1 Corinthians 4
Mga Apostol ni Cristo
1Kaya dapat ituring ninyo kami ni Apolos bilang mga lingkod ni Cristo na pinagkatiwalaan ng Dios na mangaral ng katotohanang inilihim niya noong una. 2At ang katiwalaʼy dapat maging tapat. 3Hindi mahalaga sa akin kung ano ang iniisip ninyo o ng sinuman sa akin, ni hindi ko nga pinapahalagahan ang sarili kong opinyon. 4Kung sabagay, malinis ang aking konsensya, pero hindi ito nangangahulugan na wala akong kasalanan. Ang Panginoon lang ang makapagsasabi kung tama o mali ang aking ginagawa. 5Kaya huwag kayong humatol nang wala sa takdang panahon. Hintayin ninyo ang pagbabalik ng Panginoon. Pagdating niya, ilalantad niya ang lahat ng mga sekreto at motibo ng bawat isa. At sa panahong iyon, tatanggapin ng bawat isa ang papuring mula sa Dios na ayon sa kanyang ginawa.6Mga kapatid, ginamit kong halimbawa ang aking sarili at si Apolos upang matutunan ninyo ang ibig sabihin ng kasabihang, “Huwag ninyong higitan ang sinasabi ng Kasulatan.” Kaya huwag ninyong ipagmalaki ang isa at sabihing mas mabuti siya kaysa sa iba. 7Bakit sinasabi ninyong nakakahigit kayo sa iba? Ano ba ang mayroon kayo na hindi nagmula sa Dios? Kung ang lahat ng nasa inyoʼy nagmula sa Dios, bakit nagmamalaki kayo na parang galing mismo sa inyo ang mga ito?
8Inaakala ninyo na nasa inyo na ang lahat ng inyong kailangan, na mayayaman na kayo at naghahari na sa kaharian ng Dios nang wala kami. Sana ngaʼy naghahari na kayo nang makapaghari naman kaming kasama ninyo. 9Sa tingin ko, kaming mga apostol ay ginawa ng Dios na parang pinakahamak sa lahat ng tao. Para kaming mga taong nahatulan nang mamatay, na ipinaparada sa harap ng buong mundo, sa mga tao at pati sa mga anghel. 10Dahil sa pangangaral namin tungkol kay Cristo, itinuturing kaming mga hangal. Ngunit kayo naman ay nag-aakalang marurunong dahil nakay Cristo kayo. Kami ay mahihina, at sa palagay ninyo ay malalakas kayo. Iginagalang kayo ng mga tao, habang kami naman ay hinahamak. 11Maging sa oras na ito, kami ay nagugutom at nauuhaw, hindi makapanamit nang maayos, pinagmamalupitan, at walang matuluyan. 12Nagtatrabaho kami nang husto upang mabuhay. Kung nilalait kami ng mga tao, pinagpapala namin sila. Kung kami ay inuusig, tinitiis na lang namin ito. 13Kung kami ay sinisiraan, mahinahon kaming sumasagot. Hanggang ngayon, itinuturing kaming mga basura sa mundo.
14Hindi ko sinusulat ang mga ito upang ipahiya kayo, kundi upang paalalahanan kayo bilang mga minamahal kong mga anak. 15Sapagkat kahit marami ang nag-aalaga sa inyong pamumuhay Cristiano, iisa lamang ang inyong ama sa pananampalataya. At ako ang inyong ama, dahil naging anak ko kayo sa pananampalataya kay Cristo Jesus sa pamamagitan ng Magandang Balita na ipinangaral ko sa inyo. 16Kaya nakikiusap ako na tularan ninyo ako sa aking pamumuhay. 17At dahil nga rito, pinapapunta ko riyan si Timoteo, ang aking minamahal at tapat na anak sa Panginoon. Ipapaalala niya sa inyo ang tungkol sa pamumuhay ko kay Cristo Jesus, na siya ring itinuturo ko sa lahat ng iglesya saan mang lugar.
18Ang ilan sa inyo ay nagmamataas na dahil akala nilaʼy hindi na ako pupunta riyan. 19Ngunit kung loloobin ng Panginoon, pupunta ako riyan sa lalong madaling panahon. At titingnan ko kung ano ang magagawa ng mga tao riyan na mayayabang magsalita. 20Sapagkat malalaman natin kung ang isang tao ay pinaghaharian ng Dios sa pamamagitan ng kanyang mga gawa at hindi sa salita lamang. 21Ngayon, ano ang gusto ninyo: darating ako nang galit sa inyo, o darating nang mahinahon at may pag-ibig?
Copyright information for
TglASD