusan.”27Kaya, nag-utos ang hari ng Asiria, “Pabalikin sa Samaria ang isa sa mga pari na binihag natin. Hayaan nʼyo siyang magturo sa mga bagong nakatira roon kung ano ang kautusan ng dios sa lugar na iyon.” 28Kaya ang isa sa mga pari na binihag mula sa Samaria ay bumalik at tumira sa Betel, at tinuruan niya ang mga bagong nakatira roon kung paano sambahin ang Panginoon. 29Pero ang ibaʼt ibang grupo ng mga taong ito ay patuloy pa rin sa paggawa ng sarili nilang mga dios-diosan. Sa bawat bayan na tinitirhan nila ay nilalagyan nila ng mga dios-diosan sa mgasambahan sa matataas na lugar na ginawa ng mga taga-Samaria. 30Ginawang dios ng mga taga-Babilonia si Sucot Benot. Sinamba ng mga taga-Cuta ang dios nilang si Nergal. Sinamba naman ng mga taga-Hamat si Ashima. 31Sinamba ng mga taga-Ava ang dios nilang sina Nibhaz at Tartac. Sinunog naman sa apoy ng mga taga-Sefarvaim ang mga anak nila bilang handog sa dios nilang sina Adramelec at Anamelec. 32Sinamba nila ang Panginoon, pero pumili sila ng mga pari na mula sa kanila para mag-alay ng mga handog sa mga sambahan sa matataas na lugar. 33Kahit sinasamba nila ang Panginoon, patuloy pa rin sila sa pagsamba sa kanilang mga dios-diosan ayon sa kaugalian ng mga bansang pinanggalingan nila. 34Hanggang ngayon, ginagawa pa rin nila ito. Wala silang takot sa Panginoon, at hindi sila sumusunod sa mga tuntunin, mga turo at mga kautusan na ibinigay ng Panginoon sa lahi ni Jacob, na pinangalanan niyang Israel. 35Gumawa ang Panginoon ng kasunduan sa mga Israelita, at iniutos sa kanila: “Huwag kayong sumamba sa mga dios-diosan o lumuhod sa kanila o maglingkod, o kayaʼy maghandog sa kanila. 36Sambahin ninyo ako, ang Panginoon na naglabas sa inyo mula sa Egipto sa pamamagitan ng dakila kong kapangyarihan at lakas. Ako lamang ang inyong sasambahin at hahandugan. 37Palagi ninyong sundin ang mga tuntunin, turo at mga kautusan na isinulat ko para sa inyo. Hindi kayo dapat sumamba sa ibang dios. 38Huwag ninyong kalimutan ang kasunduang ginawa ko sa inyo at huwag kayong sasamba sa ibang dios. 39Sa halip, ako lamang ang sambahin ninyo, ang Panginoon na inyong Dios. Ako lang ang magliligtas sa inyo sa lahat ng kaaway ninyo.”
40Pero hindi nakinig ang mga taong iyon at nagpatuloy sila sa dati nilang ginagawa. 41Habang sinasamba ng mga bagong naninirahan ang Panginoon, sumasamba rin sila sa mga dios-diosan nila. Hanggang ngayon ito pa rin ang ginagawa ng mga angkan nila.
Copyright information for
TglASD