‏ 1 Kings 5

Ang Paghahanda sa Pagpapatayo ng Templo

(2 Cro. 2:1-18)

1Matagal nang magkaibigan si Haring Hiram ng Tyre at si Haring David. Kaya nang mabalitaan ni Hiram na pinalitan ni Solomon ang ama niyang si David bilang hari, nagpadala siya ng mga opisyal kay Solomon. 2Pagkatapos, nagpadala si Solomon ng mensahe kay Hiram:

3“Nalalaman mong hindi nakapagpatayo ang aking amang si David ng templo para sa Panginoon na kanyang Dios dahil palagi siyang nakikipaglaban sa mga kalabang bansa sa palibot. Hindi siya makakapagpatayo nito hanggang hindi pa ipinapatalo sa kanya ng Panginoon ang lahat ng kanyang kalaban. 4Pero ngayon ay binigyan ako ng Panginoon na aking Dios ng kapayapaan sa paligid, wala na akong mga kalaban at wala na ring panganib. 5Kaya naisip ko na magpatayo na ng templo para sa karangalan ng Panginoon na aking Dios, ayon sa sinabi ng Panginoon sa aking amang si David. Ito ang kanyang sinabi, ‘Ang iyong anak, na ipapalit ko sa iyo bilang hari ang siyang magpapatayo ng templo para sa karangalan ng aking pangalan.’

6“Kaya iutos mo sa iyong mga tauhan na pumutol ng mga puno ng sedro sa Lebanon para sa akin. Patutulungin ko sa kanila ang mga tauhan ko at uupahan ko ang mga tauhan mo ayon sa gusto mo. At alam mo rin na wala talaga kaming tao na mahusay pumutol ng mga puno tulad ng mga tauhan mong Sidoneo.”

7Tuwang-tuwa si Hiram nang matanggap niya ang mensahe ni Solomon. Sinabi niya, “Purihin natin ang Panginoon sa araw na ito, dahil binigyan niya si David ng matalinong anak para pamahalaan ang makapangyarihang bansang ito!” 8Kaya nagpadala si Hiram ng mensahe kay Solomon na nagsasabi:

“Natanggap ko ang ipinadala mong mensahe, at ibibigay ko sa iyo ang mga kailangan mong kahoy na sedro at sipres.
sipres: o, “pine tree.”
9Hahakutin ito ng mga tauhan ko mula sa Lebanon hanggang sa dagat at gagawin nila itong parang balsa, at palulutangin papunta sa lugar na pipiliin mo. At doon ito kakalagin ng mga tauhan ko at kayo na ang bahalang kumuha nito. Bilang kabayaran, bigyan mo ako ng pagkain para sa mga tauhan ko sa palasyo.”

10Pinadalhan nga ni Hiram si Solomon ng lahat ng kahoy na sedro at sipres na kailangan niya. 11At pinadalhan naman ni Solomon si Hiram ng 60,000 sakong trigo at 110,000 galong langis ng olibo bawat taon. 12Binigyan ng Panginoon si Solomon ng karunungan ayon sa kanyang ipinangako. Maganda ang relasyon nina Solomon at Hiram, at gumawa sila ng kasunduan na hindi sila maglalaban.

13Pagkatapos, sapilitang pinagtrabaho ni Haring Solomon ang 30,000 tao mula sa buong Israel. 14Pinagpangkat sila ayon sa bilang na 10,000 bawat isang pangkat at ipinapadala sa Lebanon bawat buwan. Kaya ang bawat grupo ay isang buwan sa Lebanon at dalawang buwan sa kanilang lugar. Si Adoniram ang tagapamahala ng mga trabahador na ito. 15May 70,000 tao si Solomon na tagahakot ng mga materyales at 80,000 tao na tagatabas ng bato sa kabundukan. 16Mayroon din siyang 3,300 kapatas na namamahala sa trabaho at mga trabahador. 17At sa utos niya, nagtabas sila ng malalakiʼt magagandang uri ng bato para sa pundasyon ng templo. 18Kaya inihanda ng mga tauhan nina Solomon at Hiram, kasama ng mga taga-Gebal,
Gebal: Kinalaunan, ang lugar na ito ay tinatawag na Biblos.
ang mga bato at mga kahoy para sa pagpapatayo ng templo.

Copyright information for TglASD