‏ 2 Kings 10

Pinatay ang Pamilya ni Ahab

1May 70 anak
anak: o, mga angkan. Ganito rin sa talatang 6 at 7.
si Ahab sa Samaria. Kaya nagpadala ng sulat doon si Jehu sa mga opisyal ng lungsod,
lungsod: Ganito sa tekstong Griego. Sa Hebreo, Jezreel.
sa mga tagapamahala at mga tagapag-alaga ng mga anak ni Ahab. Ito ang sinasabi sa sulat,
2“Ang mga anak ni Haring Ahab ay nasa inyo pati ang mga karwahe, mga kabayo, napapaderang lungsod at mga armas. 3Kaya pagkatanggap ninyo ng sulat na ito, pumili kayo ng nararapat na maging hari sa mga anak ni Haring Ahab at makipaglaban kayo para sa angkan niya.”

4Pero labis silang natakot at sinabi, “Kung hindi natalo ng dalawang hari si Jehu, kami pa kaya?” 5Kaya ang namamahala ng palasyo, gobernador sa lungsod, mga tagapamahala at mga tagapag-alaga ng mga anak ng hari ay sumulat kay Jehu. Ito ang sinasabi sa sulat, “Mga lingkod nʼyo kami at gagawin namin ang lahat ng iuutos ninyo. Hindi kami pipili ng ibang hari; gawin nʼyo kung ano sa tingin nʼyo ang pinakamabuti.”

6Sinagot sila ni Jehu sa pamamagitan ng pangalawang sulat: “Kung kakampi ko kayo at handa kayong sumunod sa akin, pugutan ninyo ng ulo ang mga anak ni Ahab at dalhin ninyo sa akin dito sa Jezreel bukas, sa ganito ring oras.”

Inalagaan ng mga namumuno ng Samaria mula pagkabata ang 70 anak ni Haring Ahab.
7Pagdating ng sulat ni Jehu, pinatay nila ang 70 anak ng hari. Inilagay nila ang mga ulo nito sa mga basket at ipinadala kay Jehu sa Jezreel. 8Nang dumating ang mensahero, sinabi niya kay Jehu, “Ipinadala nila ang ulo ng mga anak ng hari.” Pagkatapos, sinabi ni Jehu, “Itumpok ninyo sa dalawa ang mga ulo sa pintuan ng lungsod at iwanan doon hanggang umaga.”

9Kinaumagahan, lumabas si Jehu, tumayo sa harap ng mga tao at sinabi, “Wala kayong kasalanan. Ako ang nagplano laban sa aking amo at pumatay sa kanya. Pero sino ang pumatay sa kanilang lahat? 10Gusto kong malaman ninyo na matutupad ang lahat ng sinabi ng Panginoon laban sa pamilya ni Ahab. Tinupad ng Panginoon ang sinabi niya sa pamamagitan ng lingkod niyang si Elias.” 11Pagkatapos, pinatay ni Jehu ang lahat ng kamag-anak ni Ahab sa Jezreel, pati ang mga opisyal, kaibigan at mga pari nito. Wala talagang natirang buhay sa kanila. 12Lumakad si Jehu papunta sa Samaria. Habang nasa daan siya, sa lugar na tinatawag na Pinagtitipunan ng mga Pastol ng mga Tupa, 13nakita niya ang mga kamag-anak ni Haring Ahazia ng Juda. Tinanong niya ang mga ito, “Sino kayo?” Sumagot sila, “Mga kamag-anak po kami ni Ahazia at nagpunta kami rito para dumalaw sa pamilya ni Haring Ahab at Reyna Jezebel.” 14Inutusan ni Jehu ang mga tauhan niya, “Hulihin ninyo sila nang buhay!” Kaya hinuli sila nang buhay. Dinala sila at pinatay doon sa balon sa lugar na tinatawag na Pinagtitipunan ng mga Pastol ng mga Tupa – 42 silang lahat. Walang iniwang buhay si Jehu.

15Pag-alis ni Jehu roon, nakita niyang paparating ang anak ni Recab na si Jehonadab para makipagkita sa kanya. Pagkatapos nilang batiin ang isaʼt isa, tinanong siya ni Jehu, “Tapat ka ba sa akin tulad ng pagiging tapat ko sa iyo?” Sumagot si Jehonadab, “Opo.” Sinabi ni Jehu, “Kung ganoon, iabot mo sa akin ang kamay mo.” Iniabot ni Jehonadab ang kamay niya at pinaakyat siya ni Jehu sa kanyang karwahe. 16Sinabi ni Jehu, “Sumama ka sa akin para makita mo ang katapatan ko sa Panginoon.” Kaya sumama si Jehonadab sa kanya. 17Pagdating ni Jehu sa Samaria, pinapatay niya ang lahat ng natira sa pamilya ni Ahab, ayon sa sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ni Elias.

