1 Samuel 1
Ang Kapanganakan ni Samuel
1May isang lalaking mula sa angkan ni Zuf na ang pangalan ay Elkana. Nakatira siya sa Rama, sa maburol na lupain ng Efraim. Anak siya ni Jeroham na anak ni Elihu. Si Elihu ay anak naman ni Tohu na anak ni Zuf, na mula sa lahi ni Efraim. 2Si Elkana ay may dalawang asawa. Sila ay sina Hanna at Penina. May mga anak si Penina pero si Hanna ay wala.3Taun-taon, pumupunta si Elkana at ang sambahayan niya sa Shilo upang sumamba at maghandog sa Panginoong Makapangyarihan. Ang dalawang anak ni Eli na sina Hofni at Finehas ang mga pari ng Panginoon sa Shilo. 4Sa tuwing maghahandog si Elkana, hinahati niya ang ibang bahagi ng kanyang handog para kay Penina at sa mga anak niya. 5Pero doble ang bahagi na ibinibigay niya kay Hanna dahil mahal niya ito kahit hindi siya nagkakaanak, dahil ginawa siyang baog ng Dios. 6At dahil hindi nga siya magkaanak, lagi siyang iniinis at hinihiya ni Penina na kanyang karibal. 7Ganito ang laging nangyayari taun-taon. Sa tuwing pupunta si Hanna sa bahay ng Panginoon, iniinis siya ni Penina hanggang sa umiyak na lang siya at hindi na kumain. 8Sinasabi ni Elkana sa kanya, “Bakit ka umiiyak? Bakit ayaw mong kumain? Bakit ka malungkot? Mas mahalaga ba para sa iyo ang sampung anak kaysa sa akin?”
9– 10Minsan, pagkatapos nilang kumain sa bahay ng Panginoon sa Shilo, tumayo si Hanna at nanalangin nang umiiyak dahil sa labis na kalungkutan. Nakaupo noon ang pari na si Eli sa may pintuan ng bahay ng Panginoon. ▼ 11Nangako si Hanna sa Panginoon. Sinabi niya, “O Panginoong Makapangyarihan, tingnan po ninyo ang aking paghihirap. Alalahanin ninyo ang inyong lingkod at huwag ninyo akong kalimutan. Kung bibigyan nʼyo po ako ng isang anak na lalaki, ihahandog ko siya sa inyo para maglingkod sa inyo sa buong buhay niya. At bilang tanda nang lubos niyang pagsunod sa inyo, hindi ko po pagugupitan ang kanyang buhok.”
12– 13Habang patuloy siyang nananalangin sa Panginoon, nakita ni Eli na bumubuka ang bibig ni Hanna pero hindi naririnig ang kanyang boses. Inakala ni Eli na lasing si Hanna, 14kaya sinabi niya sa kanya, “Hanggang kailan ka maglalasing? Tigilan mo na ang pag-inom!” 15Sumagot si Hanna, “Hindi po ako lasing, at hindi po ako nakainom ng kahit anong klase ng inumin. Ibinubuhos ko lang po sa Panginoon ang paghihirap na aking nararamdaman. 16Huwag po ninyong isipin na masama akong babae. Nananalangin po ako rito dahil sa labis na kalungkutan.”
17Sinabi ni Eli, “Sige, umuwi kang mapayapa. Sanaʼy ipagkaloob ng Dios ng Israel ang hinihiling mo sa kanya.” 18Sumagot si Hanna, “Salamat po sa kabutihan ninyo sa akin.” Pagkatapos ay umalis na siya at kumain, at nawala na ang lungkot sa kanyang mukha.
19Kinabukasan, maagang bumangon si Elkana at ang kanyang pamilya, at silaʼy sumamba sa Panginoon. Pagkatapos ay umuwi sila sa bahay nila sa Rama. Sinipingan ni Elkana si Hanna at sinagot ng Panginoon ang panalangin ni Hanna na bigyan siya ng anak. 20At dumating ang panahon na nagbuntis siya at nanganak ng isang lalaki. Pinangalanan niya itong Samuel, ▼
▼Samuel: Maaaring ang ibig sabihin, dininig ng Dios.
dahil sinabi niya, “Hiningi ko siya sa Panginoon.” Inihandog ni Hanna si Samuel
21Muling dumating ang panahon na si Elkana at ang buo niyang pamilya ay maghahandog sa Panginoon gaya ng ginagawa nila taun-taon. Ito rin ang panahon na maghahandog siya bilang pagtupad sa panata niya sa Panginoon. 22Pero hindi sumama si Hanna. Sinabi niya sa kanyang asawa, “Kapag naawat na ang sanggol sa pagsuso sa akin, dadalhin ko siya sa bahay ng Panginoon para ihandog sa kanya. Doon na siya titira sa buong buhay niya.” 23Sumagot si Elkana, “Gawin mo kung ano ang sa tingin moʼy mabuti. Dito ka na lang muna hanggang sa maawat mo na ang sanggol. Tulungan ka sana ng Panginoon na matupad ang ipinangako mo sa kanya.” Kaya nagpaiwan si Hanna at inalagaan ang kanyang anak.24Nang maawat na ang bata, dinala siya ni Hanna sa bahay ng Panginoon sa Shilo. Nagdala rin siya ng tatlong taong gulang na toro, kalahating sako ng harina at katas ng ubas na nakalagay sa balat na sisidlan. 25Matapos katayin ang toro, dinala nila si Samuel kay Eli. 26Sinabi ni Hanna kay Eli, “Kung natatandaan nʼyo po, ako ang babaeng tumayo rito noon na nanalangin sa Panginoon. 27Hiningi ko po ang batang ito sa Panginoon at ibinigay niya ang kahilingan ko. 28Kaya ngayon, ihahandog ko po siya sa Panginoon. Maglilingkod po ang batang ito sa Panginoon sa buong buhay niya.” Pagkatapos ay sumamba sila sa ▼
▼sila sa: o, siya sa.
Panginoon.
Copyright information for
TglASD