1 Kings 16
1Ito ang mensahe ng Panginoon laban kay Baasha na sinabi niya sa pamamagitan ni Jehu na anak ni Hanani: 2“Pinabangon kita mula sa lupa, at ginawang pinuno ng mga mamamayan kong Israelita. Pero sinunod mo ang pamumuhay ni Jeroboam at ikaw ang naging dahilan ng pagkakasala ng aking mga mamamayan, at ginalit mo ako dahil sa kanilang mga kasalanan. 3Kaya lilipulin kita at ang iyong pamilya katulad ng ginawa ko sa pamilya ni Jeroboam na anak ni Nebat. 4Ang mga kabilang sa pamilya mo na mamamatay sa lungsod ay kakainin ng mga aso, at ang mamamatay sa bukid ay kakainin ng mga ibon.”5Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Baasha, at ang mga ginawa niya at pagtatagumpay ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel. 6Nang mamatay si Baasha, inilibing siya sa Tirza. At ang anak niyang si Elah ang pumalit sa kanya bilang hari.
7Ang mensaheng iyon ng Panginoon laban kay Baasha at sa pamilya niya ay sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propetang si Jehu na anak ni Hanani. Sinabi iyon ng Panginoon dahil sa lahat ng masasamang ginawa nito sa paningin ng Panginoon. Ginalit niya ang Panginoon dahil sa mga ginawa niya na katulad ng ginawa ng pamilya ni Jeroboam, at dahil sa kanyang pagpatay sa buong pamilya ni Jeroboam.
Ang Paghahari ni Elah sa Israel
8Naging hari ng Israel si Elah na anak ni Baasha noong ika-26 na taon ng paghahari ni Asa sa Juda. Sa Tirza siya tumira, at naghari siya sa loob ng dalawang taon.9Si Zimri, na isa sa mga opisyal niya at kumander ng kalahati ng kanyang mga mangangarwahe ay nagbalak ng masama laban sa kanya. Isang araw, naglasing si Elah sa Tirza, sa bahay ni Arsa na siyang tagapamahala ng palasyo roon. 10Pumasok si Zimri sa bahay at pinatay niya si Ela. Nangyari ito noong ika-27 taon ng paghahari ni Asa sa Juda. At si Zimri ang pumalit kay Elah bilang hari.
11Nang magsimulang maghari si Zimri, pinagpapatay niya ang buong pamilya ni Baasha. Wala siyang itinirang lalaki, kahit sa mga kamag-anak at mga kaibigan ni Baasha. 12Pinatay ni Zimri ang buong pamilya ni Baasha ayon sa sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propetang si Jehu. 13Sapagkat ginalit ni Baasha at ng anak niyang si Elah ang Panginoon, ang Dios ng Israel, dahil sa mga kasalanang ginawa nila na naging dahilan ng pagkakasala ng mga Israelita sa pamamagitan ng pagsamba sa walang kwentang mga dios-diosan.
14Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Elah, at ang lahat ng ginawa niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel.
Ang Paghahari ni Zimri sa Israel
15Naging hari ng Israel si Zimri noong ika-27 taon ng paghahari ni Asa sa Juda. Doon siya tumira sa Tirza, pero pitong araw lang ang itinagal ng paghahari niya. Habang nagkakampo ang mga sundalo ng Israel malapit sa Gibeton na isang bayan ng mga Filisteo, 16nabalitaan nila na pinatay ni Zimri ang hari. Kaya nang araw ding iyon sa kampo, ginawa nilang hari ng Israel si Omri. Si Omri ang kumander ng mga sundalo ng Israel.17Umalis agad sa Gibeton si Omri at ang mga lahat ng kasama niyang mga Israelita, at sinalakay nila ang Tirza. 18Nang makita ni Zimri na naaagaw na ang lungsod, pumunta siya sa tore ng palasyo at sinunog ang paligid nito, kaya namatay siya. 19Nangyari ito dahil sa mga kasalanang ginawa niya. Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon, at sumunod siya sa pamumuhay ni Jeroboam at sa kasalanan na ginawa nito, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga Israelita.
20Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Zimri at ang tungkol sa pagrerebelde niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel.
Ang Paghahari ni Omri sa Israel
21Nahati ang mga mamamayan ng Israel sa dalawang grupo. Ang isang grupo ay gustong maging hari si Tibni na anak ni Ginat, at ang isang grupo naman ay gusto si Omri. 22Pero mas malakas ang mga pumapanig kay Omri kaysa sa mga pumapanig kay Tibni na anak ni Ginat. Napatay si Tibni, at si Omri ang naging hari.23Sumunod na naghari si Omri sa Israel noong ika-31 taon ng paghahari ni Asa sa Juda. Naghari siya sa loob ng 12 taon; ang anim na taon nito ay doon sa Tirza. 24Binili niya kay Shemer ang bundok ng Samaria ng 70 kilong pilak, at pinatayuan niya ito ng lungsod. Pagkatapos, pinangalanan niya itong lungsod ng Samaria, mula sa pangalan ni Shemer na siyang dating nagmamay-ari ng bundok.
25Masama ang ginawa ni Omri sa paningin ng Panginoon, at nagkasala siya ng higit pa sa mga hari na nauna sa kanya. 26Sumunod siya sa pamumuhay ni Jeroboam na anak ni Nebat at sa kasalanan na ginawa nito, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga Israelita, sa pamamagitan ng pagsamba sa mga walang kwentang mga dios-diosan. Kaya ginalit nila ang Panginoon, ang Dios ng Israel.
27Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Omri, at ang mga ginawa niya at pagtatagumpay ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel. 28Nang mamatay si Omri, inilibing siya sa Samaria. At ang anak niyang si Ahab ang pumalit sa kanya bilang hari.
Ang Paghahari ni Ahab sa Israel
29Naging hari ng Israel si Ahab na anak ni Omri noong ika-38 taon ng paghahari ni Asa sa Juda. Sa Samaria siya tumira, at naghari siya sa loob ng 22 taon. 30Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon, higit pa sa ginawa ng mga haring nauna sa kanya. 31Kulang pa sa kanya ang pagsunod sa mga kasalanang ginawa ni Jeroboam, kinuha pa niyang maging asawa si Jezebel na anak ni Haring Etbaal ng mga Sidoneo. At mula noon, naglingkod siya at sumamba sa dios-diosang si Baal. 32Nagpatayo siya ng templo at altar para kay Baal doon sa Samaria. 33Nagpagawa rin siya ng posteng simbolo ng diosang si Ashera. Ginalit niya ang Panginoon, ang Dios ng Israel, higit pa sa ginawa ng mga hari ng Israel na nauna sa kanya.34Nang panahon ng paghahari ni Ahab, muling ipinatayo ni Hiel na taga-Betel ang Jerico. Habang ipinapatayo niya ang mga pundasyon nito, namatay ang panganay niyang anak na si Abiram. At habang ipinapagawa naman niya ang mga pintuan nito, namatay ang bunso niyang anak na si Segub. Nangyari ang lahat ng ito ayon sa sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ni Josue na anak ni Nun. ▼
▼Tingnan sa Josue 6:26.
Copyright information for
TglASD