1 Kings 15
Ang Paghahari ni Abijah sa Juda
(2 Cro. 13:1–14:1)
1Noong ika-18 taon ng paghahari sa Israel ni Jeroboam na anak ni Nebat, naging hari naman ng Juda si Abijah. 2Sa Jerusalem tumira si Abijah, at naghari siya sa loob ng tatlong taon. Ang ina niya ay si Maaca na apo ▼▼apo: Si Maaca ay anak ni Uriel na asawa ni Tamar. Si Tamar naman ay anak ni Absalom. Ganito rin sa talatang 10.
ni Absalom. ▼▼Absalom: sa Hebreo, Abisalom, na siya ring si Absalom.
3Ginawa rin niya ang lahat ng kasalanan na ginawa ng kanyang ama. Hindi naging maganda ang relasyon niya sa Panginoon na kanyang Dios; hindi tulad ni David na kanyang ninuno. 4Pero dahil kay David, niloob ng Panginoon na kanyang Dios, na patuloy na magmumula sa angkan niya ang maghahari ▼
▼niloob ng Panginoon … ang maghahari: sa literal, binigyan siya ng Panginoon na kanyang Dios ng ilaw.
sa Jerusalem sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanya ng anak na papalit sa kanyang trono upang pangunahan at patatagin ang Jerusalem. 5Dahil ginawa ni David ang matuwid sa paningin ng Panginoon, at noong nabubuhay pa siya, hindi siya sumuway sa utos ng Panginoon, maliban lang sa ginawa niya kay Uria na Heteo. 6– 7Gayon pa man, palagi pa ring naglalaban sina Rehoboam at Jeroboam. At nang huli, sina Abijah naman at Jeroboam ang naglaban. Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Abijah, at ang lahat ng ginawa niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Juda. 8Nang mamatay si Abijah, inilibing siya sa Lungsod ni David. At ang anak niyang si Asa ang pumalit sa kanya bilang hari.
Ang Paghahari ni Asa sa Juda
(2 Cro. 15:16–16:6, 11-14)
9Naging hari ng Juda si Asa noong ika-20 taon ng paghahari ni Jeroboam sa Israel. 10Sa Jerusalem tumira si Asa at naghari siya sa loob ng 41 taon. Ang lola niya ay si Maaca na apo ni Absalom. 11Matuwid ang ginawa ni Asa sa paningin ng Panginoon, katulad ni David na kanyang ninuno. 12Pinalayas niya sa Juda ang mga lalaki at babaeng nagbebenta ng aliw sa mga lugar na pinagsasambahan nila, at ipinatanggal ang lahat ng dios-diosang ipinagawa ng kanyang mga ninuno. 13Pati ang lola niyang si Maaca ay inalis niya sa pagkareyna dahil nagpagawa ito ng kasuklam-suklam na posteng simbolo ng diosang si Ashera. Ipinaputol ni Asa ang mga simbolong ito at ipinasunog sa Lambak ng Kidron. 14Kahit hindi nawala ang mga sambahan sa matataas na lugar, nanatili pa rin siyang tapat sa Panginoon sa buong buhay niya. 15Dinala niya sa templo ng Panginoon ang mga pilak, ginto at ang iba pang mga bagay na inihandog niya, at ng kanyang ama sa Panginoon.16Sa buong paghahari nila, palaging naglalaban sina Asa at Baasha na hari ng Israel. 17Nilusob ni Haring Baasha ng Israel ang Juda, at pinalibutan niya ng pader ang Rama para walang makalabas o makapasok sa teritoryo ni Haring Asa ng Juda. 18Pinagkukuha ni Asa ang lahat ng pilak at ginto na naiwan sa mga bodega ng templo ng Panginoon at sa kanyang palasyo. Ipinagkatiwala niya ito sa kanyang mga opisyal at inutusan niya sila na dalhin ito kay Haring Ben Hadad ng Aram ▼
▼Aram: o, Syria.
doon sa Damascus kung saan ito nakatira. Si Ben Hadad ay anak ni Tabrimon at apo ni Hezion. 19Ito ang mensahe ni Asa kay Ben Hadad: “Gumawa tayo ng kasunduan tulad ng ginawa ng mga magulang natin. Tanggapin mo ang mga regalo ko sa iyo na ginto at pilak. Hinihiling kong tigilan mo na ang pagkampi kay Haring Baasha ng Israel para pabayaan na niya ako.” 20Pumayag si Ben Hadad sa kahilingan ni Haring Asa, at inutusan niya ang mga kumander ng kanyang sundalo na lusubin ang mga bayan ng Israel. Nasakop nila ang Ijon, Dan, Abel Bet Maaca, ang buong Kineret at ang buong Naftali. 21Nang mabalitaan ito ni Baasha, pinahinto niya ang pagpapatayo ng pader sa Rama, at bumalik siya sa Tirza. 22Pagkatapos, nag-utos si Haring Asa sa lahat ng taga-Juda na kunin ang mga bato at mga troso na ginamit ni Baasha sa pagpapatayo ng pader ng Rama. At ginamit naman ito ni Haring Asa sa pagpatayo ng pader ng Geba sa Benjamin at ng Mizpa.
23Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Asa, at ang kanyang mga tagumpay at ang lahat ng kanyang mga ginawa, pati na ang mga lungsod na ipinatayo niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Juda. Nang matanda na si Asa, nagkasakit siya sa paa. 24At nang mamatay siya, inilibing siya sa libingan ng mga ninuno niya sa Lungsod ng kanyang ninunong si David. At ang anak niyang si Jehoshafat ang pumalit sa kanya bilang hari.
Ang Paghahari ni Nadab sa Israel
25Naging hari ng Israel si Nadab na anak ni Jeroboam noong ikalawang taon ng paghahari ni Asa sa Juda. Naghari si Nadab sa Israel sa loob ng dalawang taon. 26Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon. Sumunod siya sa pamumuhay ng kanyang ama at sa kasalanang ginawa nito, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga Israelita.27Ngayon, si Baasha na anak ni Ahia, na mula sa lahi ni Isacar ay nagbalak ng masama laban kay Nadab. Ipinapatay ni Baasha si Nadab habang sinasalakay ni Nadab at ng buong Israel ang Gibeton, na isang bayan ng mga Filisteo. 28Ang pagpatay ni Baasha kay Nadab ay nangyari noong ikatlong taon ng paghahari ni Asa sa Juda. At si Baasha ang pumalit kay Nadab bilang hari. 29Nang magsimulang maghari si Baasha, pinagpapatay niya ang buong pamilya ni Jeroboam; hindi siya nagtira kahit isa. Nangyari ito ayon sa sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng kanyang lingkod na si Ahia na taga-Shilo. 30Dahil nagalit ang Panginoon, ang Dios ng Israel, kay Jeroboam sa mga kasalanang ginawa niya, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga Israelita.
31Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Nadab, at ang lahat ng ginawa niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel. 32Sa buong paghahari nila, palaging naglalaban sina Asa at Baasha.
Ang Paghahari ni Baasha sa Israel
33Naging hari ng Israel si Baasha na anak ni Ahia noong ikatlong taon ng paghahari ni Asa sa Juda. Sa Tirza tumira si Baasha, at naghari siya roon sa loob ng 24 na taon. 34Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon. Sumunod siya sa pamumuhay ni Jeroboam at sa kasalanan na ginawa nito, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga Israelita.
Copyright information for
TglASD