‏ 2 Chronicles 25

Ang Paghahari ni Amazia sa Juda

(2 Hari 14:1-20)

1Si Amazia ay 25 taong gulang nang siya ay naging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 29 na taon. Ang ina niya ay si Jehoadin na taga-Jerusalem. 2Matuwid ang ginawa ni Amazia sa paningin ng Panginoon, pero hindi lubos ang pagsunod niya sa Panginoon. 3Nang matatag na ang paghahari ni Amazia, ipinapatay niya ang mga opisyal na pumatay sa kanyang amang hari. 4Pero hindi niya ipinapatay ang kanilang mga anak, dahil ayon sa nasusulat sa Aklat ng Kautusan ni Moises, sinabi ng Panginoon, “Huwag papatayin ang mga magulang dahil sa kasalanan ng kanilang mga anak, at ang mga anak ay hindi rin dapat patayin dahil sa kasalanan ng kanilang mga magulang. Papatayin lang ang tao dahil sa sarili niyang kasalanan.”

5Tinipon ni Amazia ang kanyang mga sundalo na mula sa Juda at Benjamin. Binukod-bukod niya sila ayon sa kanilang pamilya at nilagyan ng mga kumander na mamamahala ng tig-100 at tig-1,000 sundalo. Pagkatapos, binilang niya ang kanyang mga sundalo na nasa 20 taong gulang pataas, at ang bilang ay 300,000. Silaʼy mahuhusay sa sibat at pananggalang. 6Kumuha rin siya ng 100,000 sundalo mula sa Israel. Nagbayad siya ng 3,500 kilong pilak bilang upa sa mga sundalo.

7Pero may isang lingkod ng Dios na pumunta kay Amazia at nagsabi, “Mahal na Hari, huwag po kayong kumuha ng mga sundalong mula sa Israel, dahil ang bayang iyon ay hindi pinapatnubayan ng Panginoon. Ang mga mamamayan ng Efraim ay hindi na tinutulungan ng Panginoon. 8Kung pasasamahin nʼyo po sila sa labanan, matatalo kayo kahit makipaglaban pa kayo nang mabuti. Ang Dios lang ang makapagpapanalo o makapagpapatalo sa inyo.” 9Sinabi ni Amazia sa lingkod ng Dios, “Pero paano ang ibinayad kong 3,500 kilong pilak?” Sumagot ang lingkod ng Dios, “Higit pa po riyan ang ibibigay ng Panginoon sa inyo.” 10Kaya pinauwi ni Amazia ang mga sundalo na taga-Efraim. Umuwi sila na galit na galit sa Juda.

11Buong tapang na lumusob si Amazia at pinangunahan niya ang kanyang mga sundalo sa pagpunta sa Lambak ng Asin, kung saan nakapatay sila ng 10,000 Edomita.
Edomita: sa Hebreo, angkan ni Seir. Ganito rin sa talatang 14.
12Nakadakip pa sila ng 10,000 sundalo, at dinala nila ito sa isang bangin at doon inihulog, kaya nagkabali-bali ang buto ng mga ito.

13Samantala, ang mga sundalong pinauwi ni Amazia at hindi pinasama sa labanan ay lumusob sa mga bayan ng Judea, mula sa Samaria hanggang sa Bet Horon. Nakapatay sila ng 3,000 tao, at maraming ari-arian ang kanilang sinamsam.

14Pagbalik ni Amazia mula sa pagpatay sa mga Edomita, dinala niya ang mga dios-diosan ng mga Edomita. Ginawa niya itong sariling dios, sinamba, at pinag-alayan ng mga handog. 15Kaya labis ang galit ng Panginoon kay Amazia. Nagpadala siya ng propeta kay Amazia para sabihin, “Bakit dumudulog ka sa mga dios-diosan na hindi nakapagligtas ng kanilang mga mamamayan sa iyong mga kamay?”

16Habang nagsasalita ang propeta, sumagot ang hari, “Bakit mo ako pinapayuhan? Ginawa ba kitang tagapayo? Tumahimik ka, dahil kung hindi, ipapapatay kita!” Kaya tumahimik ang propeta pagkatapos niyang sabihin, “Tiyak na lilipulin ka ng Dios dahil sinamba mo ang mga dios-diosan at hindi ka nakinig sa akin.”

17Matapos makipag-usap ni Haring Amazia sa kanyang mga tagapayo, nagpadala siya ng mensahe sa hari ng Israel na si Jehoash na anak ni Jehoahaz at apo ni Jehu. Hinamon niya si Jehoash na maglaban sila. 18Pero sinagot siya ni Haring Jehoash sa pamamagitan ng kwentong ito: “Doon sa Lebanon ay may halamang may tinik na nagpadala ng mensahe sa puno ng sedro: ‘Ipakasal mo ang iyong anak na babae sa aking anak na lalaki.’ Pero may dumaang hayop mula sa gubat at tinapak-tapakan ang halamang may tinik. 19Amazia, totoong natalo mo ang Edom, at ipinagyabang mo ito. Pero mabuti pang huwag ka na lang makipaglaban sa amin, manatili ka na lang sa iyong lugar. Bakit gustong-gusto mo ng gulo na magdadala lang ng kapahamakan sa iyo at sa Juda?”

20Pero hindi nakinig si Amazia, dahil kumikilos ang Dios para wasakin siya ni Jehoash dahil sa kanyang pagsamba sa mga dios ng Edom. 21Kaya nilusob siya ni Haring Jehoash at ng mga sundalo nito. Naglaban sila sa Bet Shemesh na sakop ng Juda. 22Natalo ng Israel ang Juda, at ang bawat sundalo ng Juda ay tumakas pauwi sa kanilang bahay. 23Nadakip ni Haring Jehoash si Haring Amazia roon sa Bet Shemesh, at dinala niya siya sa Jerusalem. Pagkatapos, giniba ni Jehoash ang mga pader ng Jerusalem mula sa Pintuan ng Efraim hanggang sa Sulok na Pintuan, na mga 600 talampakan ang haba. 24Kinuha niya ang lahat ng ginto, pilak at kagamitan na nakita niya sa templo ng Dios na iniingatan noon ni Obed Edom. Kinuha rin niya ang mga kayamanan sa palasyo. Dinala niya ito at ang mga bihag pagbalik sa Samaria.

25Nabuhay pa si Haring Amazia ng Juda ng 15 taon matapos mamatay si Haring Jehoash ng Israel. 26Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Amazia, mula sa simula hanggang sa katapusan ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Juda at Israel.

27Matapos tumalikod ni Amazia sa Panginoon, may mga taga-Jerusalem na nagplanong patayin siya. Kaya tumakas siya papunta sa bayan ng Lakish pero nagpadala sila ng tao para sundan siya roon at patayin. 28Ikinarga sa kabayo ang bangkay niya pabalik sa Jerusalem at inilibing sa libingan ng mga ninuno niya sa Lungsod ni David.
Lungsod ni David: sa ibang mga tekstong Hebreo, Lungsod ng Juda.


Copyright information for TglASD