‏ 1 Kings 3

Humingi si Solomon ng Karunungan

(2 Cro. 1:1-13)

1Nakipag-alyansa si Solomon sa Faraon na hari ng Egipto at naging asawa niya ang anak nito. Dinala niya ang kanyang asawa sa Lungsod ni David
Lungsod ni David: Ito ay isang lugar na bahagi ng Jerusalem.
hanggang sa matapos niya ang pagpapatayo ng kanyang palasyo, ng templo ng Panginoon, at ng mga pader sa paligid ng Jerusalem.
2Wala pang templo noon para sa Panginoon, kaya ang mga tao ay naghahandog sa mga sambahan sa matataas na lugar.
sambahan sa matataas na lugar: Tingnan sa Talaan ng mga Salita sa likod. Ganito rin sa talatang 3.
3Ipinakita ni Solomon ang pagmamahal niya sa Panginoon sa pamamagitan ng pagtupad ng mga tuntunin na iniwan ng ama niyang si David. Maliban doon, naghandog siya at nagsunog ng mga insenso sa mga sambahan sa matataas na lugar.

4 Isang araw, pumunta si Haring Solomon sa Gibeon para maghandog dahil naroon ang pinakatanyag na sambahan sa mataas na lugar. Nag-alay siya sa altar ng 1,000 handog na sinusunog. 5Kinagabihan, nagpakita sa kanya ang Panginoon sa pamamagitan ng isang panaginip. Sinabi ng Dios sa kanya, “Humingi ka ng kahit ano at ibibigay ko ito sa iyo.” 6Sumagot si Solomon, “Nagpakita po kayo ng malaking kabutihan sa aking amang si David, na inyong lingkod, dahil matapat siya sa inyo, at matuwid ang kanyang pamumuhay. Patuloy nʼyo pong ipinakita sa kanya ang inyong malaking kabutihan sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanya ng isang anak na siya pong pumalit sa kanya bilang hari ngayon. 7Panginoon na aking Dios, ako na inyong lingkod ang ipinalit ninyo sa ama kong si David bilang hari, kahit binatilyo pa ako at wala pang karanasan sa pamamahala. 8At ngayon narito po ako kasama ang pinili ninyong mga mamamayan, na hindi mabilang sa sobrang dami. 9Kaya bigyan nʼyo po ako ng karunungan para pamahalaan ang inyong mga mamamayan at kaalamang malaman kung ano ang mabuti at masama. Dahil sino po ba ang may kakayahang mamahala sa inyong mga mamamayan na napakarami?”

10Natuwa ang Panginoon sa hiningi ni Solomon. 11Kaya sinabi ng Dios sa kanya, “Dahil humingi ka ng kaalaman na mapamahalaan ang aking mga mamamayan at hindi ka humingi ng mahabang buhay o kayamanan o kamatayan ng iyong mga kaaway, 12ibibigay ko sa iyo ang kahilingan mo. Bibigyan kita ng karunungan at kaalaman na hindi pa naangkin ng kahit sino, noon at sa darating na panahon. 13Bibigyan din kita ng hindi mo hiningi, ang kayamanan at karangalan para walang hari na makapantay sa iyo sa buong buhay mo. 14At kung susunod ka sa aking mga pamamaraan at tutupad sa aking mga tuntunin at mga utos, katulad ng ginawa ng iyong ama na si David, bibigyan kita ng mahabang buhay.”

15Nagising si Solomon, at naunawaan niya na nakipag-usap ang Panginoon sa kanya sa pamamagitan ng panaginip. Pagbalik ni Solomon sa Jerusalem, tumayo siya sa harap ng Kahon ng Kasunduan ng Panginoon at nag-alay ng mga handog na sinusunog at mga handog para sa mabuting relasyon.
handog para sa mabuting relasyon: Tingnan sa Talaan ng mga Salita sa likod.
Nagpahanda agad siya ng mga pagkain para sa lahat ng pinuno niya.

Ang Mahusay na Paghatol ni Solomon

16May dalawang babaeng bayaran na pumunta kay Haring Solomon. 17Nagsalita ang isa sa kanila, “Mahal na Hari, ako at ang babaeng ito ay nakatira sa iisang bahay. Nanganak ako habang naroon siya sa bahay. 18Pagkalipas ng tatlong araw, siya naman ang nanganak. Kaming dalawa lang ang nasa bahay at wala nang iba. 19Isang gabi, nahigaan niya ang kanyang anak at namatay ito. 20Nang maghatinggabi, bumangon siya habang natutulog ako at pinagpalit ang mga anak namin. Inilagay niya ang anak ko sa tabi niya at ang anak naman niyang namatay ay inilagay niya sa tabi ko. 21Kinabukasan, nang bumangon ako para pasusuhin ang anak ko, nakita kong patay na ito. At nang mapagmasdan ko nang mabuti ang sanggol sa liwanag, nakita kong hindi siya ang aking anak.”

22Sumagot ang isang babae, “Hindi totoo iyan! Akin ang buhay na sanggol at sa iyo ang patay.” Pero sinabi ng unang babae, “Hindi totoo iyan! Iyo ang patay na sanggol at akin ang buhay.” Kaya nagsagutan silang dalawa sa harapan ng hari.

23Sinabi ng hari, “Ang bawat isa sa inyo ay gustong angkinin ang buhay na sanggol at walang isa man sa inyo ang gustong umangkin sa patay na sanggol.” 24Kaya nag-utos ang hari na bigyan siya ng espada. At nang dalhan siya ng espada, 25inutos niya, “Hatiin ang buhay na sanggol at ibigay ang bawat kalahati sa kanilang dalawa.”

26Dahil sa awa ng totoong ina sa kanyang sanggol, sinabi niya sa hari, “Maawa po kayo, Mahal na Hari, huwag po ninyong patayin ang sanggol. Ibigay nʼyo na lang po siya sa babaeng iyan.” Pero sinabi ng isang babae, “Hatiin nʼyo na lang po ang sanggol para wala ni isa man sa amin ang makaangkin sa kanya.”

27Pagkatapos, sinabi ng hari, “Huwag hatiin ang buhay na sanggol. Ibigay ito sa babae na nagmamakaawa na huwag itong patayin, dahil siya ang tunay na ina.”

28Nang marinig ng mga mamamayan ng Israel ang pagpapasya ng hari, lumaki ang paggalang nila sa kanya, dahil nakita nila na may karunungan siyang mula sa Dios sa paghatol ng tama.

Copyright information for TglASD