1 Timothy 6
1Sa mga alipin na mananampalataya, dapat igalang nila nang lubos ang mga amo nila para walang masabi ang mga tao laban sa Dios at sa itinuturo natin. 2At kung mga mananampalataya rin ang amo nila, hindi sila dapat mawalan ng paggalang dahil lang sa magkakapatid sila sa pananampalataya. Sa halip, lalo pa nga nilang dapat pagbutihin ang paglilingkod nila dahil kapwa mananampalataya ang nakikinabang sa paglilingkod nila, at mahal din ng Dios.Mga Maling Aral at ang Pag-ibig sa Salapi
Ituro mo ang mga bagay na ito at hikayatin silang sundin ito. 3Kung may nagtuturo man nang salungat dito at hindi naaayon sa tamang turo ng ating Panginoong Jesu-Cristo, at mga turo tungkol sa pagsunod sa Dios, 4ang taong itoʼy mayabang pero wala namang nalalaman. Gusto lang niyang makipagtalo na nauuwi lang naman sa inggitan, alitan, paninira, pambibintang, 5at walang tigil na awayan. Ito ang ugali ng taong baluktot ang pag-iisip at hindi na nakakaalam ng katotohanan. Inaakala nilang ang kabanalan ay paraan ng pagpapayaman. 6Kung sabagay, daig pa ng taong namumuhay nang banal at kontento na sa kalagayan ang mayaman. 7Ang totoo, wala tayong dinala sa mundong ito, at wala rin tayong madadala pag-alis dito. 8Kaya kung mayroon na tayong pagkain at pananamit, dapat na tayong makontento. 9Ang mga taong naghahangad yumaman ay nahuhulog sa tukso, sa isang bitag ng mapanira at walang kabuluhang mga hangarin na nagdadala sa kanila sa kapahamakan. 10Sapagkat ang pag-ibig sa salapi ang siyang ugat ng lahat ng kasamaan. Ang sobrang paghahangad ng salapi ang nagtulak sa iba na tumalikod sa pananampalataya at nagdulot ng maraming paghihinagpis sa buhay nila.11Ngunit ikaw, bilang lingkod ng Dios, iwasan mo ang mga bagay na iyan. Sikapin mong mamuhay nang matuwid, banal, may matibay na pananampalataya, mapagmahal, mapagtiis at mabait sa kapwa. 12Ipaglaban mong mabuti ang pananampalataya. Panghawakan mong mabuti ang buhay na walang hanggan, dahil tinawag ka ng Dios para sa buhay na ito nang ipahayag mo ang pananampalataya mo sa harap ng maraming saksi. 13Sa presensya ng Dios na nagbibigay-buhay sa lahat, at sa presensya ni Cristo Jesus na nagpatotoo sa harap ni Poncio Pilato, inuutusan kitang 14sundin mong mabuti ang mga iniutos sa iyo para walang masabi laban sa iyo. Gawin mo ito hanggang sa pagdating ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 15Sa takdang panahon, ihahayag siya ng dakila at makapangyarihang Dios, ang Hari ng mga hari, at Panginoon ng mga panginoon. 16Siya lang ang walang kamatayan, at nananahan sa di-malapit-lapitang liwanag. Hindi siya nakita o maaaring makita ninuman. Sa kanya ang karangalan at walang hanggang kapangyarihan. Amen.
17Sabihin mo sa mga mayayaman sa mundong ito na huwag silang maging mayabang o umasa sa kayamanan nilang madaling mawala. Sa halip, umasa sila sa Dios na nagkakaloob sa atin ng lahat ng bagay na ikasisiya natin. 18Turuan mo silang gumawa ng mabuti, maging mayaman sa mabubuting gawa, at mapagbigay at matulungin sa kapwa. 19Sa ganoon, makapag-iipon sila ng kayamanan sa langit na hindi mawawala, at matatamo nila ang tunay na buhay.
20Timoteo, ingatan mo ang mga aral na ipinagkatiwala sa iyo. Iwasan mo ang mga walang kabuluhang usap-usapan na ipinapalagay ng iba na karunungan, pero sumasalungat sa itinuturo natin. 21Dahil sa ganyang pagmamarunong ng ilan, naligaw tuloy sila sa pananampalataya.
Pagpalain ka nawa ng Dios.
Copyright information for
TglASD