‏ 1 Corinthians 2

Ang Kamatayan ni Cristo sa Krus

1Mga kapatid, nang pumunta ako riyan upang ipahayag ang lihim na plano ng Dios, hindi ako gumamit ng malalalim na pananalita o karunungan. 2Sapagkat ipinasya ko na wala akong ipangangaral sa inyo kundi si Jesu-Cristo lang at ang kanyang pagkapako sa krus. 3Pumunta ako riyan na may kahinaan, at nanginginig pa sa takot. 4At nang mangaral ako sa inyo, hindi ako gumamit ng matatamis na pananalita batay sa karunungan ng tao upang kumbinsihin kayo. Sa halip, pinatunayan ng Banal na Espiritu ang aking pangangaral sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan, 5nang sa ganoon, hindi nakasalalay sa karunungan ng tao ang inyong pananampalataya kundi sa kapangyarihan ng Dios.

6Kung sabagay, nagtuturo rin kami ng malalalim na karunungan sa mga matatag na sa pananampalataya, ngunit ang karunungang itoʼy hindi mula sa karunungan ng mundong ito, o sa mga namumuno sa mundong ito na nakatakda nang malipol. 7Ang karunungang sinasabi ko ay ang karunungan ng Dios na kanyang inilihim noon. Itoʼy itinalaga niya para sa ating karangalan bago pa man niya likhain ang mundo. 8Ang karunungang ito ay hindi naunawaan ng mga namumuno sa mundong ito. Sapagkat kung naunawaan nila, hindi sana nila ipinako sa krus ang dakilang Panginoon. 9Ganito nga ang sinasabi ng Kasulatan,

“Wala pang taong nakakita, nakarinig, o nakaisip sa mga bagay na inihanda ng Dios para sa mga nagmamahal sa kanya.”
Isa. 64:4.

10Ngunit ang mga bagay na itoʼy ipinahayag na sa atin ng Dios sa pamamagitan ng kanyang Espiritu. Sapagkat ang lahat ng bagay ay nalalaman ng Espiritu, maging ang mga malalalim na kaisipan ng Dios. 11Hindi baʼt walang nakakaalam sa iniisip ng isang tao maliban sa kanyang sariling espiritu? Ganoon din naman, walang nakakaalam sa iniisip ng Dios maliban sa kanyang Espiritu. 12At ang Espiritu na ito ng Dios ang tinanggap nating mga mananampalataya, hindi ang espiritu ng mundong ito, upang maunawaan natin ang mga pagpapalang ibinigay sa atin ng Dios.

13Kaya nga ipinangangaral namin ang mga bagay na ito sa pamamagitan ng mga salitang mula sa Banal na Espiritu at hindi mula sa karunungan ng tao. Ipinangangaral namin ang espiritwal na mga bagay sa mga taong pinananahanan ng Espiritu. 14Ngunit sa taong hindi pinananahanan ng Espiritu ng Dios, hindi niya tinatanggap ang mga aral mula sa Espiritu, dahil para sa kanya itoʼy kamangmangan. At hindi niya ito nauunawaan, dahil ang mga bagay na itoʼy mauunawaan lamang sa tulong ng Espiritu. 15Sa taong pinananahanan ng Espiritu, nauunawaan niya ang mga bagay na ito, ngunit hindi naman siya maunawaan ng mga tao na hindi pinananahanan ng Espiritu ng Dios. 16Ayon nga sa sinasabi ng Kasulatan,

“Sino ba ang nakakaalam ng isip ng Panginoon?
Sino ba ang makakapagpayo sa kanya?”
Ngunit tayo, taglay natin ang pag-iisip ni Cristo, kaya nakakaunawa tayo.

Copyright information for TglASD