1 Kings 7
Nagpatayo ng Palasyo si Solomon
1Nagpatayo rin si Solomon ng palasyo niya at inabot ng 13 taon ang pagpapatayo nito. 2– 3Ang isa sa mga gusali nito ay tinawag na Kagubatan ng Lebanon. Ang haba nito ay 150 talampakan, ang luwang ay 75 talampakan at ang taas ay 45 talampakan. Ito ay may apat ▼▼apat: sa tekstong Septuagint, tatlo.
na hanay ng mga haliging sedro – 15 bawat hanay, at nakatukod ito sa 45 na pambalagbag sa ibabaw ng haligi kung saan nakakabit ang kisameng sedro. 4Ang dalawang gilid ng gusaling magkaharap ay may tatlong hanay na bintana na magkakasunod. 5May tatlong hanay rin itong parihabang mga pintuan na magkakaharap. 6Ang isa pang gusali ay ang lugar na pinagtitipunan, na may maraming haligi. Ang haba nito ay 75 talampakan at ang luwang ay 45 talampakan. May balkonahe ito sa harapan, na may bubong at mga haligi.
7Nagpatayo rin siya ng gusali kung saan inilagay niya ang kanyang trono. Ito rin ang lugar kung saan siya humahatol. Pinatakpan niya ito ng mga tablang sedro mula sa sahig hanggang sa kisame. ▼
▼kisame: Itoʼy ayon sa teksto na Syriac at Latin Vulgate. Sa Hebreo, sahig.
8Ang bahagi ng palasyo, kung saan nakatira si Solomon ay nasa likod lang ng gusali kung saan siya humahatol, at magkatulad ang pagkakagawa nito. Katulad din nito ang yari ng bahay na kanyang ipinagawa para sa kanyang asawa, na anak ng Faraon. ▼
▼Faraon: o hari ng Egipto.
9Lahat ng mga gusaling ito, mula sa mga pundasyon hanggang sa mga bubong ay gawa sa pinakamagandang uri ng bato na pinagputol-putol at tinabas ang lahat ng gilid ayon sa tamang sukat. 10Ang mga pundasyon ay gawa sa malalaki at magagandang uri ng bato. Ang haba ng ibang mga bato ay 15 talampakan at ang iba ay 12 talampakan. 11Sa ibabaw nito ay mga kahoy na sedro at mamahaling mga bato na tinabas ayon sa tamang sukat. 12Ang maluwang na bakuran ay napapaligiran ng pader, na ang bawat tatlong patong ng mga tinabas na bato ay pinatungan ng kahoy na sedro. Katulad din nito ang pagkakagawa ng mga pader ng bakuran sa loob ng templo ng Panginoon at ng balkonahe.
Ang mga Gamit ng Templo
(2 Cro. 3:15-17; 4:1-22)
13Ipinasundo ni Haring Solomon si Huram ▼▼Huram: sa Hebreo, Hiram. Ganito rin sa talatang 40 at 45. Hindi siya ang hari na binabanggit sa 5:1.
sa Tyre 14dahil magaling siyang panday ng mga tanso. Anak siya ng isang biyuda mula sa lahi ni Naftali at ang kanyang ama ay taga-Tyre, na isa ring panday ng mga tanso. Pumunta siya kay Haring Solomon at ginawa niya ang lahat ng ipinagawa sa kanya. 15Gumawa si Huram ng dalawang haliging tanso na ang bawat isa ay may taas na 27 talampakan at may pabilog na sukat na 18 talampakan. 16Gumawa rin siya ng dalawang ulo ng mga haliging gawa sa tanso, na ang bawat isa ay may taas na pitoʼt kalahating talampakan. 17Ang bawat ulo ng haligi ay napapalamutian ng pitong kadenang dugtong-dugtong 18na may dalawang hilerang palamuti na ang hugis ay parang prutas na pomegranata. 19Ang hugis ng ulo ng mga haligi sa balkonahe ay parang mga bulaklak na liryo, at ang taas nito ay anim na talampakan. 20Ang bawat ulo ng dalawang haligi ay napapaligiran ng dalawang hilera na may 200 na palamuti na ang hugis ay parang prutas na pomegranata. Ang palamuting ito ay nasa ibabaw ng bilog na bahagi ng ulo, sa tabi ng mga kadena. 21Itinayo ni Huram ang mga haligi sa balkonahe ng templo. Ang haligi sa gawing timog ay tinawag niyang Jakin at ang haligi sa gawing hilaga ay tinawag niyang Boaz. 22Ang hugis ng mga ulo ng mga haligi ay parang mga bulaklak na liryo. At natapos ang pagpapagawa ng mga haligi.
23Pagkatapos, gumawa si Huram ng malaking lalagyan ng tubig na parang kawa, na tinatawag na Dagat. Ang lalim nito ay pitoʼt kalahating talampakan, ang luwang ay 15 talampakan at ang sukat sa paligid ay 45 talampakan. 24Napapalibutan ito ng dalawang hilerang palamuti sa ilalim ng bibig nito. Ang bilog-bilog na palamuting ito ay nakapalibot – anim bawat isang talampakan. Kasama na itong ginawa nang gawin ang sisidlan. 25Nakapatong ang sisidlan sa likod ng 12 tansong toro na magkakatalikod. Ang tatlong toro ay nakaharap sa gawing hilaga, ang tatlo ay sa kanluran, ang tatlo ay sa timog, at ang tatlo naman ay sa gawing silangan. 26Ang kapal ng sisidlan ay mga tatlong pulgada at ang ilalim nito ay parang bibig ng tasa na nakakurba palabas katulad ng namumukadkad na bulaklak ng liryo. At maaari itong malagyan ng mga 11,000 galong tubig.
