‏ 1 Kings 21

Ang Ubasan ni Nabot

1May isang taong taga-Jezreel na ang pangalan ay Nabot. May taniman siya ng ubas sa Jezreel sa tabi ng palasyo ni Haring Ahab ng Samaria. 2Isang araw, sinabi ni Ahab kay Nabot, “Dahil malapit sa palasyo ko ang taniman mo ng ubas, ibigay mo na lang iyan sa akin para gawin kong taniman ng mga gulay. At bilang kapalit, bibigyan kita ng mas magandang ubasan o kung gusto mo, babayaran kita sa nararapat na halaga nito.” 3 4Pero sumagot si Nabot, “Hindi po papayag ang Panginoon na ibigay ko sa inyo ang minana ko sa aking mga ninuno.”

Umuwi si Ahab na malungkot at galit dahil sa sagot ni Nabot sa kanya. Nahiga siya paharap sa dingding at ayaw kumain.
5Pinuntahan siya ni Jezebel na kanyang asawa, at tinanong, “Bakit ka ba nalulungkot? Bakit ayaw mong kumain?” 6Sumagot siya, “Sinabi ko kay Nabot na bibilhin ko ang taniman niya ng ubas o kung gusto niya ay papalitan ko ito ng mas magandang ubasan, pero hindi siya pumayag.” 7Sinabi ni Jezebel, “Hindi baʼt ikaw ang hari ng Israel? Bumangon ka at kumain! Magpakasaya ka dahil ibibigay ko sa iyo ang ubasan ni Nabot na taga-Jezreel.”

8Kaya sumulat si Jezebel sa pangalan ni Ahab, tinatakan niya ito ng tatak ng hari, at ipinadala sa mga tagapamahala at sa iba pang mga opisyal ng lungsod kung saan nakatira si Nabot. 9Ito ang mensahe ng kanyang sulat: “Tipunin ninyo ang mga mamamayan para mag-ayuno, at paupuin ninyo si Nabot sa unahan ng mga tao. 10Pagkatapos, paupuin ninyo sa harapan niya ang dalawang masamang tao para paratangan siya na isinumpa niya ang Dios at ang hari. Pagkatapos, dalhin ninyo siya sa labas ng lungsod at batuhin hanggang mamatay.”

11Ginawa ng mga tagapamahala at ng iba pang mga opisyal ang sinabi sa kanila ni Jezebel sa sulat. 12Tinipon nga nila ang mga mamamayan para mag-ayuno at pinaupo nila si Nabot sa unahan ng mga ito. 13Pagkatapos, may dumating na dalawang masamang tao, umupo sa harapan ni Nabot, at pinaratangan nila ito sa harapan ng mga tao. Sinabi nila, “Isinumpa ni Nabot ang Dios at ang hari.” Kaya dinala nila si Nabot sa labas ng lungsod, at binato hanggang mamatay. 14Pagkatapos, sumulat sila kay Jezebel na binato nila si Nabot at patay na ito.

15Nang malaman ni Jezebel na patay na si Nabot, sinabi niya kay Ahab, “Patay na si Nabot kaya lumakad ka at angkinin mo ang taniman niya ng ubas na itinanggi niyang ibenta sa iyo.” 16Pagkarinig ni Ahab na patay na si Nabot, umalis siya agad para angkinin ang ubasan ni Nabot.

17Sinabi ng Panginoon kay Elias na taga-Tisbe, 18“Humayo kaʼt puntahan si Haring Ahab ng Israel, na nakatira sa Samaria. Naroon siya sa ubasan ni Nabot dahil gusto niya itong angkinin. 19Sabihin mo ito sa kanya: ‘Pagkatapos mong pumatay ng tao, kukunin mo pa pati ang kanyang lupa? Dahil sa iyong ginawa, hihimurin ng mga aso ang dugo mo sa labas ng lungsod, tulad ng paghimod nila roon sa dugo ni Nabot.’ ”

20Pagkakita ni Ahab kay Elias, sinabi niya, “Natagpuan din ako ng kaaway ko!” Sumagot si Elias, “Oo, pumunta ako sa iyo dahil ipinagbili mo ang iyong sarili sa paggawa ng masama sa paningin ng Panginoon! 21Kaya ito ang sinasabi ng Panginoon sa iyo: ‘Padadalhan kita ng kapahamakan. Papatayin ko ang lahat ng iyong angkan na lalaki, alipin man o hindi. 22Lilipulin ko ang pamilya mo katulad ng ginawa ko sa pamilya ni Jeroboam na anak ni Nebat at sa pamilya ni Baasha na anak ni Ahia, dahil ginalit mo ako at ikaw ang naging dahilan ng pagkakasala ng mga Israelita.’

23“At tungkol naman kay Jezebel, sinabi ng Panginoon, na kakainin siya ng mga aso sa pader ng Jezreel. 24Ang mga kabilang sa pamilya mo na mamamatay sa lungsod ay kakainin ng mga aso, at ang mamamatay sa bukid ay kakainin ng mga ibon.”

25(Wala ng ibang taong ipinagbili ang sarili sa paggawa ng masama sa paningin ng Panginoon, katulad ng ginawa ni Ahab dahil sinulsulan siya ni Jezebel na kanyang asawa. 26Gumawa siya ng masasamang bagay sa pamamagitan ng pagsamba sa mga dios-diosan, katulad ng ginawa ng mga Amoreo na pinalayas ng Panginoon sa mga Israelita.)

27Pagkarinig ni Ahab sa sinabi ni Elias, sinira niya ang kanyang damit at nagsuot ng sako, kahit sa pagtulog. Nag-ayuno siya at malungkot na nagpalakad-lakad.

28Sinabi ng Panginoon kay Elias na taga-Tisbe, 29“Nakita mo ba kung papaano nagpakumbaba si Ahab ng kanyang sarili sa aking harapan? Dahil sa pagpapakumbaba niya, hindi ko na ipapadala ang kapahamakan sa panahon niya, kundi ipapadala ko ito sa pamilya ng kanyang anak kapag naghari na ito.”

Copyright information for TglASD