‏ 2 Chronicles 21

1Nang mamatay si Jehoshafat, inilibing siya sa libingan ng mga ninuno niya sa Lungsod ni David. At ang anak niyang si Jehoram ang pumalit sa kanya bilang hari. 2Ang mga kapatid ni Jehoram ay sina Azaria, Jehiel, Zacarias, Azariahu, Micael, at Shefatia. Silang lahat ang anak ni Haring Jehoshafat ng Juda.
Juda: sa Hebreo, Israel.
3Binigyan sila ni Jehoshafat ng maraming regalo na pilak at ginto, mahahalagang bagay at mga napapaderang lungsod sa Juda. Pero si Jehoram ang kanyang ipinalit bilang hari dahil siya ang panganay.

Ang Paghahari ni Jehoram sa Juda

(2 Hari 8:16-24)

4Nang matatag na ang paghahari ni Jehoram sa kaharian ng kanyang ama, ipinapatay niya ang lahat ng kanyang kapatid, pati ang ibang mga opisyal ng Juda.
Juda: sa Hebreo, Israel.
5Si Jehoram ay 32 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng walong taon. 6Sumunod siya sa pamumuhay ng mga hari ng Israel, gaya ng ginawa ng sambahayan ni Ahab, dahil ang kanyang napangasawa ay anak ni Ahab. Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon. 7Pero dahil sa kasunduan ng Panginoon kay David, hindi niya nilipol ang angkan ni David. Nangako siya kay David na hindi mawawalan si David ng angkan na maghahari magpakailanman.
Nangako … magpakailanman: sa literal, Nangako ang Panginoon na bibigyan niya si David at ang kanyang angkan ng ilaw magpakailanman.


8Nang panahon ng paghahari ni Jehoram, nagrebelde ang Edom sa Juda, at pumili sila ng sarili nilang hari. 9Kaya pumunta si Jehoram at ang kanyang mga opisyal sa Edom dala ang lahat niyang karwahe. Pinalibutan siya at ang kumander ng kanyang mga mangangarwahe ng mga taga-Edom, pero kinagabihan sinalakay nila ang mga Edomita, at nakatakas sila. 10Hanggang ngayon, nagrerebelde pa rin ang Edom sa Juda.

Sa panahon ding iyon, nagrebelde rin ang Libna sa Juda, dahil itinakwil ni Jehoram ang Panginoon, ang Dios ng kanyang mga ninuno.
11Nagpatayo siya ng mga sambahan sa mga bulubundukin ng Juda na siyang dahilan ng pagsamba ng mga taga-Jerusalem at taga-Juda sa mga dios-diosan.

12Pinadalhan ni Propeta Elias si Jehoram ng sulat na nagsasabi:

“Ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng iyong ninunong si David: Hindi mo sinunod ang pamumuhay ng iyong amang si Jehoshafat o ng iyong lolo na si Asa na naging hari rin ng Juda.
13Sa halip, sinunod mo ang pamumuhay ng mga hari ng Israel. Hinikayat mo ang mga taga-Juda at mga taga-Jerusalem sa pagsamba sa mga dios-diosan gaya ng ginawa ni Ahab. Pinatay mo rin ang iyong sariling mga kapatid na mas mahusay pa sa iyo. 14Kaya ngayon parurusahan ka ng Panginoon, ikaw at ang iyong mamamayan, mga anak, mga asawa at ang lahat ng iyong ari-arian. Matinding parusa ang ipapadala niya sa inyo. 15Ikaw mismo ay magtitiis ng malubhang karamdaman sa tiyan, hanggang sa lumabas ang iyong bituka.”

16Pagkatapos, pinalusob ng Panginoon laban kay Jehoram ang mga Filisteo at ang mga Arabo, na nakatira malapit sa Etiopia. 17Nilusob nila ang Juda at sinakop, at sinamsam ang mga ari-arian sa palasyo ng hari, pati ang kanyang mga asawaʼt anak. Ang bunso lang niyang anak na si Ahazia
Ahazia: o, Jehoahaz.
ang hindi nadala.

18Pagkatapos noon, pinahirapan ng Panginoon si Jehoram ng karamdaman sa tiyan na walang kagalingan.

19At pagkalipas ng dalawang taon, lumabas ang kanyang bituka dahil sa karamdaman, at namatay siya sa sobrang sakit. Hindi nagsindi ng apoy ang kanyang mamamayan sa pagpaparangal sa kanya, tulad ng kanilang ginawa sa kanyang mga ninuno. 20Si Jehoram ay 32 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng walong taon. Nang mamatay siya, walang nagluksa sa kanya. Inilibing siya sa Lungsod ni David, pero hindi sa libingan ng mga hari.

Copyright information for TglASD