1 Thessalonians 3
1Nang hindi na kami makatiis dahil sa pananabik namin sa inyo, nagpasya kaming magpaiwan na lang sa Athens 2at isugo sa inyo si Timoteo. Kapatid natin siya at kasama naming naglilingkod sa Dios sa pangangaral ng Magandang Balita tungkol kay Cristo. Pinapunta namin siya para patibayin at palakasin ang pananampalataya ninyo, 3para walang panghinaan ng loob sa inyo dahil sa mga nararanasan ninyong pag-uusig Alam naman ninyong kailangan nating pagdaanan ang mga pag-uusig. 4Noong nariyan pa kami sa inyo, lagi namin kayong pinapaalalahanan na makakaranas tayo ng mga pag-uusig. At gaya ng alam nʼyo, ito na nga ang nangyari. 5Kaya nang hindi na ako makatiis, pinapunta ko riyan si Timoteo para makabalita tungkol sa kalagayan ng pananampalataya nʼyo sa Panginoon; dahil nag-aalala ako na baka nanaig na sa inyo si Satanas at nasayang lang ang pagod namin sa pangangaral sa inyo.6Ngayon, nakabalik na sa amin si Timoteo galing sa inyo. Dala niya ang magandang balita tungkol sa pananampalataya at pag-ibig nʼyo, ang magagandang alaala ninyo tungkol sa amin, at ang pananabik ninyong makita kami gaya ng pananabik namin sa inyo. 7Dahil dito, mga kapatid, sumigla kami sa kabila ng mga paghihirap at problema namin. 8Nabuhayan kami ng loob dahil nananatili kayong matatag sa Panginoon. 9Paano namin mapapasalamatan ang Dios sa lahat ng kagalakang dulot ninyo sa amin dahil sa inyong pananampalataya? 10Araw-gabi, taimtim naming ipinapanalangin na makasama ulit kayo para maturuan kayo at mapunan namin ang anumang kakulangan sa inyong pananampalataya.
11Bigyan nawa kami ng Dios na ating Ama at ng Panginoong Jesus ng paraan para makapunta riyan sa inyo. 12Palaguin nawa at pag-alabin din ng Panginoon ang pag-ibig nʼyo sa bawat isa at sa lahat ng tao, gaya ng pag-ibig namin sa inyo. 13At dahil dito, magiging malakas ang loob nʼyo, at magiging banal at walang kapintasan ang inyong buhay sa harapan ng ating Dios Ama sa araw ng pagbabalik ng ating Panginoong Jesus, kasama ang mga pinili niya.
Copyright information for
TglASD