Pinapatay ang mga Naglilingkod kay Baal

18Tinipon ni Jehu ang lahat ng tao at sinabi, “Hindi ganoon katapat si Ahab sa paglilingkod niya kay Baal kung ikukumpara sa gagawin kong paglilingkod. 19Kaya papuntahin ninyo sa akin ang lahat ng propeta, pari ni Baal at ang lahat ng naglilingkod sa kanya. Kailangang nandito silang lahat, dahil mag-aalay ako ng malaking handog para kay Baal. Ipapapatay ko ang hindi pupunta.” Pero nagkukunwari lang si Jehu para mapatay niya ang mga naglilingkod kay Baal.

20Sinabi ni Jehu, “Maghanda ng banal na pagtitipon para sambahin si Baal.” Kaya ipinaalam nila ito sa mga tao. 21Ipinatawag ni Jehu sa buong Israel ang lahat ng naglilingkod kay Baal. Pumunta silang lahat at walang naiwan sa bahay nila. Pumasok silang lahat sa templo ni Baal at napuno ito. 22Sinabi ni Jehu sa nangangasiwa ng espesyal na kasuotan, “Ipasuot mo ito sa bawat isa na sasamba kay Baal.” Kaya binigyan niya ng damit ang mga ito.

23Pagkatapos, pumasok si Jehu at ang anak ni Recab na si Jehonadab sa templo ni Baal. Sinabi ni Jehu sa mga naglilingkod kay Baal, “Tiyakin ninyo na walang sumasamba sa Panginoon na napasama sa inyo. Kayo lang na mga sumasamba kay Baal ang dapat na nandito.” 24Nang nandoon sila sa loob ng templo, nag-alay sila ng mga handog na sinusunog at ng iba pang handog. Mayroong 80 tauhan si Jehu sa labas ng templo. Sinabi niya sa kanila, “Ibinigay ko sila sa inyong mga kamay para patayin. Ang sinuman sa inyo ang magpabaya na makatakas kahit isa sa kanila ay papatayin ko.”

25Matapos ialay ni Jehu ang mga handog na sinusunog, inutusan niya ang mga guwardya at mga opisyal, “Pumasok kayo at patayin ninyo ang mga sumasamba kay Baal! Huwag ninyong hayaang may makatakas sa kanila!” Kaya pinatay nila ang mga ito sa pamamagitan ng espada at itinapon ang mga bangkay nila sa labas. Pagkatapos, pumasok sila sa pinakaloob na bahagi ng templo ni Baal 26at kinuha nila roon ang alaalang bato at dinala sa labas ng templo, at sinunog. 27Dinurog nila ang alaalang bato ni Baal at giniba nila ang templo nito. Ginawa nila itong pampublikong palikuran hanggang ngayon. 28Sa ganitong paraan sinira ni Jehu ang pagsamba ng Israel kay Baal. 29Pero sinunod pa rin niya ang mga kasalanan ni Jeroboam, na anak ni Nebat, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga taga-Israel. Ito ay ang pagsamba sa mga gintong baka sa Betel at Dan.

30Sinabi ng Panginoon kay Jehu, “Mabuti ang ginawa mong pagsunod sa mga utos ko na patayin ang pamilya ni Ahab. Dahil sa ginawa mong ito, magiging hari sa Israel ang angkan mo hanggang sa ikaapat na henerasyon.” 31Pero hindi sumunod si Jehu sa kautusan ng Panginoon, ang Dios ng Israel, nang buong puso. Sa halip, sinunod niya ang kasalanan ni Jeroboam, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga taga-Israel.

32Nang panahong iyon, unti-unting pinaliliit ng Panginoon ang teritoryo ng Israel. Nasakop ni Haring Hazael ang mga lugar ng Israel 33sa silangan ng Ilog ng Jordan: ang buong Gilead, Bashan, at mga lugar sa hilaga ng bayan ng Aroer na malapit sa Lambak ng Arnon. Ang mga lugar na ito ay dating pinamayanan ng mga lahi ni Gad, Reuben at Manase.

34Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Jehu, at ang lahat ng ginawa niya at pagtatagumpay ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel. 35Nang mamatay si Jehu, inilibing siya sa Samaria. At ang anak niyang si Jehoahaz ang pumalit sa kanya bilang hari. 36Naghari si Jehu sa Israel doon sa Samaria sa loob ng 28 taon.

Copyright information for TglASD