1 Corinthians 8
Tungkol sa mga Pagkain na Inialay sa mga Dios-diosan.
1Ngayon, tungkol naman sa mga pagkaing inialay sa mga dios-diosan, kung maaari ba natin itong kainin o hindi: Kahit marami na ang ating nalalaman, dapat nating tandaan na kung minsan ang kaalaman ay nagpapayabang sa tao. Mas mahalaga ang pagmamahalan, dahil itoʼy nakapagpapatatag sa atin. 2Ang taong nag-aakala na marami na siyang alam ay kulang pa rin talaga sa kaalaman. 3Ngunit ang taong nagmamahal sa Dios ay siyang kinikilala ng Dios na kanya.4Kaya kung tungkol sa mga pagkaing inialay sa mga dios-diosan, alam natin na ang mga dios-diosang itoʼy hindi totoong Dios, dahil iisa lamang ang Dios. 5At kahit na sinasabi ng iba na may mga dios sa langit at sa lupa, at marami ang mga tinatawag na “mga dios” at mga “panginoon,” 6para sa atin iisa lamang ang Dios, ang ating Ama na lumikha ng lahat ng bagay, at nabubuhay tayo para sa kanya. At may iisang Panginoon lamang, si Jesu-Cristo. Sa pamamagitan niya ay nilikha ang lahat ng bagay, at sa pamamagitan din niya ay nabubuhay tayo ngayon.
7Ngunit may mga mananampalataya na hindi pa alam ang katotohanang ito. Ang iba sa kanilaʼy sumasamba noon sa mga dios-diosan, kaya hanggang ngayon, kapag kumakain sila ng mga pagkaing inialay sa mga dios-diosan, naiisip nila na parang kasama na sila sa pagsamba sa mga dios-diosan. At dahil sa kakaunti pa lang ang kaalaman nila, nagkakasala sila sa kanilang konsensya. 8Kung sabagay, ang pagkain ay walang kinalaman sa ating kaugnayan sa Dios. Walang mawawala sa ating kaugnayan sa Dios kung hindi tayo kakain, at wala rin naman tayong mapapala kung kumain man tayo.
9Ngunit kahit na malaya kayong kumain ng kahit ano, mag-ingat kayo dahil baka iyan ang maging dahilan ng pagkakasala ng mga taong mahihina pa sa kanilang pananampalataya. 10Halimbawa, may kapatid kang hindi pa nakakaunawa sa katotohanang ito, at ikaw na nakakaunawa ay nakita niyang kumakain sa templo ng mga dios-diosan, hindi baʼt mahihikayat din siyang kumain ng mga pagkaing inialay sa mga dios-diosan kahit na para sa kanya ay isa itong kasalanan? 11Dahil sa iyong “kaalaman,” napapahamak ang iyong kapatid na mahina pa sa pananampalataya, na kung tutuusin ay namatay din si Cristo para sa kanya. 12At sa ganitong paraan ay nagkasala ka na rin kay Cristo, dahil nagkasala ka sa iyong kapatid na mahina pa ang pananampalataya sa pag-udyok mo sa kanya na gumawa ng bagay na labag sa kanyang kalooban. 13Kaya kung ang kinakain ko ay nagiging dahilan ng pagkakasala ng aking kapatid, hindi na lang ako kakain nito ▼
▼nito: sa literal, karne.
kailanman, para hindi magkasala ang aking kapatid.
Copyright information for
TglASD