‏ 1 Kings 13

Isinumpa ng Propeta ang Altar sa Betel

1Ngayon, inutusan ng Panginoon ang isang lingkod niyang taga-Juda na pumunta sa Betel. Pagdating niya roon, nakatayo si Jeroboam sa tabi ng altar para maghandog. 2Inutusan ng Panginoon ang lingkod niya na isumpa ang altar na iyon. Sinabi niya, “Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa altar na ito: May isisilang na isang sanggol sa pamilya ni David na ang pangalan ay Josia. Papatayin niya at ihahandog sa altar na ito ang mga pari na naglilingkod sa mga sambahan sa matataas na lugar
sambahan sa matataas na lugar: Tingnan sa Talaan ng mga Salita sa likod.
at naghahandog sa altar na ito. Masusunog ang kanilang mga buto sa altar na ito.”
3Sa mismong araw na ito, nagbigay ang lingkod ng Dios ng palatandaan na mangyayari ang kanyang sinabi. Sinabi niya, “Ito ang palatandaan na sinabi ng Panginoon: Matitibag ang altar na ito at ang alikabok nito ay kakalat.”

4Nang marinig ito ni Haring Jeroboam, itinuro niya ang lingkod ng Dios at sinabi, “Hulihin ninyo siya!” Pero bigla na lang nanigas ang kamay ng hari, kaya hindi na niya maibaba ang kanyang kamay. 5Pagkatapos, natibag ang altar at ang alikabok nito ay kumalat, ayon sa palatandaang sinabi ng lingkod ng Dios na ipinahayag sa kanya ng Panginoon.

6Pagkatapos, sinabi ng hari sa lingkod ng Dios, “Ipanalangin mo ako sa Panginoon na iyong Dios na pagalingin niya ang kamay ko.” Kaya nanalangin ang lingkod ng Dios sa Panginoon at gumaling ang kamay ng hari. 7Muling sinabi ng hari sa lingkod ng Dios, “Halika sa bahay at kumain, at bibigyan kita ng regalo.” 8Pero sumagot ang lingkod ng Dios, “Kahit ibigay pa po ninyo sa akin ang kalahati ng ari-arian ninyo, hindi ako sasama sa inyo o kakain ni iinom man sa lugar na ito. 9Sapagkat inutusan po ako ng Panginoon na huwag akong kumain ni uminom habang nandito ako, at sa pag-uwi koʼy hindi ako dapat dumaan sa dinaanan ko papunta rito.” 10Kaya ibang daan ang dinaanan niya nang umuwi siya.

11Nang panahong iyon, may isang matandang propeta na nakatira sa Betel. Pinuntahan siya ng kanyang mga anak na lalaki
mga anak na lalaki: Itoʼy ayon sa ibang lumang teksto; sa Hebreo, anak na lalaki.
at ibinalita ang lahat ng ginawa ng lingkod ng Dios noong araw na iyon sa Betel. Ibinalita rin nila sa kanya kung ano ang sinabi ng lingkod ng Dios sa hari.
12Nagtanong ang kanilang ama, “Saan siya dumaan pauwi?” At sinabi nila kung saan siya dumaan. 13Pagkatapos, sinabi ng kanilang ama sa kanila, “Ihanda ninyo ang asno para sa akin.” Kaya inihanda nila ang asno; sumakay siya 14at hinabol ang lingkod ng Dios. Inabutan niyang nakaupo ito sa ilalim ng punong terebinto. Tinanong niya ito, “Ikaw ba ang lingkod ng Dios na galing sa Juda?” Sumagot siya, “Opo.” 15Sinabi niya, “Halika sa bahay at kumain.” 16Sumagot ang lingkod ng Dios, “Hindi po ako maaaring bumalik at sumama sa inyo, at hindi rin ako maaaring kumain o uminom kasama ninyo sa lugar na ito. 17Sapagkat inutusan ako ng Panginoon na huwag akong kumain ni uminom habang nandito ako at sa pag-uwi koʼy hindi ako dapat dumaan sa dinaanan ko papunta rito.” 18Sinabi ng matandang propeta, “Propeta rin ako na katulad mo. At inutusan ng Panginoon ang isang anghel para sabihin sa akin na dalhin kita sa bahay ko para makakain at makainom ka.” (Pero nagsisinungaling ang matanda.) 19Kaya sumama sa kanyang bahay ang lingkod ng Dios, kumain at uminom siya roon.

20Habang nakaupo sila sa mesa, may sinabi ang Panginoon sa matandang propeta. 21Kaya sinabi ng matandang propeta sa lingkod ng Dios na galing sa Juda, “Ito ang sinasabi ng Panginoon: ‘Nilabag mo ang utos ng Panginoon na iyong Dios; hindi mo sinunod ang iniutos niya sa iyo. 22Iniutos niya sa iyo na huwag kang kakain at iinom sa lugar na ito, pero bumalik ka rito at kumain at uminom. Dahil sa ginawa mo, ang bangkay mo ay hindi ililibing sa libingan ng mga ninuno mo.’ ”

23Nang matapos kumain at uminom ang lingkod ng Dios, inihanda ng matandang propeta ang asno para sa pag-uwi nito. 24At habang papauwi na siya, sinalubong siya ng isang leon at pinatay. Ang bangkay nitoʼy nakahandusay sa daan, at sa tabi nitoʼy nakatayo ang leon at asno. 25Nakita ng mga taong dumaraan doon ang bangkay at ang leon sa tabi nito, at ibinalita nila ito sa lungsod kung saan nakatira ang matandang propeta.

26Nang marinig ito ng matandang propeta, sinabi niya, “Siya ang lingkod ng Dios na lumabag sa salita ng Panginoon. Pinabayaan siya ng Panginoon sa leon na sumunggab at pumatay sa kanya, ayon sa sinabi ng Panginoon sa kanya.”

27Sinabi agad ng matandang propeta sa mga anak niyang lalaki, “Ihanda ninyo ang asno para sa akin.” At inihanda nila ito. 28Umalis siya, at nakita niya ang bangkay na nakahandusay sa daan, at ang leon at asno na nakatayo sa tabi nito. Hindi kinain ng leon ang bangkay o nilapa man ang asno. 29Kinuha ng matandang propeta ang bangkay ng lingkod ng Dios at isinakay sa asno, at dinala sa kanilang lungsod para ipagluksa ang bangkay at ilibing ito. 30Inilibing niya ito sa libingan na ipinagawa niya para sa kanyang sarili. Lubha silang nalungkot sa pagkamatay ng lingkod ng Dios.

31Matapos siyang mailibing, sinabi ng matandang propeta sa mga anak niyang lalaki, “Kapag namatay ako, ilibing ninyo ako sa pinaglibingan ng lingkod ng Dios, at pagtabihin ninyo kami. 32Dahil ang mga salita na sinabi ng Panginoon sa kanya tungkol sa altar sa Betel at sa mga sambahan sa matataas na lugar sa Samaria ay siguradong matutupad.”

33Kahit nangyari ang mga ito, hindi pa rin nagbago si Jeroboam sa kanyang pag-uugali. Pumili pa rin siya ng mga taong maglilingkod bilang mga pari sa mga sambahan sa matataas na lugar. Ang sinumang gustong maglingkod bilang pari ay inordinahan niya. 34Ang ginawang ito ni Jeroboam ay naging dahilan ng pagkakasala ng sambahayan niya at naghatid sa kanila ng pagkatalo at kapahamakan.

Copyright information for TglASD