1 Kings 19
Tumakas si Elias
1Ngayon, sinabi ni Ahab sa asawa niyang si Jezebel ang lahat ng ginawa ni Elias, at kung paano nito pinagpapatay ang lahat ng propeta ni Baal. 2Kaya nagpadala si Jezebel ng mensahe para kay Elias na nagsasabi, “Lubusan sana akong parusahan ng mga dios kung sa ganitong oras bukas ay hindi pa kita napapatay, tulad ng ginawa mo sa mga propeta.”3Natakot si Elias, kaya tumakas siya papunta sa Beersheba na sakop ng Juda, at iniwan niya roon ang utusan niya. 4Pagkatapos, naglakad siya ng isang araw papuntang ilang. Nagpahinga siya at umupo sa ilalim ng punongkahoy at nanalangin na mamatay na lang sana siya. Sinabi niya, “Sobra na po ito Panginoon! Kunin na lang ninyo ang buhay ko, wala naman akong ipinagkaiba sa aking mga ninuno.” 5Pagkatapos, humiga siya sa ilalim ng punongkahoy, at nakatulog.
Biglang may anghel na kumalabit sa kanya at sinabi, “Bumangon ka at kumain.” 6Pagdilat niya, may nakita siyang tinapay sa ulunan niya, na niluto sa mainit na bato, at tubig na nakalagay sa sisidlan. Kumain siya at uminom, at nahigang muli. 7Muling bumalik ang anghel ng Panginoon, kinalabit si Elias at sinabi, “Bumangon ka at kumain, dahil malayo pa ang iyong lalakbayin.” 8Kaya bumangon si Elias, kumain, at uminom. Pinalakas siya ng kanyang kinain, at naglakbay siya sa loob ng 40 araw at 40 gabi, hanggang makarating siya sa Horeb, ▼
▼Horeb: o, Sinai.
ang bundok ng Dios. 9Pumasok siya sa isang kweba at doon natulog kinagabihan.Nakipag-usap ang Panginoon kay Elias
Ngayon, sinabi sa kanya ng Panginoon, “Ano ang ginagawa mo rito Elias?” 10Sumagot siya, “O Panginoon, Dios na Makapangyarihan, tapat po akong naglilingkod sa inyo. Pero itinakwil ng mga Israelita ang kasunduan nila sa inyo, winasak nila ang mga altar ninyo, at pinagpapatay ang mga propeta ninyo. Ako na lang po ang natira, at pinagsisikapan din nila akong patayin.” 11Nagsalita ang Panginoon, “Lumabas ka at tumayo sa ibabaw ng bundok sa aking presensya, dahil dadaan ako.” Pagkatapos, may dumaan na napakalakas na hangin, na bumitak sa mga bundok at dumurog sa mga bato, pero wala ang Panginoon sa hangin. Pagkatapos ng hangin, lumindol, pero wala rin ang Panginoon sa lindol. 12Pagkatapos ng lindol, may apoy na dumating, pero wala pa rin ang Panginoon sa apoy. Pagkatapos ng apoy, may narinig siyang tinig na parang bulong. 13Nang marinig ito ni Elias, nagtakip siya ng kanyang mukha gamit ang kanyang balabal, lumabas siya at tumayo sa bungad ng kweba. Biglang may tinig na nagsabi sa kanya, “Ano ang ginagawa mo rito, Elias?” 14Sumagot siya, “O Panginoon, Dios na Makapangyarihan, tapat po akong naglilingkod sa inyo, pero itinakwil ng mga Israelita ang kasunduan nila sa inyo, winasak nila ang mga altar ninyo, at pinagpapatay ang mga propeta ninyo. Ako na lang po ang natitira, at pinagsisikapan din nila akong patayin.” 15Nagsalita ang Panginoon sa kanya, “Bumalik ka sa iyong dinaanan, at pumunta sa ilang ng Damascus. Pagdating mo roon, pahiran mo ng langis si Hazael bilang pagkilala na siya na ang hari ng Aram. ▼▼Aram: o, Syria. Ganito rin sa 20:1.
16Pahiran mo rin si Jehu na anak ni Nimsi bilang hari ng Israel, at si Eliseo na anak ni Shafat, na taga-Abel Mehola, para pumalit sa iyo bilang propeta. 17Papatayin ni Hazael ang mga sumasamba kay Baal. Ang makakatakas sa kanyaʼy papatayin ni Jehu, at ang makakatakas kay Jehu ay papatayin ni Eliseo. 18Pero ililigtas ko ang 7,000 Israelita na hindi lumuhod at humalik sa imahen ni Baal.” Ang Pagtawag kay Eliseo
19Umalis doon si Elias at nakita niya si Eliseo na anak ni Shafat, na nag-aararo. May labing-isang pares na baka sa unahan niya na gamit ng kanyang mga kasama sa pag-aararo, at gamit naman niya ang ikalabindalawang pares ng baka. Lumapit si Elias sa kanya, hinubad ang kanyang balabal at pinasa ito kay Eliseo. 20Iniwan ni Eliseo ang mga baka at hinabol si Elias. Sinabi ni Eliseo, “Hahalik po muna ako sa aking amaʼt ina bilang pamamaalam at saka po ako sasama sa inyo.” Sumagot si Elias, “Sige, pero huwag mong kalimutan ang ginawa ko sa iyo.”21Bumalik si Eliseo, kinuha ang kanyang mga baka, at kinatay. Ginawa niyang panggatong sa pagluluto ng karne ng mga baka ang mga kagamitan sa pag-aararo. Pagkaluto, binigyan niya ang kanyang mga kasamang nag-aararo, at kumain silang lahat. At agad siyang sumunod kay Elias para maging lingkod nito.
Copyright information for
TglASD