2 Chronicles 24
Ipinaayos ni Joash ang Templo
(2 Hari 12:1-16)
1Si Joash ay pitong taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 40 taon. Ang ina niya ay si Zibia na taga-Beersheba. 2Matuwid ang ginawa ni Joash sa paningin ng Panginoon sa buong buhay ng paring si Jehoyada. 3Pumili si Jehoyada ng dalawang asawa para sa kanya, at nagkaroon siya ng mga anak na lalaki at babae.4Pagkalipas ng ilang panahon, nagpasya si Joash na ipaayos ang templo. 5Ipinatawag niya ang mga pari at mga Levita, at sinabi, “Pumunta kayo sa mga bayan ng Juda at kolektahin nʼyo ang mga buwis ng Israelita bawat taon, para maipaayos natin ang templo ng ating Dios.” Pero hindi agad sumunod ang mga Levita.
6Kaya ipinatawag ni Haring Joash si Jehoyada, ang punong pari, at tinanong, “Bakit hindi mo kinolekta sa mga Levita ang buwis ng mga mamamayan ng Juda at ng Jerusalem? Hindi ba nag-utos si Moises sa mamamayan ng Israel na ibigay nila ito para sa Tolda ng Kahon ng Kasunduan?”
7Ang mga anak ng masamang babaeng si Atalia ay pumasok noon sa templo ng Dios at nanguha ng mga banal na kagamitan para gamitin sa pagsamba kay Baal. 8Kaya nag-utos si Haring Joash na gumawa ng kahon na paglalagyan ng pera, at ilagay ito sa labas ng pintuan ng templo. 9Pagkatapos, naglabas siya ng pabalita sa Juda at sa Jerusalem, na kailangang dalhin ng mga tao sa Panginoon ang kanilang buwis ayon sa iniutos ni Moises sa mamamayan ng Israel sa disyerto. 10Masayang nagbigay ang lahat ng opisyal at tao. Inihulog nila ang kanilang pera sa kahon hanggang mapuno ito.
11Kapag puno na ang kahon, dinadala ito ng mga Levita sa mga opisyal ng hari. Pagkatapos, binibilang ito ng kalihim ng hari at ang opisyal ng punong pari, at ibinabalik nila ang kahon sa pintuan ng templo. Ginagawa nila ito araw-araw hanggang sa dumami ang koleksyon. 12Pagkatapos, ibinigay nina Haring Joash at Jehoyada ang pera sa mga tao na namamahala sa pag-aayos ng templo ng Panginoon. At kumuha sila ng mga karpintero at manggagawang mahusay sa bakal at tanso. 13Napakasipag ng mga itinalaga sa mga trabaho, kaya naging mabilis ang paggawa. Naayos nila ang templo ng Dios ayon sa orihinal na disenyo at mas pinatatag pa ito. 14Nang matapos ang trabaho, isinauli nila sa hari at kay Jehoyada ang sobrang pera at ginamit ito sa paggawa ng mga kagamitan sa templo ng Panginoon – ang mga ginagamit sa pagsamba, sa pag-aalay ng mga handog na sinusunog, pati na ang mga mangkok at mga sisidlan na ginto at pilak. At habang nabubuhay si Jehoyada, nagpatuloy ang pag-aalay ng mga handog na sinusunog sa templo ng Panginoon.
15Nabuhay si Jehoyada nang mahabang taon, at namatay siya sa edad na 130. 16Inilibing siya sa libingan ng mga hari sa Lungsod ni David, dahil sa mabubuting ginawa niya sa Israel para sa Dios at sa kanyang templo.
17Pero pagkatapos mamatay ni Jehoyada, pumunta ang mga opisyal ng Juda kay Haring Joash at hinimok siyang makinig sa kanila. 18Nagpasya sila na pabayaan na lang ang templo ng Panginoon, ang Dios ng kanilang mga ninuno, at sumamba sa posteng simbolo ng diosang si Ashera at sa iba pang mga dios-diosan. Dahil sa ginawa nila, nagalit ang Dios sa Juda at sa Jerusalem. 19Nagpadala ang Panginoon ng mga propeta sa mga tao para pabalikin sila sa kanya, pero hindi sila nakinig.
20Si Zacarias na anak ni Jehoyada na pari ay pinuspos ng Espiritu ng Dios. Tumayo siya sa harapan ng mga tao at nagsabi, “Ito ang sinabi ng Dios: Bakit hindi nʼyo sinusunod ang mga utos ng Panginoon? Hindi kayo uunlad kailanman. Dahil itinakwil nʼyo ang Panginoon, itatakwil din niya kayo.”
21Nagplano ang mga opisyal na patayin si Zacarias. At sa utos ng hari, binato nila si Zacarias sa loob ng bakuran ng templo ng Panginoon, at namatay ito. 22Kinalimutan ni Haring Joash ang kabutihang ipinakita sa kanya ni Jehoyada, na ama ni Zacarias. Sa halip, pinatay niya si Zacarias. Ito ang sinabi ni Zacarias nang naghihingalo na siya, “Sanaʼy pansinin ng Panginoon ang inyong ginawa, at singilin niya kayo.”
23Nang simula ng bagong taon, nilusob ng mga sundalo ng Aram ang Juda. Natalo nila ang Juda at ang Jerusalem, at pinatay nila ang mga pinuno ng Juda. At dinala nila sa kanilang hari sa Damascus ang lahat ng kanilang nasamsam. 24Kakaunti lang ang mga sundalo ng Aram na lumusob kung ihahambing sa mga sundalo ng Juda. Pero ipinatalo sa kanila ng Panginoon ang Juda, dahil itinakwil nila ang Panginoon, ang Dios ng kanilang mga ninuno. Kaya dumating ang parusang ito kay Joash.
25Pag-alis ng mga taga-Aram, malubha ang mga sugat ni Joash. Pero nagplano ang kanyang mga opisyal na patayin siya dahil sa pagpatay niya sa anak ni Jehoyada na pari. Kaya pinatay nila siya sa kanyang higaan. Inilibing siya sa Lungsod ni David, pero hindi sa libingan ng mga hari.
26Ang mga pumatay sa kanya ay sina Zabad na anak ng isang babaeng Ammonita na si Shimeat, at si Jehozabad na anak ng isang babaeng Moabita na si Shimrit. 27Ang salaysay tungkol sa mga anak ni Joash, sa mga propesiya tungkol sa kanya, at sa pagpapaayos ng templo ng Dios ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga Hari. At ang anak niyang si Amazia ang pumalit sa kanya bilang hari.
Copyright information for
TglASD