‏ 1 Samuel 29

Bumalik si David sa Ziklag

1Tinipon ng mga Filisteo ang lahat ng sundalo nila sa Afek, at ang mga Israelita naman ay nagkampo sa may bukal ng Jezreel. 2Habang nagmamartsa papunta sa labanan ang mga pinuno ng mga Filisteo kasama ang mga sundalo nilang nakagrupo ng 100 at 1,000, nakasunod naman kina Haring Akish sina David at ang kanyang mga tauhan. 3Pero nagtanong ang mga pinuno ng mga Filisteo kay Akish, “Ano ang ginagawa ng mga Hebreong iyan dito?” Sumagot si Akish, “Ang taong iyan ay si David na opisyal ni Saul, na hari ng Israel. Mahigit isang taon ko na siyang kasama, at magmula noong tumakas siya kay Saul hanggang ngayon, wala akong nakitang masama na ginawa niya.” 4Pero nagalit sa kanya ang mga pinuno ng mga Filisteo. Sinabi nila, “Pabalikin mo sila sa bayang ibinigay mo sa kanila. Hindi siya dapat sumama sa atin sa pakikipaglaban. Baka kapag nakikipaglaban na tayo, tayo ang patayin niya para mawala ang galit ng kanyang amo sa kanya. 5Hindi baʼt siya ang pinarangalan ng mga babae sa Israel habang sumasayaw sila at umaawit ng,

‘Libu-libo ang napatay ni Saul,
tig-sasampung libo naman ang kay David.’ ”
6Kaya tinawag ni Akish si David at sinabihan, “Nagsasabi ako ng totoo sa presensya ng Panginoon na buhay na mapagkakatiwalaan ka. Kung sa akin lang, gusto kong sumama ka sa pakikipaglaban ko dahil mula pa noong araw na sumama ka sa akin hanggang ngayon, wala akong nakitang masama sa iyo. Pero walang tiwala sa iyo ang ibang pinuno. 7Kaya umuwi ka na lang at huwag kang gagawa ng kahit anong hindi nila magugustuhan. Umuwi ka nang matiwasay.” 8Tinanong siya ni David, “Ano po ba ang kasalanang nagawa ko mula nang sumama ako sa inyo hanggang ngayon, Mahal na Hari? Bakit hindi ako pwedeng sumamang makipaglaban sa mga kaaway ninyo?” 9Sumagot si Akish, “Alam ko na mabuti kang tao tulad ng isang anghel ng Dios. Pero ayaw kang isama ng aking mga kumander sa labanan. 10Maaga kang bumangon bukas, at umuwi ka kasama ang mga tauhan mo bago pa sumikat ang araw.”

11Kaya maagang bumangon sina David at ang kanyang mga tauhan para bumalik sa lupain ng mga Filisteo, at pumunta naman ang hukbo ng mga Filisteo sa Jezreel.

Copyright information for TglASD