27Gumawa rin si Huram ng sampung tansong kariton na gagamitin sa paghakot ng tubig. Ang haba ng bawat isa ay anim na talampakan, ang luwang ay anim ding talampakan at ang taas ay apat at kalahating talampakan. 28Ganito ang pagkagawa ng mga kariton: Ang mga dingding nito ay may mga kwadro 29at napapalamutian ng mga larawan ng leon, mga baka at mga kerubin. Ang ibabaw at ang ilalim ng mga kwadro ay may magkakatulad na palamuti na parang mga bulaklak. 30– 31Ang bawat kariton ay may apat na tansong gulong at mga tansong ehe. Sa bawat sulok ng mga kariton ay may tukod na humahawak sa pabilog na patungan ng tansong planggana. Ang mga tukod ay napapalamutian ng parang mga bulaklak na kabit-kabit. Ang pabilog na patungan ay nakaangat ng isaʼt kalahating talampakan sa ibabaw ng kariton, at ang luwang ng bunganga ay dalawang talampakan at tatlong pulgada. Ang paligid ng ilalim ay may mga inukit na palamuti. Ang dingding ng kariton ay kwadrado, hindi pabilog. 32Sa ilalim ng mga kwadradong dingding ay may apat na gulong na nakakabit sa mga ehe, na kasama ng ginawa nang gawin ang kariton. Ang taas ng bawat gulong ay dalawang talampakan at tatlong pulgada 33at katulad ito ng gulong ng karwahe. Ang mga ehe, tubo, rayos at tapalodo ng gulong ay gawa lahat sa tanso. 34Ang bawat kariton ay may apat na hawakan – isa sa bawat gilid, at naiporma na ito kasama ng kariton. 35Sa ibabaw ng bawat kariton ay may pabilog na leeg na may siyam na pulgada ang taas. Ang mga tukod nito at ang dingding ay naiporma na din kasama ng kariton. 36Napapalamutian ang dingding at mga tukod ng mga larawan ng kerubin, leon at puno ng palma, kahit saan na may lugar para sa mga ito. At may palamuti rin ito na parang mga bulaklak na kabit-kabit sa paligid. 37Ganito ang pagkakagawa ni Huram ng sampung kariton. Magkakatulad lahat ang kanilang laki at hugis, sapagkat iisa lang ang pinaghulmahan nilang lahat.
38Nagpagawa rin si Huram ng sampung tansong planggana – isa para sa bawat kariton. Ang luwang ng bawat planggana ay anim na talampakan at maaaring lagyan ng 220 galong tubig. 39Inilagay niya ang limang kariton sa bandang timog ng templo at ang lima namaʼy sa bandang hilaga. Inilagay niya ang lalagyan ng tubig na tinatawag na Dagat sa pagitan ng gawing silangan at gawing timog ng templo. 40Nagpagawa rin siya ng mga palayok, mga pala at mga mangkok na ginagamit sa pangwisik.
Natapos ni Huram ang lahat ng ipinagawa sa kanya ni Haring Solomon para sa templo ng Panginoon. Ito ang kanyang mga ginawa:
41ang dalawang haligi;
ang dalawang parang mangkok na ulo ng mga haligi;
ang dalawang magkadugtong na mga kadenang palamuti sa ulo ng mga haligi;
42ang 400 palamuti na ang hugis ay parang prutas na pomegranata (nakakabit ang dalawang hilera nito sa bawat magkadugtong na mga kadenang nakapaikot sa ulo ng mga haligi);
43ang sampung kariton at ang sampung planggana nito;
44ang lalagyan ng tubig na tinatawag na Dagat at ang 12 tansong toro sa ilalim nito;
45ang mga palayok, mga pala at mga mangkok na ginagamit sa pangwisik.
Ang lahat ng ito na ipinagawa ni Haring Solomon kay Huram na para sa templo ng Panginoon ay gawa lahat sa pinakinang na tanso. 46Ipinagawa ang mga ito ni Haring Solomon sa pamamagitan ng hulmahan na nasa kapatagan ng Jordan, sa pagitan ng Sucot at Zaretan. 47Napakarami ng mga bagay na ito, kaya hindi na ito ipinakilo ni Solomon; hindi alam kung ilang kilo ang mga tansong ito.
48Nagpagawa rin si Solomon ng mga kagamitang ito para sa templo ng Panginoon:
ang gintong altar;
ang mga gintong mesa na pinaglalagyan ng tinapay na inihahandog sa presensya ng Dios;
49ang mga patungan ng ilaw na purong ginto na nakatayo sa harap ng Pinakabanal na Lugar (lima sa bandang kanan at lima sa kaliwa);
ang mga gintong bulaklak, mga ilaw at mga pang-sipit;
50ang mga baso na purong ginto, mga panggupit ng mitsa ng ilaw, mga mangkok na ginagamit sa pangwisik, mga sandok at mga lalagyan ng insenso;
ang mga gintong bisagra para sa mga pintuan ng Pinakabanal na Lugar at gitnang bahagi ng templo.
51Nang matapos na ni Solomon ang lahat ng gawain para sa templo ng Panginoon, dinala niya sa bodega ng templo ang lahat ng bagay na itinalaga ng ama niyang si David pati na ang ginto, pilak at iba pang kagamitan.
Copyright information for
TglASD