1 Samuel 7
1Kaya kinuha ng mga taga-Kiriat Jearim ang Kahon ng Panginoon at dinala sa bahay ni Abinadab na nasa burol. Pinili nila si Eleazar na anak ni Abinadab na magbantay dito.Ang Pamumuno ni Samuel sa Israel
2Nanatili sa Kiriat Jearim ang Kahon ng Panginoon sa mahabang panahon – mga 20 taon. Sa panahong iyon, nagdalamhati at humingi ng tulong sa Panginoon ang buong mamamayan ng Israel. 3Sinabi ni Samuel sa kanila, “Kung taos sa puso ninyo ang pagbabalik-loob sa Panginoon, itapon ninyo ang inyong mga dios-diosan pati na ang imahen ni Ashtoret. Ilaan ninyo ang inyong buhay sa Panginoon lamang at siya lang ang inyong paglingkuran. Kung gagawin ninyo ang mga ito, ililigtas niya kayo sa kamay ng mga Filisteo.” 4Kaya itinapon nila ang mga imahen ni na Baal at Ashtoret, at sa Panginoon lamang sila naglingkod.5Pagkatapos, sinabi ni Samuel sa mga Israelita, “Magtipon kayong lahat sa Mizpa at ipapanalangin ko kayo sa Panginoon.” 6Nang magkatipon na silang lahat sa Mizpa, kumuha sila ng tubig at ibinuhos sa harap ng presensya ng Panginoon. Nang araw na iyon, hindi sila kumain buong araw at nagsisi sa mga kasalanang ginawa nila sa Panginoon. Pinamunuan ni Samuel ang Israel doon sa Mizpa.
7Nang mabalitaan ng mga Filisteo na nagtitipon ang mga Israelita sa Mizpa, naghanda ang mga pinuno ng mga Filisteo para salakayin sila. Nang mabalitaan ito ng mga Israelita, natakot sila sa mga Filisteo. 8Sinabi nila kay Samuel, “Huwag po kayong tumigil sa pananalangin sa Panginoon na ating Dios na iligtas niya tayo sa mga Filisteo.” 9Kaya kumuha si Samuel ng isang batang tupa at sinunog ito nang buo bilang handog na sinusunog para sa Panginoon. Humingi siya ng tulong sa Panginoon para sa Israel at sinagot siya ng Panginoon.
10Habang iniaalay ni Samuel ang handog na sinusunog, dumating ang mga Filisteo para makipaglaban sa mga Israelita. Pero sa araw na iyon, nagpakulog nang malakas ang Panginoon kaya natakot at nalito ang mga Filisteo, at nagsitakas sila sa mga Israelita. 11Hinabol sila at pinatay ng mga Israelita sa daan mula sa Mizpa hanggang sa Bet Car.
12Pagkatapos, kumuha si Samuel ng isang bato at inilagay sa gitna ng Mizpa at Shen. Pinangalanan niya itong Ebenezer dahil sinabi niya, “Hanggang ngayon, tinutulungan kami ng Panginoon.” 13Kaya natalo nila ang mga Filisteo, at hindi na nila muli pang sinalakay ang mga Israelita habang nabubuhay pa si Samuel dahil ang Panginoon ay laban sa mga Filisteo. 14Naibalik sa Israel ang mga lupain malapit sa Ekron at Gat, na sinakop ng mga Filisteo. Natigil na rin ang digmaan sa pagitan ng mga Israelita at mga Amoreo.
15Nagpatuloy si Samuel sa pamumuno sa Israel sa buong buhay niya. 16Taun-taon, lumilibot siya mula Betel papuntang Gilgal at Mizpa para gampanan ang tungkulin niya bilang pinuno ng mga lugar na ito. 17Pero bumabalik din siya sa Rama kung saan siya nakatira at namumuno rin sa mga tao roon. At gumawa siya roon ng altar para sa Panginoon.
Copyright information for
TglASD