1 Samuel 9
Pinili ni Samuel si Saul para Maging Hari
1May isang taong mayaman at kilala mula sa lahi ni Benjamin. Ang pangalan niya ay Kish, at anak siya ni Abiel. Si Abiel ay anak ni Zeror, si Zeror ay anak ni Becorat, at si Becorat ay anak ni Afia na mula sa lahi ni Benjamin. 2Si Kish ay may anak na ang pangalan ay Saul. Bata pa si Saul at siya ang pinakagwapo at pinakamatangkad na lalaki sa Israel.3 Isang araw, nawala ang mga asno ni Kish, kaya sinabi niya sa anak niyang si Saul, “Magsama ka ng isang utusan at hanapin ninyo ang mga asno.” 4Kaya lumakad si Saul at ang utusan. Nakarating sila sa mga burol ng Efraim hanggang sa lugar ng Shalisha, pero wala silang nakitang mga asno. Kaya tumuloy sila sa lugar ng Shaalim hanggang sa mga lugar ng Benjamin pero hindi rin nila nakita ang mga asno doon. 5Nang makarating sila sa lugar ng Zuf, sinabi ni Saul sa kanyang utusan, “Umuwi na tayo. Baka lalong mag-alala sa atin ang aking ama kaysa sa mga asno.” 6Pero sumagot ang utusan, “Sandali lang po, may isang lingkod ng Dios na malapit lang dito. Iginagalang siya ng mga tao at nagkakatotoo ang lahat ng kanyang sinasabi. Pumunta po tayo sa kanya at baka sakaling masabi niya sa atin kung saan makikita ang mga asno.” 7Sinabi ni Saul sa utusan, “Kung pupunta tayo, ano ang ibibigay natin sa kanya? Wala na tayong natirang pagkain. Wala tayong maibibigay.” 8Sumagot ang utusan, “Mayroon pa po akong isang pirasong pilak. Ibibigay ko po ito sa lingkod ng Dios para sabihin niya sa atin kung saan natin makikita ang mga asno.” 9– 10“Mabuti,” ang sabi ni Saul. “Halika na, pumunta na tayo sa manghuhula.” (Noon sa Israel, kung may taong gustong makatanggap ng mensahe galing sa Dios sinasabi niya, “Halika, pumunta tayo sa manghuhula,” dahil ang mga tinatawag na propeta ngayon ay tinatawag na manghuhula noon.)
Pumunta si Saul at ang utusan sa bayan kung saan naroon ang propeta ng Dios. 11Habang tinatahak nila ang daang paakyat sa burol ng bayan, nakasalubong nila ang mga dalagang palabas para umigib. Nagtanong sila sa mga dalaga, “Nandito ba ngayon ang manghuhula?” 12Sumagot sila, “Oo, nandiyan siya. Nauna lang nang kaunti sa inyo. Kararating lang niya sa bayan namin para pangunahan ang mga tao sa paghahandog doon sa sambahan sa mataas na lugar. Dalian ninyo! 13Habulin ninyo siya bago siya umakyat sa sambahan sa mataas na lugar para roon kumain. Hindi kakain ang mga taong inimbita kung hindi pa siya dumarating, dahil kailangang basbasan muna niya ang mga handog. Kaya umakyat na kayo dahil maaabutan ninyo siya habang may araw pa.”
14Kaya umakyat sila sa bayan, at habang papasok sila, nakita nila si Samuel na dumarating na kasalubong nila papunta sa sambahan sa mataas na lugar.
15Isang araw bago dumating si Saul, sinabi na ng Panginoon kay Samuel, 16“Bukas sa ganito ring oras, papupuntahin ko sa iyo ang isang tao na galing sa lugar ng Benjamin. Pahiran mo ng langis ang kanyang ulo bilang tanda na siya ang pinili kong magiging pinuno ng mga mamamayan kong Israelita. Ililigtas niya ang aking mga mamamayan sa kamay ng mga Filisteo dahil nakita ko ang paghihirap nila at narinig ko ang paghingi nila ng tulong.”
17Nang makita ni Samuel si Saul, nagsalita ang Panginoon kay Samuel, “Siya ang taong sinasabi ko sa iyo. Pamumunuan niya ang aking bayan.”
18Lumapit si Saul kay Samuel sa may daang papasok ng bayan at nagtanong, “Saan ba rito ang bahay ng manghuhula?” 19Sumagot si Samuel, “Ako ang manghuhula. Mauna kayo sa akin sa pagpunta sa sambahan sa mataas na lugar dahil sa araw na ito, kakain kayong kasama ko. Bukas ng umaga, sasabihin ko sa iyo ang gusto mong malaman at pagkatapos ay lumakad na kayo. 20Tungkol sa mga asnong tatlong araw nang nawawala, huwag ka nang mag-alala pa dahil nakita na sila. At ngayon, sinasabi ko sa iyo na ikaw at ang sambahayan ng iyong ama ang inaasahan ng mga Israelita.” 21Sumagot si Saul, “Pero galing lang po ako sa lahi ni Benjamin, ang pinakamaliit na lahi ng Israel, at ang sambahayan namin ang pinakamababa sa aming lahi. Bakit po ninyo sinasabi sa akin iyan?”
22 Nang makarating na sila sa sambahan sa mataas na lugar, dinala ni Samuel si Saul at ang kanyang utusan sa malaking kwarto kung saan nakaupo ang 30 tao na inimbita. Pagkatapos, pinaupo niya si Saul at ang kanyang utusan sa upuang para sa pangunahing bisita. 23Sinabi ni Samuel sa tagapagluto, “Dalhin mo rito ang karneng ipinatabi ko sa iyo.” 24Kaya kinuha ng tagapagluto ang hita at inilagay sa harapan ni Saul. Sinabi ni Samuel kay Saul, “Kainin mo, itinabi ko talaga iyan bago ko inimbitahan ang mga taong ito para sa ganitong mahalagang okasyon.” Kaya kumain si Saul kasama si Samuel nang araw na iyon.
25Pagbalik nila sa bayan galing sa sambahan sa mataas na lugar, ipinaghanda siya ni Samuel ng matutulugan doon sa patag na bubong ng kanyang bahay, 26at doon natulog si Saul. Kinaumagahan, tinawag ni Samuel si Saul kung saan siya natulog, “Bangon na! Maghanda ka na, dahil pauuwiin na kita.” Nang makapaghanda na si Saul, sabay silang lumabas ng bahay ni Samuel. 27Nang palabas na sila ng bayan, sinabi ni Samuel kay Saul, “Paunahin mo ang utusan mo, may sasabihin lang ako sa iyo mula sa Dios.” Kaya nauna ang utusan.
Copyright information for
TglASD