2 Corinthians 12
Ang mga Ipinahayag ng Dios kay Pablo
1Napilitan akong magmalaki kahit na alam kong wala akong mapapala dito. Sasabihin ko sa inyo ngayon ang mga ipinahayag at ipinakita sa akin ng Panginoon. 2– 3May 14 na taon na ang nakakaraan nang dalhin ako sa ikatlong langit. (Cristiano na ako noon.) Hindi ko matiyak kung nasa katawan ako noon o nasa espiritu lamang, ang Dios lang ang nakakaalam. 4Ang tanging alam ko ay nakarating ako sa Paraiso, at narinig ko roon ang mga kamangha-manghang bagay na hindi kayang ipaliwanag at hindi dapat sabihin kahit kanino. 5Maipagmamalaki ko ang karanasan kong iyon. Pero kung tungkol sa aking sarili, wala akong maipagmamalaki maliban sa aking mga kahinaan. 6At kung magmamalaki man ako, hindi ako magmimistulang hangal, dahil totoo naman ang aking sasabihin. Pero hindi ko ito gagawin dahil baka sumobra ang palagay ng ilan sa akin kaysa sa nakikita nila sa aking pamumuhay.7Para hindi ako maging mayabang dahil sa mga kamangha-manghang ipinakita ng Dios sa akin, binigyan ako ng isang kapansanan sa katawan. Hinayaan ng Dios na pahirapan ako ni Satanas sa aking kapansanan para hindi ako maging mayabang. 8Tatlong beses akong nakiusap sa Panginoon na alisin ito sa akin. 9Ngunit sinabi ng Panginoon sa akin, “Sapat na sa iyo ang aking biyaya, dahil ang kapangyarihan koʼy nakikita sa iyong kahinaan.” Kaya buong galak kong ipinagmamalaki ang aking mga kahinaan, nang sa ganoon ay lagi kong maranasan ang kapangyarihan ni Cristo. 10Dahil dito, maligaya ako sa aking kahinaan, sa mga panlalait sa akin, sa mga pasakit, pang-uusig at sa mga paghihirap alang-alang kay Cristo. Sapagkat kung kailan ako mahina, saka naman ako pinalalakas ng Dios.
Ang Malasakit ni Pablo sa mga Taga-Corinto
11Para akong hangal sa aking pagmamalaki, pero kayo na rin ang nagtulak sa akin para gawin ito. Dapat sanaʼy pinuri ninyo ako sa mga nagpapanggap na mga apostol, pero hindi ninyo ito ginawa. Kahit na wala akong maipagmamalaki sa aking sarili, hindi naman ako nahuhuli sa mga taong iyan na magagaling daw na mga apostol. 12Pinatunayan ko sa inyo na akoʼy tunay na apostol sa pamamagitan ng mga himala, kababalaghan, at iba pang mga kamangha-manghang gawain. 13Kung ano ang mga ginawa ko riyan sa inyo, ganoon din ang ginawa ko sa ibang mga iglesya, maliban na lamang sa hindi ko paghingi ng tulong sa inyo. Kung sa inyoʼy isa itong pagkakamali, patawarin sana ninyo ako!14Handa na ako ngayong dumalaw sa inyo sa ikatlong pagkakataon. At tulad ng dati, hindi ako hihingi ng tulong sa inyo dahil kayo ang gusto ko at hindi ang inyong ari-arian. Para ko kayong mga anak. Di baʼt ang mga magulang ang nag-iipon para sa kanilang mga anak at hindi ang mga anak para sa mga magulang? 15Ang totoo, ikaliligaya kong gugulin ang lahat at ialay pati ang aking sarili para sa inyo. Ngunit bakit katiting lang ang isinusukli ninyo sa sobra-sobrang pagmamahal ko sa inyo?
16Sumasang-ayon kayo na hindi nga ako naging pabigat sa inyo, pero may nagsasabi pa rin na nilinlang ko kayo at dinaya sa ibang paraan. 17Pero paano? Alam naman ninyong hindi ako nagsamantala sa inyo sa pamamagitan ng mga kapatid na pinapunta ko riyan. 18Noong pinapunta ko sa inyo si Tito, kasama ang isang kapatid, nagsamantala ba siya sa inyo? Hindi! Sapagkat iisang Espiritu ang aming sinusunod, ▼
▼iisang Espiritu ang aming sinusunod: o, pareho ang aming pag-uugali.
at iisa ang aming layunin. 19Baka sa simula pa iniisip na ninyo na wala kaming ginagawa kundi ipagtanggol ang aming sarili. Aba, hindi! Sa presensya ng Dios at bilang mga Cristiano, sinasabi namin sa inyo, mga minamahal, na lahat ng aming ginagawa ay para sa ikatitibay ng inyong pananampalataya. 20Nag-aalala ako na baka pagdating ko riyan ay makita ko kayong iba sa aking inaasahan at makita rin ninyo akong iba sa inyong inaasahan. Baka madatnan ko kayong nag-aaway-away, nag-iinggitan, nagkakagalit, nagmamaramot, nagsisiraan, nagtsitsismisan, nagpapayabangan, at nagkakagulo. 21Nag-aalala ako na baka pagdating ko riyan ay ipahiya ako ng aking Dios sa inyong harapan. At baka maging malungkot ako dahil marami sa inyo ang nagkasala na hanggang ngayon ay hindi pa nagsisisi sa kanilang kalaswaan, sekswal na imoralidad, at kahalayan.
Copyright information for
TglASD